top of page
Search

ni Jasmin Joy Evangelista | February 19, 2022



Nananawagan ng hustisya ang pamilya ng human rights activist at dating Secretary General ng Karapatan-Caraga na si Dr. Natividad Marian Castro matapos itong arestuhin ng mga pulis nitong Biyernes.


Ayon sa kapatid ni Castro, inaresto si Castro bandang 9:30 a.m. sa kanyang bahay sa San Juan City dahil umano sa kasong kidnapping at serious illegal detention sa Caraga.


Si Castro ay isang human rights advocate at health worker sa Mindanao kung saan tumulong siya sa pagbuo ng community health centers at nagtuturo at tumutulong sa mga biktima ng human rights violation sa Caraga.


Dinala na umano ang doktora sa Butuan City kahapon ng hapon dahil doon naka-file ang kanyang kaso.


Kinokondena ng Karapatan ang pagkakaaresto kay Castro dahil ipinroseso umano siya na hindi man lang nakakausap ng kanyang abogado at pamilya.


Nanawagan din ang human rights group na Karapatan na ibasura ang mga anila'y gawa-gawang kaso at palayain si Castro.

 
 

ni Lolet Abania | February 18, 2022



Nakikipag-ugnayan na ngayon ang pulisya kay gaming tycoon Atong Ang para sa imbestigasyon ng mga nawawalang “sabungero” o tinatawag na cockfighting enthusiasts, ayon kay Philippine National Police (PNP) spokesperson Police Colonel Jean Fajardo.


Sa kanyang interview ngayong Biyernes, sinabi ni Fajardo na sa ginawang imbestigasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), nabatid na ang mga arena kung saan nawala ang mga indibidwal na nakasali sa cockfighting games o sabong ay pinatatakbo ng WPC na aniya, naiuugnay kay Ang.


“‘Yung CIDG director po, no less than Major General Albert Ferro, ay nakipag-meeting na po kay Ginoong Atong Ang para nga po magbigay linaw dito sa ginagawang investigation,” ani Fajardo.


Ayon kay Fajardo, nangako naman si Ang na tutulong ito sa CIDG sa kanilang imbestigasyon. Aniya, ilan sa mga tauhan ni Ang, kabilang na ang kanyang security personnel, ay nagbigay na ng kanilang accounts sa mga imbestigador.


Sa kapalaran naman ng mga nawawalang sabungero, ayon kay Fajardo hindi pa nila madetermina kung buhay pa o patay na ang mga ito.


“Sa ngayon po, wala po tayong concrete evidence na talagang makakapagsabi kung sila po ba ay buhay o patay. Umaasa pa rin tayo na buhay pa po sila,” sabi ni Fajardo.


Nitong Huwebes, sinabi ni CIDG public information office chief Police Lieutenant Colonel Ramon Sawan na ang bilang ng mga nai-report na nawawalang sabungero ay nasa 29 na sa ngayon.

 
 

ni Lolet Abania | February 9, 2022



Mapayapa sa kabuuan ang unang araw ng campaign period para sa lahat ng kandidato na tatakbo sa national positions sa May 9 elections, ayon sa Philippine National Police (PNP).


Sa isang radio interview, sinabi ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na mayroon lamang na tatlong nai-report na insidente ng karahasan sa Mindanao subalit aniya, wala itong kaugnayan sa eleksyon.


“So far, base po sa mga na-receive nating report, ay generally peaceful naman po ‘yung first day po ng campaign period ng ating mga national candidate,” diin ni Fajardo.


Subalit, ayon kay Fajardo, naobserbahan nila na ang social distancing protocol na itinakda dahil sa panganib pa rin ng COVID-19 ay nilabag sa ilang campaign rallies.


Inamin naman ng opisyal na ang pagpapatupad ng minimum public health standards sa mga campaign rallies ay malaking hamon sa pulisya.


Una nang sinabi ni Fajardo na ipapatupad ng PNP ang maximum tolerance sa pag-iimplementa ng mga election guidelines at COVID-19 health standards sa lahat ng campaign rallies upang maiwasan ang anumang tensyon sa panahon ng nasabing aktibidad.


Aniya, tututukan ng PNP ang pagpapatupad ng election guidelines na itinakda ng Commission on Elections, habang ang mga barangays officials nakatuon naman para tiyakin na nasusunod ang minimum public health standards.


Opisyal na nagsimula nitong Martes, Pebrero 8, ang 90-day official campaign period para sa mga kandidato na tatakbo sa national positions.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page