- BULGAR
- Aug 29, 2021
ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | August 29, 2021
Ngayong papalapit na ang kaarawan ng pumanaw na si Jaime Cardinal Sin ngayong Martes, ika-31 ng Agosto 2021, muli nating itatanong kung bakit kailangan natin ang pamumuno ng isang tulad niya. Nakilala nating personal ang mahal na si Jaime Cardinal Sin, dahil noong pumasok ang inyong lingkod ng seminaryo noong 1970, hindi na nagtagal at pumanaw si Rufino J Cardinal Santos noong ika-3 ng Setyembre, 1973. Batang-bata pa si Cardinal Rufino J. Santos na pumanaw sa edad na 65-taon. Na-stroke (atakeng serebral) ang Cardinal na nauwi sa maaga nitong kamatayan. Nasa ikalawang taon natin sa unibersidad noong namatay si Cardinal Santos. Pinalitan ito ng batang-batang si Jaime Cardinal Sin noong sumunod na taon. At sa edad na 88-taon hinirang ni Papa Paolo VI si Archbishop Jaime Sin noong ika-24 ng Mayo 1976 na Cardinal.
Katatapos lang natin ng kolehiyo noon, at unti-unting namumulat sa mga katotohanan ng buhay sa Pilipinas. Mag-aapat na taon nang pagkakaproklama ng Martial Law ni dating Pangulong Ferdinand Marcos. Nagsisimula nang umingay at uminit ang kabataan. Maraming hinuhuli at ikinukulong. Nagsisimula na rin ang mga pagkawala at salvaging ng mga aktibista.Nagkalat ang mga pulis sa Kamaynilaan na nakilala bilang Metrocom o Metropolitan Command. Gayundin, ang mga sundalo sa kanayunan. Ito na ang simula ng programa ng pananakot at propaganda. At sa gitna ng madilim na kapaligiran, unti-unting naririnig ang tinig ng palabiro, palatawang pinuno ng Simbahan. At dahil hindi pa tayo pari at isang hamak na seminarista lamang, hindi natin lubos na naiintindihan ang mahalagang papel na ginagampanan ng bagong Cardinal ng Maynila.
Salamat sa mga naging propesor nating Heswita, unti-unti nating naintindihan ang kahalagahan ng tinig ng katotohanan at katarungan na hindi natitinag ng pananakot at propaganda. Ganyan ang tinig ni Jaime Cardinal Sin. Halos maririnig natin ang tinig niya sa maraming isyu. Masasabing gising at nakikisangkot ang simbahan sa buhay-lipunan, sa buhay ng bawat mamamayan. Kaya’t hindi nadaraig ang tinig ng ebanghelyo at ang tinig ng moralidad. Ito pala ang kailangan, madalas nating sabihin sa sarili. Kailangan ang tinig ng katotohanan at ng moralidad.
Kaya’t nang lumitaw ang mga kilalang lider ng oposisyon tulad nina Ninoy Aquino, Lorenzao Tanada, Jovito Salonga, Soc Rodrigo at iba pa, nahanay ang Cardinal sa mga tinig ng mga ito. Hindi siya pulitiko, ngunit madalas siyang mapulan na namumulitika. Sa kabila nito, hindi natinag at nanahimik ang matapang na Cardinal. Dahil dito, nang tayo ay nabigyan ng tungkulin bilang katulong na pari sa Parokya ng Banal na Sakripisyo, UP Diliman noong 1982, naging matalas din ang ating dila laban sa kalabisan at karahasan ng administrasyon ni ex-P-Ferdinand Marcos.
Sunud-sunod ang mga pangyayari hanggang sa humantong ang lahat sa pagkamatay ni Ninoy Aquino noong ika-21 ng Agosto, 1983. Isang taon pa lang tayong pari noon. At sa dahilang hindi pa rin natin lubos na nauunawaan, ipinadala tayo sa Roma, Italya upang mag-aral. Ngunit sa kabila ng ating paglayo sa maiinit na pangyayari sa sariling bansa, nagpatuloy din ang pakikilahok sa iba’t ibang kilos-protesta ng pamayanang Pilipino sa Roma. Madalas dumalaw sa Roma si Cardinal Sin. Madalas niyang ikuwento ang kanyang kakaibang pakikitungo kina “Ferdie” at “Meldy”. Madalas pag-usapan ng mga estudyanteng paring Pinoy sa Roma ang espesyal at kakaibang pananaw at pag-uugali ni Cardinal Sin. Madalas nating sabihing, “Tiyak na madalas pagalitan at pagsabihan ang Cardinal ng mga opisyales ng Batikano.”
Matagal nang tahimik ang simbahan. Matagal nang tahimik ang mga nagdaang Cardinal ng Maynila. Mabuti ba ito o hindi? Hindi natin tinatawaran ang kabanalan at katalinuhan ng mga nagdaang Cardinal, ngunit hindi natin maiwasang hanapin ang tinig na walang takot na lumalaban, ang tinig ng ebanghelyo at moralidad, tinig ng katotohanan at katarungan.
Napakatahimik ng Simbahan. Ngayong papalapit na kaarawan ni Jaime Cardinal Sin, ang munti nating pakiusap sa Diyos, basagin ang nakabibinging katahimikan, nawa’y muling mabuhay at lumaganap ang tinig ng katotohanan at katarungan… Huwag kalimutan ang tinig ni Jaime Cardinal Sin.




