top of page
Search

ni Jasmin Joy Evangelista | January 24, 2022



Malaki ang ibinaba ng bilang ng mga lumabag sa “no vaccine, no ride” policy kumpara noong unang araw ng implementasyon nito, ayon sa Philippine National Police (PNP).


Batay sa datos mula sa Inter Agency Council for Traffic, 8 na lamang ang violators noong Biyernes, Jan. 21, kumpara sa 160 violators noong Jan. 17.


“It’s a good sign that the public is slowly adjusting to the policy. We are observing increased cooperation from the unvaccinated individuals,” ani PNP chief PGen. Dionardo Carlos.


Pinaalalahanan naman ni Carlos na i-exercise ng mga pulis ang maximum tolerance sa mga violators.


“We commend the impressive behavior displayed by our personnel. It was grace under pressure. May we also ask the public not to blame our personnel as they are only fulfilling their mandate,” dagdag ni Carlos.


Samantala, sinabi ni Carlos na pinalalawak din ng PNP ang mga checkpoint upang ma-inspect kung sumusunod ang mga pampublikong sasakyan sa limitasyon sa maximum capacity.

 
 

ni Lolet Abania | January 19, 2022



Isang 15-anyos na lalaki ang namatay habang sugatan ang 19-anyos na kanyang angkas nang sumemplang ang kanilang motorsiklo, matapos na takasan ang isang police checkpoint sa Quezon City ngayong Miyerkules ng madaling-araw.


Nakaposisyon ang checkpoint sa bahagi ng Banawe corner Calamba Streets, alinsunod sa ipinatutupad na Oplan Sita ng mga awtoridad.


Ayon sa mga police officers na naka-duty, sisitahin lamang nila ang dalawang binatilyo dahil sa wala silang suot na mga helmet.


Subalit sa halip na huminto sa checkpoint ang mga binatilyo, pinaharurot pa ng takbo ang kanilang motor. Agad naman silang hinabol ng mga naka-duty na mga pulis.


“They disobeyed deliberately the Oplan Sita and they sped off instead. However our TMRU (Tactical Motorcycle Riders Units) conducted the chase... The suspects, while being chased, they drew their firearm. Accidentally the firearm dropped,” ani Police Lieutenant Colonel Tyrone Valenzona, commander ng La Loma Police.


Umabot ang habulan sa C3 Road sa Caloocan City hanggang sa maaksidente ang motorsiklo ng dalawang binatilyo.


Sa salaysay ng 19-anyos na angkas, pinahihinto na niya ang kaibigan pero itinuloy pa rin nitong pinaharurot ang motor.


“Ayaw niya na ring pigilan, ayaw na niyang ihinto. Natatakot lang din po kaya niyakap ko na lang din siya. Noong nasa dulo na po, dire-diretso na po kami nu’n. Hindi namin akalain ‘yung lubak. Doon na po kami tumilapon. Doon na, nagdugo-dugo na ‘yung ulo

niya,” sabi ng binatilyo na nagtamo naman ng mga sugat sa kaliwang binti at balikat.


Ayon sa pulisya, isang caliber .38 pistol ang kanilang nakumpiska, kung saan itinapon umano ito ng 19-anyos na binatilyo sa gilid ng kalsada.


Gayunman, itinanggi ito ng binatilyo at hindi umano sa kanya ang baril.


Mahaharap ang binatilyong suspek sa mga reklamong disobedience at illegal possession of firearms in relation to Omnibus Election Code.


 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | January 18, 2022



Umabot sa 43 ang bilang ng bagong kaso ng COVID-19 na naitala sa hanay ng Philippine National Police (PNP) ng Central Luzon, ayon sa datos nitong Lunes, Enero 17.


Ayon sa PNP health service, umabot na sa kabuuang 470 ang active COVID-19 cases sa workforce ng Police Regional Office 3 (PRO3).


Ito na ang pinakamataas na bilang ng kaso ng Covid na naitala ng PNP simula nang umusbong ang pandemya noong 2020.


Ayon pa sa PRO3, nagkaroon ng surge sa kanilang hanay sa kabila ng mataas na vaccination rate sa kanilang workforce.


Simula 2020, nakapagtala na ang PRO3 ng 3,350 COVID-19 cases na may 2,873 recoveries at 7 deaths.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page