top of page
Search

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | September 09, 2021



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Gerry ng Obando, Bulacan.


Dear Maestra,

Magandang araw sa inyo! Ako ay isang adventurer at mahilig mag-travel.

Napanaginipan ko na may hawak akong map, tapos tinitingnan ko kung saan ako susunod na pupunta. Pinuntahan ko ang lugar na napili ko, tapos lahat ng nakasalubong ko ay nakasuot ng mask. Nagkakatuwaan ang mga tao dahil may madyikero na nagpapamalas ng iba’t ibang magic tricks. Ano ang ipinahihiwatig ng panaginip ko?

Naghihintay,

Gerry


Sa iyo, Gerry,

Ang ibig sabihin ng mapa ay paglalakbay sa iba’t ibang bansa. Maglalagi ka roon ng mahabang panahon kung saanman ‘yung napili mong bansa na gusto mong tirahan nang matagalan. Kung colored ‘yung mapa sa panaginip mo, ito ay nangangahulugan na babalik ka sa sarili mong bansa na ikaw ay mayamang-mayaman.


‘Yun namang nakita mo na nakasuot ng mask ang lahat ng masalubong mo, ito ay nagpapahiwatig na hindi ka gaanong sincere sa pagmamahal mo sa iyong kasintahan. Ibig sabihin, mababaw lang ang pagmamahal mo sa kanya at wala kang balak seryosohin siya.

Samantala, ang madyikero sa panaginip mo ay nangangahulugan ng pagbabago tungo sa kaunlaran. Magbabago na ang buhay mo dahil mahahango ka na sa kasalukuyan mong pamumuhay at uunlad ka na. Subalit dapat kang mag-ingat sa mga kaibigan mo na malapit sa iyong puso dahil may nagbabalak na siraan ka sa ibang tao dahil sa sobrang inggit niya sa iyo. Lihim siyang nagbabalak pabagsakin ka. Dahil dito, dobleng pag-iingat at talas ng pakiramdam ang dapat mong gawin. Huwag kang magtiwala sa kaibigan na akala mo ay tapat pero ‘yun pala ay huwad.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna

 
 

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | September 08, 2021



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Vicky ng Ibaan, Batangas.


Dear Maestra,

Isa akong relihiyosang tao, araw-araw ay nagsisimba ako, maliban na lang kung napakalakas ng ulan.

Napanaginipan ko na namamahagi ng pera ang kura-paroko namin bilang ayuda sa mga parishioners. Agad-agad akong pumunta sa simbahan para makipila sa mga gustong makatanggap ng ayuda, tapos andaming tao, muntik na akong hindi umabot sa bigayan dahil huli na akong dumating. Kaya ang ginawa ko ay nagtuloy-tuloy ako sa altar kung saan naroon ang pari. Nang makita niya na humahangos ako ng pagpunta sa kanya para makahabol sa ayuda, ibinigay niya lahat sa akin ang hawak niyang pera. Marami ‘yung pera at kulay berde ito. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay,

Vicky


Sa iyo, Vicky,

Napakaganda ng ibig sabihin ng panaginip mo. Ito ay nangangahulugan na uunlad at yayaman ka na sa darating na mga araw. Makatatanggap ka ng malaking halaga, maaaring dollar ito kung hindi peso, dahil ang sabi mo ay kulay green ang perang inabot sa iyo ng kura-paroko ninyo. Bukod sa pera, may mamanahin kang ari-arian mula sa mahal mo sa buhay na malaon nang namayapa. May naiwan siyang will and testament at kasama ka sa makakatanggap ng mga nakasaad doon.


Kung may negosyo ka sa kasalukuyan, lalago ito at lalo pang uunlad. Nagpapahiwatig din ang panaginip mo na may matatanggap kang magandang balita galing sa matalik mong kaibigan na naglilingkod sa simbahan.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrella de Luna

 
 

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | September 06, 2021



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Jessica ng Romblon.


Dear Maestra,

Napanaginipan ko na umulan ng snow sa lugar namin. Natuwa ako kasi parang ginadgad na yelo ang snow, tapos naisipan kong kumuha ng baso at inilagay ko roon ang snow na para bang gagawa ako ng halo-halo hanggang biglang nagkaroon ng snow storm. Dali-dali akong pumasok sa aking bahay, tapos kinabukasan ay nagkasakit ako dahil pinasok ng lamig ang katawan ko. Ano ang ibig sabihin nito?


Naghihintay,

Jessica


Sa iyo, Jessica,

Ang ibig sabihin ng snow ay kasaganaan at kaunlaran sa pang-araw-araw mong pamumuhay. Ang snow storm naman ay nagpapahiwatig na hindi ganu’n kadali ang buhay sa mundo dahil daraan ka muna sa mga pagsubok at pagtitiis bago makamit ang tagumpay at umunlad sa buhay.


Gayundin, sabi mo ay nagkasakit ka kinabukasan dahil sa lamig ng snow, ito naman ay nangangahulugan na may parating na tukso sa buhay mo, kaya dapat kang maging matatag upang makaiwas sa tukso dahil kung hindi mo maiiwasan, tiyak na mawawasak ang iyong buhay.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna

 
 
RECOMMENDED
bottom of page