- BULGAR
- Jun 2, 2021
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | June 02., 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Govinda ng Divisoria.
Dear Maestra,
Magandang araw sa inyong lahat! Sa panahong ito ng pandemya, ang tanging libangan ko ay manood sa YouTube ng mga paborito kong artista. Dahil d’yan, hanggang sa aking pagtulog ay napapanaginipan ko sila.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko na si Luis Manzano ay gustong sunugin o pasabugin yung bahay ng kamag-anak ko? Nu’ng unang araw, gusto niyang pasabugin, tapos sabi ko, “Tara, labas na tayo.” Nakaalis kami, pero pagbalik ko kinabukasan, nagtagumpay siyang pasabugin kaya sabi ko, “May sakit na sa isip si Luis!”
Ang isa ay napanaginipan ko si Cristy Fermin na napakaaktibo, tumatakbo nagtatampisaw sa tubig at niyayaya akong maligo.
Naghihintay,
Govinda
Sa iyo, Govinda,
Magandang araw sa iyo at sa mga mahal mo sa buhay. Mabuti naman at may libangan ka sa panahong ito ng pandemya.
Ang iyong panaginip ay nagpapahiwatig na dapat kang mag-ingat sa pagpapasya o pagdedesisyon sa mga pinaplano mo sa buhay. May babala ang panaginip mo na kapag nagkamali ka ng desisyon, biglang guguho ang pangarap mo at kapahamakan ang idudulot nito sa buhay mo. Dahil d’yan, ang maipapayo ko sa iyo ay huwag kang pabigla-bigla sa pagpapasya. Hinay-hinay lang. Mag-isip ka muna ng pitong ulit bago magpasya sa mga plano mo. Hingin mo rin ang patnubay ng Holy Spirit at magdasal nang taimtim.
Kung ano ang unang pumasok sa isip mo, ‘yun ang sundin mo at huwag kang magpabago-bago ng isip. Nagpapahiwatig din ang panaginip mo na kapag tama ang iyong pagpapasya sa pinaplano mong gawin, may posibilidad na bigla kang yumaman. Mahahango ka na sa hirap at magkakamit ng kasaganaan sa darating na mga araw. Hanggang dito na lang, nawa’y makamit mo ang tagumpay sa tatahakin mong landas ng buhay.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




