top of page
Search

ni Lolet Abania | December 24, 2020



Nakasabat ang awtoridad ng P2 million halaga ng hinihinalang shabu sa isinagawang anti-illegal drugs operation sa Zamboanga City kagabi.


Ayon sa Philippine National Police (PNP), naganap ang operasyon sa Barangay Kasanyangan at dito naaresto si Fahad Werble, 20-anyos, na nasa watchlist ng pulisya bilang isang high-value target.


Nakumpiska sa suspek ang isang plastic pack na naglalaman ng hinihinalang shabu, 5 pakete ng plastic sachets na naglalaman din ng hinihinalang shabu sa tinatayang halaga na P2 million na humigit-kumulang na 280 gramo, pera, isang blue pouch, at ilang boodle money.


Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek at nahaharap sa kasong kriminal dahil sa umano’y paglabag nito sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

 
 
  • BULGAR
  • Dec 24, 2020

ni Ronalyn Seminiano Reonico | December 24, 2020




Humingi ng tawad si Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Debold Sinas sa pamilya ng mag-inang tinadtad ng baril at pinatay ng isang pulis sa Tarlac kamakailan.


Ayon kay Sinas, pumunta siya sa burol ng mag-inang Sonya Gregorio, 52, at Frank Anthony, 25, noong Martes upang makiramay sa kanilang mga naulila.


Aniya, “Una, pumunta po ako roon para makiramay po, at of course manghingi po ng sorry sa nangyari sa kanila.


“Pangalawa po ay [para] i-update po sila ng progress ng investigation at para malaman nila na ang PNP po, ako na lalo, ay hindi po kami nagto-tolerate sa ginawa ni Staff Sergeant Nuezca, and assured them of PNP support and security of their family. Nagbigay po kami sa kanila para maski papano maibsan po ang lungkot po nila.”


Mayroon na ring pulis na inatasan ang PNP para siguruhin ang kaligtasan ng pamilya Gregorio at kinausap din umano ni Sinas ang asawa ni Sonya na si Florentino Gregorio.


Pahayag ni Sinas, “In-assure namin sila na ang buong kapulisan ay nasa kanila po at tutulong po para sa kaso.”


Paglilinaw din ni Sinas, “Walang settlement or anything. We will not compromise. Tuloy po ang kaso. Tuloy po ang dismissal ni Staff Sergeant Nuezca.”

 
 

ni Lolet Abania | December 23, 2020



Isang 9-anyos na batang taga-Alfonso Lista, Ifugao ang umani ng paghanga mula sa mga netizens at pulisya dahil sa kanyang katapatan matapos na isauli ang isang pouch na naglalaman ng pera at mga importanteng dokumento.


Ang bata na kinilalang si Gernan Garcia ay nagbalik ng bag na kanyang natagpuan na may lamang P32,000 cash, ID at importanteng dokumento.


Ayon sa Philippine National Police (PNP) Alfonso Lista, nakita umano ni Gernan ang pouch sa gilid ng kalsada nang pauwi na ito ng bahay. Kinuha ni Gernan ang pouch at nang makauwi ay ibinigay sa kanyang nanay.


Kasama ang kanyang ina, nagtungo sila sa police station upang i-surrender ang mahalagang bag at laman nito, kung saan agad ding naibalik sa may-ari.


Bilang pasasalamat sa katapatan ng bata, binigyan ng may-ari si Gernan ng pera. Pinasalamatan din ng may-ari ng pouch ang magulang ni Gernan sa mahusay na pagpapalaki sa anak na may mabuting puso.


Samantala, may mga netizens ding nagpahayag ng paghanga sa ginawa ni Gernan at sa mga magulang nito. Nais ng ilang netizens na magbigay ng tulong sa bata kung saan inaalam na ang kanyang kinaroroonan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page