top of page
Search

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | June 08, 2021



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Roderick ng Nueva Ecija.


Dear Maestra,

Nais kong ikonsulta sa inyo ang dahilan kung bakit paulit-ulit ang panaginip ko. Palagi kong napapanaginipan ang tungkol sa apoy. Nasa gubat ako, inabot ako ng dilim doon kaya nagsiga ako para magkaroon ng liwanag at hindi ginawin sa gitna ng gubat.

Noong isang gabi naman, napanaginipan ko na ginaw na ginaw ako kaya naisipan kong painitan ang mga kamay ko sa apoy. Tapos kagabi lang, napanaginipan kong nasusunog ang bahay namin. Ano ang ipinahihiwatig ng mga ito?


Naghihintay,

Roderick


Sa iyo, Roderick,

Isa-isahin natin ang mga panaginip mo. ‘Yung una ay maganda ang ipinahihiwatig dahil ito ay nangangahulugan ng pag-asenso sa buhay. Ibig sabihin, parating na ang magagandang pagkakataon sa buhay mo kaya samantalahin mo na ito. Kapag may dumating na oportunidad, sunggab agad at huwag ka nang magdalawang-isip.


Ang ikalawang panaginip mo na ginaw na ginaw ka at naisip mong painitan ang mga kamay mo sa apoy ay nangangahulugan na makakahanap ka ng magandang pagkakakitaan at aayon sa iyo ang kapalaran dahil susuwertehin ka na.


‘Yung huling panaginip mo naman na nasusunog ang bahay n’yo ay nagpapahiwatig na makararanas ka ng pagkabahala at pagiging aligaga sa mga gawain mo. Matataranta ka kung ano ang dapat unahin, subalit sa huli ay mailalagay mo rin sa ayos ang lahat.


Hinay-hinay lang sa pagkilos at huwag magmadaling yumaman. Tiyaga at sipag ang kailangan mong ipatupad at iwasang magpadalos-dalos. Magpakahinahon at panatilihin mo ang kababaan ng loob upang pagpalain ka ng tadhana.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna

 
 

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | June 07, 2021



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Violeta ng Camarines Sur.


Dear Maestra,

Hinihintay ko pa ring ipatawag ako ng employer ko sa abroad para makapagsimula na muling magtrabaho. Nais kong ipaanalisa sa inyo ang panaginip ko.

Napanaginipan kong nakasakay ako sa eroplano patungo sa dati kong employer sa abroad, pero nasiraan ito kaya napilitan kaming mag-landing at magpalipas ng oras sa hotel upang hintayin ‘yung eroplanong sasakyan namin papunta sa aming destinasyon. Sa awa ng Diyos, kinabukasan ay may eroplanong dumating upang ihatid kami sa aming pupuntahan. Pagdating namin sa airport, may natanaw akong iba’t ibang uri ng mga hayop na nagkakagulo at humaharang sa aming daraanan. Ano ang ipinahihiwatig ng panaginip ko?

Naghihintay,

Violeta


Sa iyo, Violeta,

Ang ibig ipahiwatig ng panaginip mo ay maraming problema ang kakaharapin mo sa iyong pagbalik sa dati mong employer. Maaaring matagalan bago maisaayos ang mga papeles na pipirmahan mo kaugnay sa magiging trabaho mo. Nagpapahiwatig din ito na ihanda mo ang iyong sarili dahil ang magiging trabaho mo ay hindi madali. Daranas ka ng katakot-takot na hirap at pagtitiis na halos sumuko ka na at mawalan ng pag-asa.


Subalit sa sandaling malagpasan mo ang mga kahirapang ito, nakatakda namang guminhawa ka at tuluyan nang mahango sa kasalukuyan mong pamumuhay. Kumbaga, giginhawa ka na sa buhay at makakamit mo na ang tagumpay. Kung may hirap, may ginhawa, wika nga. ‘Yan ang mangyayari sa buhay mo kaya ipagpatuloy mo ang pagtitiyaga at pagiging masipag. Iwasan mo ang sama ng loob at pagtatanim ng galit sa kapwa. Palagi mong isaisip na kung may hirap, may ginhawa, at kung may lungkot, may ligaya.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna

 
 

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | June 03, 2021



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Tiffany ng Dubai.


Dear Maestra,

Kumusta kayo r’yan sa Pilipinas? Sana’y nasa mabuti kayong kalagayan. Nandito ako sa Dubai at sa awa ng Diyos ay nabakunahan na laban sa COVID-19. Tagahanga ako ng column n’yo at palagi ko itong binabasa at nasisiyahan ako sa dahilang ang iba kong panaginip ay halos kapareho ng nailalathala sa column n’yo. Gusto kong malaman ang ibig sabihin ng panaginip ko kagabi. Napanaginipan ko na naisipan kong maligo sa dagat.

Sarap na sarap ako sa paglangoy, subalit maya-maya ay may dumating na buwaya at papalapit nang papalapit sa akin. Biglang may pumana sa buwaya, pero sa halip na buwaya ang tamaan, dumaplis sa akin ang palaso at buti na lang, hindi ako napuruhan. Ano ang ibig sabihin nito?


Naghihintay,

Tiffany


Sa iyo, Tiffany,

Ang ibig sabihin ng panaginip mo ay mayroon kang lihim na kaaway. Mapanganib ang kaaway na ito kaya talasan mo ang iyong pakiramdam dahil may binabalak siyang masama sa iyo.


‘Yan ang ipinahihiwatig ng buwaya sa panaginip mo at halos ganundin ang kahulugan ng arrow o palaso na daplis lamang nang tumama sa katawan mo. Kaaway din ang ibig sabihin nito. Maraming naiinggit sa kalagayan mo ngayon, kaya gusto kang pabagsakin. Ibayong pag-iingat ang dapat mong gawin. Huwag kang basta magtiwala sa mga taong nakapaligid sa iyo dahil karamihan d’yan ay nagkukunwari lamang. Kumbaga, mabait kapag kaharap pero traydor naman sa talikuran. Dagdagan mo ang pagtawag sa Diyos at palaging magdasal araw at gabi. Ang taong madasalin, kailanman ay hindi hahayaan ng Diyos na mapahamak. Bagkus, siya’y pagpapalain sa buhay na kanyang tinatahak.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna

 
 
RECOMMENDED
bottom of page