top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | Mar. 23, 2025



Photo: Justin Brownlee at Scottie Thompson sa Game 5 ng Ginebra at TNT / PBA.PH


Laro ngayong Miyerkules – Araneta

7:30 PM Ginebra vs. TNT


Lumikha ng isa pang inspirado at milagrong laro sina Justin Brownlee at Scottie Thompson at binigo ng Barangay Ginebra ang TNT Tropang Giga, 73-66, sa Game Five ng 2024-25 PBA Commissioner’s Cup Finals sa Araneta Coliseum kahapon.


Isang panalo na lang ang kailangan ng Gin Kings para makandado at lamang na sa seryeng best-of-seven, 3-2. Ibinalik ni Thompson ang bentahe sa Gin Kings, 67-66, at sinundan ng malupit na depensa para matawagan ng shot clock violation ang TNT.


Kinuha nina Thompson at Brownlee ang pagkakataon para maka-shoot muli at lumayo, 71-66, at tuloy-tuloy na ang kanilang arangkada sa huling dalawang minuto. Tinodo ni Brownlee ang opensa sa pangatlo at pang-apat na quarter para sa 18 puntos at 13 rebound.


Double-double din si Thompson na 16 at 10 rebound habang tig-11 sina Japeth Aguilar at Marverick Ahanmisi. Nanguna sa Tropang Giga sina Best Import Rondae Hollis-Jefferson at Rey Nambatac na parehong may 19.


Harapang bumanat ng pagbasket si Justin Brownlee ng Ginebra Kings kontra sa depensa ni Rondae Hollis Jefferson sa Game 5 ng PBA Finals ng 49th Commissioner's Cup sa Big Dome Linggo ng gabi. (Reymundo Nillama)


Malaking bagay ang biglang-lamig nila sa huling apat na minuto at napako sa 66 puntos Mabagal ang simula ng Ginebra at hinintay ang huling 51 segundo ng pangalawang quarter bago nakapuntos si Brownlee, 35-41.


Sinundan ito ng mga buslo nina Calvin Oftana at Kim Aurin at nagbanta ang TNT na gawing tambakan ang laro papasok sa pangalawang quarter, 45-35. Kabaligtaran ang nangyari at pumalag ang Gin Kings para maging dikdikan ang laro.


Tinuldukan ni Brownlee ang pangatlong quarter at inunahan niya ang busina para maagaw muli ang bentahe, 57-56, at positibong enerhiya para sa huling buhos.


Matatandaan na binura ni Brownlee ang mga haka-haka sa kanyang paglaro sa Game Four na balot na balot ang pilay na hinlalaki.


Napili siyang Best Player na may 23 at 12 rebound at kumbinsidong nagtagumpay ang Ginebra, 95-78. Ang Game Six ay gaganapin ngayong Miyerkules sa parehong palaruan. Kung kailangan, ang winner-take-all Game Seven ay sa Biyernes sa Araneta pa rin.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | Feb. 5, 2025



Photo: Mapapalaban si Justine Baltazar ng Converge Fiberxers kontra Rain or Shine. (Reymundo Nillama)


Laro ngayong Miyerkules – Araneta

5 PM ROS vs. Converge 7:30 PM Ginebra vs. Magnolia


Panahon na para magseryoso at quarterfinals na ng 2024-25 PBA Commissioner’s Cup ngayong araw sa Araneta Coliseum. Unang sasalang ang #6 Rain Or Shine laban sa #3 Converge at susundan ng salpukan ng #4 Barangay Ginebra at #5 Meralco sa mga seryeng best-of-three.


Ganado ang ROS matapos nila talunin ang TNT noong Biyernes, 106-96, para umangat sa #6. Tinalo naman ng FiberXers ang Elasto Painters sa elimination, 103-96, noong Enero 14.


Napiga ng Converge ang panalo sa mahusay na laro nina Alec Stockton, Jordan Heading, Kevin Racal at Justine Arana upang takpan si import Cheik Diallo na 8 puntos lang ang ambag.


Tanging sina Jhonard Clarito, Beau Belga at import Deon Thompson ang bumuhay sa ROS.


Tinapos ng Gin Kings ang elimination sa 91-87 tagumpay sa All-Filipino Bolts noong Enero 29.


Malaking tanong pa rin ang lagay ng likod ni Bolts import Akil Mitchell na liliban laban sa Ginebra at Magnolia at pumasok sa quarterfinals bitbit ang dalawang sunod na talo.


Sasandal muli ang Gins kay Brownlee, Troy Rosario, RJ Abarrientos, Japeth Aguilar, Stephen Holt at Scottie Thompson na lahat gumagawa ng 10 o higit pa bawat laro. Tatapatan nina Chris Newsome, Bong Quinto at Chris Banchero.


Nakuha ng Hotshots ang huling upuan sa q'finals sa bisa ng 112-81 tagumpay sa NLEX noong Linggo. Haharapin ng Hotshots ang #1 NorthPort sa Huwebes bago magkita ang #2 TNT vs. #7 HK Eastern sa Aquino Stadium.


Samantala, sina dating MVP Ramon Fernandez, Atoy Co at Allan Caidic ang mga hurado na pipili ng 10 manlalaro upang mabuo ang PBA’s 50 Greatest Players sa ika-50 taon ng liga ngayong Abril.


Kasama nila sina dating Commissioner Sonny Barrios, Coach Dante Silverio at mga sports media Ding Marcelo, Nelson Beltran, Al Mendoza, Joaquin Henson at Andy Jao.

 
 

ni MC @Sports News | Jan. 25, 2025



Photo: Castro at Thompson / PBA



Nagsumula sa isang 'humble beginnings' sina Scottie Thompson at Jayson Castro bago naging mga big stars ng PBA. Mga nagsimula sa wala pero nagsikap at sa tulong na rin ng ibang tao ay natupad nila na umangat ang karera at sumikat. Sa ngayon ay panahon naman para sila ang tumulong.


Sina Thompson at Castro, kasama si Filipino-Ivorian Olympian Maxine Esteban ay sumusuporta ngayon sa mga baguhang kinakalinga ni Milka Romero ng 1Pacman Partylist. “They're into sports. Alam natin, sa Pilipinas, sobrang need natin ng support sa sports, not just basketball, not just the Gilas but all kinds of sports na talagang tutulungan natin para umunlad,” ani Thompson tungkol sa pag-agapay ni Capita1 co-owner Romero.


Magkatuwang ang Barangay Ginebra guard at 1Pacman sa adbokasiya na matulungan ang mga kabataan lalo na ang mga walang kaya tulad ng ginagawa ni Esteban na suportado ang programa ni Romero na tumutulong sa mga atleta sa Olongapo na naging bahagi ng Batang Pinoy 2024.


“I think kasama na sa generation natin ngayon, alam naman natin na as long as tumutulong and as long as doing the right way, 'yung intentions nila maganda para sa sports so truly blessed 'yung mga athletes na may mga ganun, tumutulong para sa amin,” dagdag ng one-time PBA MVP.


“Maraming mga atleta na mga less privileged na hindi nabibigyan ng mga opportunity na ipakita o i-showcase yung talent nila. So, at least nariyan ‘yung 1Pacman para tulungan sila," dagdag ng two-time best point guard ng Asya.


Para kay Esteban, “It’s really my advocacy kasi kahit naman di ako pinalad na ma-represent yung Pilipinas sa Olympics, ipinangako ko talaga sa sarili ko na I want to be relevant in Philippine sports and really to help athletes here in the Philippines.”

 
 
RECOMMENDED
bottom of page