top of page
Search

ni Lolet Abania | September 19, 2021



Tinanggap ni Senador Emmanuel “Manny” Pacquiao ngayong Linggo ang nominasyon ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) bilang presidential candidate ng partido sa darating na 2022 national elections.


Hinirang si Pacquiao bilang opisyal na kandidato sa pagka-pangulo ng PDP-Laban faction, matapos na iboto ng maraming regional representatives ng partido sa ginanap na national assembly ngayong Linggo.


“Exciting ito dahil malaki ang posibilidad na mananalo tayo sa darating na halalan at ang tunay na PDP-Laban ang magpapatakbo ng gobyerno,” ani Senador Aquilino “Koko” Pimentel III, na nagsisilbing chairman ng partido.


Unang nagwagi sa senatorial seat si Pacquiao noong 2016 elections hanggang sa kasalukuyang termino at magtatapos sa 2022. Bago pa ang pandemya, kinokonsidera ang senador bilang top absentee mula Hulyo 2018 hanggang Hulyo 2019, kung saan wala siya sa 12 plenary sessions.


Siya rin ay naging top absentee sa House of Representatives mula Hulyo 2015 hanggang Hunyo 2016 na mayroong 22 absences, sa panahon ng pagsisilbi niya bilang Sarangani Representative.


Noong 2016, umani naman ng matinding kritisismo si Pacquiao matapos na ikumpara niya ang mga homosexuals sa mga hayop na batay aniya, sa kanyang religious beliefs.


Gayunman, agad humingi ng paumanhin si Pacquiao sa kanyang mga naging pahayag, subalit nananatili siya sa kanyang paniniwala laban sa same-sex marriage.


Samantala, inendorso ng opposing wing ng PDP-Laban faction na pinamumunuan naman ni Department of Energy Secretary Alfonso Cusi si Senador Christopher “Bong” Go bilang kanilang presidential candidate, at si Pangulong Rodrigo Duterte ang kanilang kandidato sa pagka-bise presidente sa darating na halalan.


Tinanggap ito ni Pangulong Duterte subalit tinanggihan naman ni Go, kung saan sinabi nitong hindi siya interesado na tumakbong pangulo. Sa halip, kinausap ni Go si Davao City Mayor Inday Sara Duterte para maging running mate ng anak ng Pangulo.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page