top of page
Search
  • BULGAR
  • Jun 15, 2021

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | June 15, 2021



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Kim ng Marulas, Bulacan.


Dear Maestra,

Noon, madalang akong managinip, ngunit noong mga nakaraang araw, halos gabi-gabi akong nananaginip. Hanggang naisipan kong isangguni sa inyo ang napanaginipan ko kagabi. May humintong kotse sa harap ng bahay namin dahil dumating ang brother ko kasama ang mga kaibigan niya. Gusto nilang makita ang bukid namin dahil balak palang bumili ng bukid kaya naisip ng brother kong ialok ito sa kanila. Pinapasok ko sila at pinainom ng kape, kumain na rin kami ng masarap na almusal tsaka pumunta kaming lahat sa bukid na inaalok ng kapatid ko sa kanila. Nagustuhan naman nila ang bukid at gustong bilhin. Ako naman ay nakakita ng maliliit na ahas papunta sa paanan ko, pero maamo ito at hindi nanunuklaw. Ano ang ibig ipahiwatig ng panaginip ko?

Naghihintay,

Kim


Sa iyo, Kim,

Ang ibig ipahiwatig ng panaginip mo na uminom ka ng kape ay may naghihintay na kaligayahan sa iyong buhay sa darating na mga araw. Subalit, ang ibig namang ipahiwatig na binigyan mo rin ng kape ang mga bisita n’yo ay ang kaligayahang madarama mo sa darating na mga araw ay hindi rin magtatagal dahil sa isang pangyayari na hahadlang. Ito ay may kaugnayan sa love life mo. Ibig sabihin, may lihim kang karibal sa pagmamahal ng iyong boyfriend. Ang ahas sa panaginip mo ay nagpapaalala na dapat kang mag-ingat. Huwag makampante na mahal na mahal ka ng boyfriend mo sa kasalukuyan dahil mahirap nang lumuha balang-araw. Makiramdam ka at gamitin mo ang talino sa pagpili ng kakasamahin sa buhay.


Samantala, ang parte na nagustuhan ng buyer ng kapatid mo ang bukid n’yo, ito ay nangangahulugan ng kasaganaan at kaunlaran sa inyong buhay. May bubuksan kayong bagong negosyo at kikita ito nang husto. Doon na magsisimula ang pag-unlad ng inyong kabuhayan. Yayaman na kayo at sasagana.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna


 
 

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | June 14, 2021



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Domingo ng South Cotabato.


Dear Maestra,

Matagal ko nang gustong ipaanalisa sa inyo ang mga panaginip ko. Hangang-hanga ako sa karunungang ipinagkatiwala sa inyo ng Maykapal. Palagi kong sinusubaybayan ang column n’yo. Nalulungkot ako kapag naubusan ako ng BULGAR dahil mabilis maubos dito sa lugar namin ang diyaryo n’yo.

Gusto kong malaman ang kahulugan ng panaginip ko kagabi. Napanaginipan ko na nakabasag ako ng baso dahil hindi ko makita ang lalagyan nito. Nakalimutan ko kasing isuot ang salamin ko, pero kahit walang salamin, pumunta ako sa kusina upang kumuha ng baso at uminom ng malamig na tubig. Ano ang kaya ang kahulugan nito?


Naghihintay,

Domingo


Sa iyo, Domingo,

Ang ibig sabihin ng nakabasag ka ng baso ay hindi pa tapos ang mga pagtitiis mo sa buhay. Marami ka pang sasagupaing problema, kaya magpakatatag ka sa mga suliraning dumarating. Humingi ka rin ng tulong sa Diyos Amang kataas-taasan. Magdasal ka nang taimtim at iwasang tumahak sa maling landas ng buhay. Posible kasing pumayag ka sa isang transaksiyon na madaling pagkakitaan pero ilegal naman.


‘Yan ang ipinahihiwatig ng nakalimutan mong isuot ang iyong salamin. Hanggang dito na lang, nawa’y naliwanagan ka sa pag-aanalisa ko sa panaginip mo. Magandang araw at pagpalain ka nawa ng Diyos na may lalang.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna


 
 

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | June 12, 2021



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Tiffany ng Tarlac.


Dear Maestra,

Isa akong writer at libangan ko ang sumulat ng mga kuwento at tula upang isalibro. Natutuwa ako dahil marami na rin akong librong nai-publish na.

Madalas kong napapanaginipan ang iba’t ibang klase ng libro. Noong isang gabi, napanaginipan kong nagbabasa ako ng libro, gustong-gusto ko ang binabasa ko at lihim na napapangiti dahil love story ito.

Kahapon naman, napanaginipan ko na binigyan ako ng libro ng best friend ko. Tuwang-tuwa ako kasi type ko ‘yung cover nu’ng libro dahil napakaganda nito at may artistic design. Kagabi, libro na naman ang napanaginipan ko. Napakaraming libro sa bookshelves ko, punumpuno ito at halos hindi na magkasya sa shelves. Ano ang ibig ipahiwatig nito?


Naghihintay,

Tiffany


Sa iyo, Tiffany,

Napakaganda ng ipinahihiwatig ng panaginip mo. Ito ay nangangahulugan na sisikat at kikilalanin ka sa lipunang iyong ginagalawan. Makatatanggap ka ng maraming mga awards.


Ang panaginip mo namang may nagbigay sa iyo ng libro ay nangangahulugan na mayroon ka nang napupusuan at balak mo siyang pakasalan. Matutuloy ang kasal n’yo at magiging masaya ang inyong pagsasama. Halos ganundin ang ipinahihiwatig ng punumpuno ng libro ang bookshelves mo. Isang masagana, masaya at pinagpalang future ang nakalaan sa iyo.


Liligaya ka na at pagpapalain sa mga susunod na araw.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna

 
 
RECOMMENDED
bottom of page