top of page
Search

ni Lolet Abania | September 18, 2021



Nasagip ang nasa 11 kakaibahan mula sa dalawang spa na nag-aalok umano ng “extra service” sa Antipolo City.


Ayon sa lokal na pamahalaan ng Antipolo City, magkasabay ang Philippine National Police (PNP) Women and Children Protection Center (WCPC) at ng city social workers na ni-raid ang Nitzi Touch Massage Spa at Miyuto Spa sa Barangay Mayamot.


Agad na ikinasa ng mga awtoridad ang operasyon matapos na mabatid na nag-aalok umano ang dalawang spa ng “extra service” sa halagang P2,000 sa mga kustomer bukod pa sa pagmamasahe.


Anim sa mga na-rescue na babaeng massage therapist ay residente ng Quezon City habang ang lima ay pawang taga-Antipolo.


Dinala na sa Camp Crame sa Quezon City ang mga babae at patuloy na iniimbestigahan.


Isinailalim naman ang mga ito sa assessment ng social worker para matukoy kung kinakailangan silang ipasok sa isang shelter o ibabalik na lamang sa kani-kanilang pamilya habang bibigyan din ng tulong pangkabuhayan.

 
 

ni Lolet Abania | September 15, 2021



Inihayag ngayon ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo Eleazar na walang itatakdang mga checkpoints sa National Capital Region (NCR) kapag isinailalim na ang rehiyon sa Alert Level 4 bukas, Huwebes.


Sa isang interview, sinabi ni Eleazar na ang pagde-deploy nila ng mga pulis ay nakatuon na lamang sa mga lugar na nasa ilalim ng granular lockdowns. “Wala na tayong checkpoint sa operation dahil narinig naman natin ng uniform naman itong Level 4 [Alert Level 4 in NCR],” ani Eleazar .


Paliwanag pa ni Eleazar na ang pagpapatupad ng granular lockdowns ay hindi na bago sa kapulisan dahil sa may 50 lugar sa Metro Manila ang kasalukuyang nakasailalim sa naturang restrictive measure.


Una nang inianunsiyo nitong Martes ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na ang NCR ay isasailalim sa Alert Level 4 simula sa Huwebes sa gitna ng COVID-19 pandemic.


Sa ilalim ng Alert Level 4, ang ikalawang pinakamataas na alert level sa bagong scheme ng pamahalaan, ay iyong may mga kaso ng COVID-19 na mataas ang bilang o nadaragdagan pa habang ang kabuuang mga kama at ICU beds ay nasa high utilization rate.


Ang mga hindi pinapayagan o bawal lumabas ng kanilang bahay na nasa ilalim ng Alert Level 4 ay mga edad 17 pababa, mga 66-anyos pataas, mga mayroong immunodeficiencies, comorbidities, o iba pang may panganib sa kalusugan, mga buntis.


Ang mga indibidwal naman na papayagan o maaaring lumabas ng bahay ay iyong mga kukuha o bibili ng mga essential goods at services, o magtatrabaho sa mga industriya o opisina na pinayagang mag-operate ng gobyerno.


Gayundin, sa ilalim ng Alert Level 4, ang intrazonal at interzonal travel para sa mga indibidwal ay maaaring payagan subalit nakadepende ito sa ipinatutupad na regulasyon ng LGU na destinasyon o nais na puntahan.

 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | September 12, 2021



Nagpositibo sa COVID-19 ang 18 kawani ng Marinduque Police, ayon sa kanilang direktor na si Police Col. Wilson Santos VI.


53 katao naman ang na-expose sa mga ito kaya agad na pinag-isolate.


“Six 'yung positive sa RT-PCR, 12 nag-positive sa antigen test, tapos 53 'yung naka-isolate, naka-quarantine dahil sa close contact dun sa mga nag-positive namin. Patuloy naman 'yung monitoring sa kalusugan ng mga tao namin," ani Santos.


Gayunpaman, patuloy pa rin daw sila sa pagtupad ng kanilang tungkulin lalo at hindi lang pandemya ang hinaharap ngayon dahil nagbabantay din sila sa banta ng bagyo.


“Kahit may positive sa amin dahil sa pagganap ng kanilang mga trabaho patuloy pa rin naming gagawin 'yung serve and protect the people of Marinduque. Magtatrabaho pa rin kami... Hindi namin iko-compromise ang security and safety ng mga tao despite of the COVID-19, ganun pa rin 'yung kahandaan namin. Pagdating ng mga sakuna at bagyo kami ay nakaantabay," ani Santos.


Halos lahat daw ng kanilang kawani ay nakatanggap na ng unang dose ng bakuna, ayon kay Santos.


Malaki rin ang tiwala niya na mapagtatagumpayan nila ang laban sa virus sa kabila ng patuloy na pagtaas ng kaso nito.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page