top of page
Search

ni Lolet Abania | April 22, 2022

ree

Gumagawa na ng paraan ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at ang Department of Budget and Management (DBM) para makakuha ng pondo sa insurance policy na kailangan ng mga estudyanteng nasa kolehiyo na lalahok sa in-person classes, ayon sa Department of Health.


Sinabi ni DOH Secretary Francisco Duque III, na ang mga estudyante naman na below 21-anyos ay awtomatikong dependents ng kanilang mga magulang na silang mga miyembro ng PhilHealth.


“Problema, iyong 21 years and above. Iyon ang hinahanapan ng PhilHealth at saka ng DBM ng pondo para ma-enroll sila,” saad ni Duque sa isang televised briefing ngayong Biyernes.


“Hinanapan nga ng PhilHealth ng pondo para mailista, maisama sila sa National Health Insurance Program. Hindi na po sila dependents ng kanila pong mga magulang... iyan din naman ang mandato sa ilalim ng Universal Healthcare Law na lahat ng Pilipino ay maging miyembro ng PhilHealth,” dagdag ng opisyal.


Una nang sinabi ni PhilHealth spokesperson Dr. Shirley Domingo na ang mga estudyante na 21-anyos at pataas ay maaaring makipag-ugnayan sa kanilang mga paaralan o sa mga PhilHealth offices para mag-apply ng insurance.


Gayunman, ayon sa National Union of Students of the Philippines, hindi lahat ng estudyante ay kayang makakuha ng health insurance, kung saan hinimok nila ang gobyerno na pondohan ang naturang programa.



 
 

ni Fely Ng - @Bulgarific | March 19, 2022


ree

Hello, Bulgarians! Bilang pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan ngayong Marso, inanunsiyo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang mga benepisyong maaaring ma-avail ng mga kababaihan mula sa ahensiya.


Una na ang benepisyo sa panganganak sa ilalim ng Maternity Package na kinabibilangan ng pre-natal check-up na hindi bababa sa apat (4) na beses na panganganak, hanggang sa postpartum period.


Nagkakahalaga ito ng P6,500 kung sa ospital at P8,000 naman kung sa mga lying-in clinics.


Kung sakaling hindi naisagawa ang mga pre-natal check-up, maaari pa ring ma-avail ang Normal Spontaneous Delivery package kung saan kasama ang postpartum care na may halagang P5,000 sa ospital at P6,500 naman sa mga lying-in clinics.


Samantala, P19,000 naman ang benepisyo para sa caesarean section delivery sa mga level 1 hanggang 3 na ospital.


Ipinaalala ng PhilHealth na dapat ay accredited ang mga pasilidad na pupuntahan para siguradong maka-avail ng benepisyo.


Para naman sa mga kababaihang may breast o cervical cancer, sila ay maaaring maka-avail ng Z Benefit Packages sa mga piling contracted hospitals ng PhilHealth sa buong bansa. Ang Z Benefit para sa breast cancer stage 0-111A ay nagkakahalaga ng P100,000 kung saan sagot ang kumpletong serbisyo kasama ang operasyon, professional at hospital fees at chemotherapy.


P125,000 hanggang P175,000 naman ang pakete para sa cervical cancer depende sa treatment options.


Nilinaw din ng PhilHealth na may selections criteria na itinakda ang ahensiya sa nasabing Z Benefit Packages upang matiyak ang mataas na posibilidad ng paggaling ng pasyente.


Sa kasalukuyan ay mayroong 19 contracted na ospital para sa Z package sa breast cancer; at anim (6) na ospital naman para sa cervical cancer package sa buong bansa.


Covered din ng PhilHealth ang gamutan sa ilang gynecological disorders gaya ng ovarian cystectomy (P23,300), vaginal hysterectomy (P30,300), dilatation at curettage o raspa (P11,000) at mastectomy (P22,000).


Para sa karagdagang impormasyon, mag-text sa 09216300009 para matawagan ng PhilHealth Action Center o mag-post ng komento, feedback, at suhestiyon sa PhilHealth Facebook page (www.facebook.com/PhilHealthOfficial).


Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City

 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | January 20, 2022


ree

Inihayag ni Patricia Gomez ng Integrated Midwives Association of the Philippines (IMAP) sa isang panayam na halos nasa P180 milyon na ang utang ng PhilHealth sa mga kumadronang nagpapatakbo ng mga birthing clinic o paanakan.


“Ang mga private midwives natin ay may birthing clinic. So, PhilHealth accredited po ito sila. So, ngayon, ang problema, dahil 'no balance billing' 'di ba, hindi sila, what I mean, naniningil sa pasyente, ay of course, sisingilin nila sa PhilHealth kasi nga 'no balance billing' eh,” ani Gomez.


Tila naging paunti-unti umano ang bayad ng PhilHealth sa kanila.


“And in fact, Kabayan, ang dami na naming meetings eh. May pocket meetings kami sa mga regional VPs nila. Meron din kaming meeting dito sa national… Ang sabi nila ay, medyo, nung una, system problem. Tapos, sunod na naman, hindi ko alam na kung anong mga rason,” kuwento niya.


“So doon sa mga pocket meetings na ganoon din, ang aming sinasabi sa kanila, kasi sabi ni Atty. [Dante] Gierran lately, eh nasa kanila naman sa regional office naman yung pera, bakit hindi maibibigay.”


“Sa totoo lang po, accumulated namin na hindi nabayaran ng PhilHealth, kasi nagkaroon na po ng survey sa aming mga midwives, umabot na po ng mga almost P180 million po,” pahayag pa ni Gomez.


Sa ngayon ay nakikiusap umano sila sa PhilHealth na bayaran na ang utang nito kahit manlang sa mga paanakan sa lugar na nasalanta ng bagyong Odette.


“Ayokong umiyak kasi sa totoo lang, kawawa sila na kahit walang ilaw, walang tubig eh talagang ang serbisyo ay nandadyaan. Kaya lang sana, hinihingi namin kay President Gierran, na medyo i-expedite naman nila yung mga affected na areas kasi wala talaga sila, drained talaga sila.”


Nilinaw din ni Gomez na kahit pa bago ang pandemya ay may utang na sa kanila ang PhilHealth noong 2017 at 2018.


Ayon naman sa tanggapan ng corporate affairs ng PhilHealth, makikipag-usap muna sila sa IMAP para pagtugmain ang kanilang mga numero.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page