top of page
Search

ni Maestra Estrellia de Luna @Panaginip Gabay ng Buhay | July 28, 2024


Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Flor ng Pangasinan.


Dear Maestra,


Napanaginipan ko na naisipan kong pumunta sa dati kong iskul. Naligaw ako, pero kalaunan ay nakita ko rin ito. Pumasok ako sa room na may dalawang professor sa loob, laking gulat ko dahil pinabasa sa akin ‘yung report ko tungkol sa lesson namin kahapon. Hindi ko malaman kung paano ko ‘yun uumpisahan. Natataranta at napapahiya na ako ng mga oras na ‘yun kaya naman sa halip na basahin, nagpaalam ako na pupunta ako sa cr. 

Paglabas ko ng room, nakita kong hinihintay ako ng ex ko, ‘di ko siya pinansin at dumiretso ako sa cr. Paglabas ko, naghugas ako ng kamay, at nandu’n pa rin ex ko. Tinanong niya kung puwede pa umano kaming magkabalikan, at tumango naman ako sabay hawak sa kamay niya.


Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay,

Flor



Sa iyo, Flor,


Ang ibig sabihin ng naisipan mong pumunta sa dati mong iskul at naligaw ka ay magkakaroon ng pagbabago sa mga nauna mong plano. Gayunman, matutupad mo rin ang binabalak mo.


Ang iskul ay nangangahulugan naman na maabot mo ang tagumpay. Kikilalanin at igagalang ka sa inyong lugar.


Ang dalawang professor ay nagpapahiwatig na pabagu-bago ang isip mo, at palagi kang nagdadalawang isip sa pagpapasya. Kaya ang payo sa iyo, kung ano ang una mong desisyon, iyon na ang ipatupad mo, at ‘wag mo na itong baguhin.


Ang napahiya ka sa professor mo dahil hindi mo malaman kung paano uumpisahan ang pinapabasa sa iyo ay babala na malalagay ka sa sitwasyong kakailanganin mo ang tulong ng iba para malampasan ito. 


Samantala, ang pumunta ka sa cr, at nakita mong inaabangan ka ng ex mo ay depende kung masaya ba ang mukha niya o hindi. Kung masaya ang mukha niya, ito ay senyales na mahal na mahal ka niya. Subalit kung siya ay malungkot, ito ay tanda na hindi ka niya gaanong mahal, at wala siyang balak pakasalan ka.


Ang naghugas ka ng kamay sa gripo ay depende sa tubig ang kahulugan nito. Kung malinaw ang tubig, ito ay nangangahulugan ng kasaganahan at kaligayahan. 


Pero kung malabo naman ang tubig, ito ay babala ng kasawiang palad. 


Ang hinawakan mo ang kamay ng ex mo ay sign na nag-aalala ka sa isang bagay na gumugulo sa isip mo. Hindi mo tuloy malaman kung tama ba ang desisyon mo. Pero ‘wag kang-alala dahil sa pagdaan ng mga araw, matatagpuan mo rin ang tamang pagpapasya.



Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna






 
 

ni Maestra Estrellia de Luna @Panaginip Gabay ng Buhay | July 27, 2024


Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Rosita ng Roxas City.


Dear Maestra,


Wala akong asawa pero madalas kong mapanaginipan na may asawa ako. Isa pa, madalas ko ring mapanaginipan ang honey, at gustung-gusto ko ilagay ito sa bawat kinakain ko.


Ano ang ibig sabihin ng mga panaginip ko?


Naghihintay,

Rosita




Sa iyo, Rosita,


Ang ibig sabihin ng panaginip mo na may asawa ka na ay kabaligtaran. Ito ay babala na ‘di ka na makakapag-asawa habambuhay. 


Sa kabilang dako, kung sa panaginip mo, umiibig ka sa asawa ng iba o sa madaling salita naging kabit ka, ito ay nangangahulugan na ‘di mo pinapansin ang lalaking kasalukuyang nagkakagusto sa iyo, at gagawin mo ang lahat para lang maiwasan siya.


Pero kung isa ka ng biyuda ngayon, ang ibig sabihin ng panaginip mo ay makakapag-asawa ka pa. Liligaya at sasagana pa ang iyong buhay mo sa piling ng iyong mapapangasawa.


Samantala, ang gusto mong lagyan ng honey ang bawat kinakain mo ay nagpapahiwatig na magtatagal pa ang buhay mo. Maabot mo rin ang tugatog ng tagumpay, lalung-lalo na pagdating sa negosyo. 


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna





 
 

ni Maestra Estrellia de Luna @Panaginip Gabay ng Buhay | July 26, 2024



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Rose ng Malate, Manila.


Dear Maestra,


Napanaginipan ko na nakadungaw ako sa bintana, nang biglang umambon. Nabasa ang bintana namin, kaya naman agad akong kumuha ng basahan para punasan ito. Pero ilang saglit lang, may bahaghari namang lumitaw sa langit.

Naghihintay,

Rose



Sa iyo, Rose,


Ang ibig sabihin ng panaginip mo na nakadungaw ka sa bintana, at biglang umambon ay kaligayahan at kasaganahan sa buhay. Liligaya, at matatapos na magbibigat mong problema.


Ang kumuha ka ng basahan, at pinunasan mo ang bintana ay nagpapahiwatig na mula sa pagiging mahirap, susuwertehin at pagpapalain ka na. 


Samantala, ang bahagharing lumitaw ay nangangahulugan na malaking pagbabago ang magaganap sa buhay mo. Huwag kang mag-alala dahil ang pagbabagong iyan ay maganda, at hindi pangit. Uunlad na ang kabuhayan mo, at tuluy-tuloy na yayaman ang pamilya mo. Bubuhos na rin ang mga biyayang mapapasakamay n’yo.  


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna





 
 
RECOMMENDED
bottom of page