top of page
Search

ni Lolet Abania | June 16, 2022



Hindi papayagan ang anumang isasagawang protest rally sa mga lugar na malapit sa inagurasyon nina President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Vice President-elect Sara Duterte, ayon sa Philippine National Police (PNP) ngayong Huwebes.


Sa isang radio interview, sinabi ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na inaasahan na ng mga law enforcers ang demonstrasyon sa gaganaping oathtaking ni VP Sara sa San Pedro Square sa Davao City sa Hunyo 19, at kay P-BBM sa National Museum of the Philippines sa Hunyo 30. Giit ni Fajardo, ang mga protesters ay maaari lamang magsagawa ng kanilang mga aktibidad sa designated na freedom parks sa parehong lugar.


“Definitely, hindi po papayagan ang anumang rally sa malapit po sa event both in Davao City at dito sa National Museum,” saad ni Fajardo.


“But dahil ginagalang natin ‘yung karapatan ng ilang mamamayan na magpahayag ng kanilang saloobin ay pupwede silang mag-rally at magsagawa ng kanilang mga activities doon sa mga designated freedom parks ng Manila at Davao,” dagdag ni Fajardo.


Una nang ipinahayag ni PNP director for operations Police Major General Valeriano de Leon, na ang mga local government units (LGUs) ay hindi pa nag-iisyu ng permit para sa anumang protest action sa isasagawang inagurasyon nina Marcos at Duterte.


Nagbabala naman si PNP officer-in-charge Police Lieutenant General Vicente Danao Jr. sa mga protesters na sila ay aarestuhin kung magiging sagabal sa trapiko at mamiminsala ng mga government property sa isasagawa nilang mga rallies.


Ayon pa sa PNP, magpapatupad din sila ng gun ban sa Davao Region mula Hunyo 16 hanggang 21 para sa inagurasyon ng VP Sara, at sa Hunyo 27 hanggang Hulyo 2 sa Metro Manila para kay P-BBM.


Sinabi naman ni Manila Police District chief Police Brigadier General Leo Francisco, na tinatayang 7,000 hanggang 8,000 pulis ang ide-deploy para sa seguridad ng oathtaking ni Marcos.


 
 

ni Lolet Abania | June 15, 2022



Magpapatupad ng gun ban ang Philippine National Police (PNP) para sa magkahiwalay na inauguration rites nina President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa Manila at Vice President-elect Sara Duterte sa Davao City.


Ayon kay PNP Director for Operations, Police Major General Valeriano de Leon, ang gun ban sa Davao Region ay magiging epektibo mula Hunyo 16 hanggang 21 para sa inaugural ceremony ni VP Sara sa Hunyo 19 habang sa Hunyo 27 hanggang Hulyo 2 sa Metro Manila para sa oathtaking ni P-BBM na nakatakda sa Hunyo 30.


“That [gun ban] is three days before [the event] and two days [after the event] because we have clearing areas... if ever there is an incident that warrants investigation,” pahayag ni De Leon sa isang press conference ngayong Miyerkules.


Ang June 19 event ay magaganap sa San Pedro Square sa Davao City, habang ang June 30 ceremony ay isasagawa sa National Museum sa Manila.


“The suspension (gun ban) covers the period of full preparations, deployment and implementation of the security measures for the oath-taking events of the two highest ranking officials of the country,” giit ni De Leon.


“That was our recommendation that was approved (by PNP officer in charge Police Lieutenant General Vicente Danao Jr.),” dagdag ng opisyal. Nang tanungin siya, kung ang gun ban ay senyales ng anumang nai-report na threat o banta kaugnay sa magaganap na mga inagurasyon, saad ni De Leon, mas makabubuting manatiling mapagbantay.


“We are validating raw information. We do not discount any information that reaches our office. We quickly send them to Directorate of Intelligence for validation,” sabi ni De Leon. “Be that as it may, we are ready for anything,” aniya.


Ayon pa kay De Leon, nasa tinatayang 3,700 pulis ang itatalaga sa seguridad ng oathtaking ni VP Sara habang humigit-kumulang sa 6,000 ang ide-deploy para sa oathtaking ni P-BBM.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page