- BULGAR
- Jul 10, 2021
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | July 10, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni David ng Zambales.
Dear Maestra,
Isa akong manunulat ng maikling kuwento, sanaysay at mga tula. Nagbabalak na akong magpakasal sa darating na buwan. Gayundin, mahilig akong magbasa ng iba’t ibang klase ng libro at halos punumpuno na ng mga libro ang bookshelves ko.
Madalas akong managinip ng mga libro. Napanaginipan ko kagabi na maghapon akong nagbasa ng libro. Kahit gutom na ako ay hindi ako tumigil sa pagbabasa.
Noong isang gabi naman, napanaginipan ko na may nagbigay sa akin ng libro. Tuwang-tuwa ako dahil love story ang nilalaman ng librong naturan. Pansamantala kong inilagay sa shelve ‘yung libro at kahit nabasa ko na ay paulit-ulit ko pa ring binabasa araw-araw. Napakaganda kasi ng love story ng librong ‘yun kaya hindi nakakasawang basahin. Ano ang ipinahihiwatig ng panaginip ko?
Naghihintay,
David
Sa iyo, David,
Ang ibig sabihin ng nagbabasa ka ng libro ay kikilalanin ka sa lipunang iyong ginagalawan. Makatatanggap ka ng karangalan at magiging sikat ka, saan ka man pumunta.
Ang panaginip na may nagbigay sa iyo ng libro ay nagpapahiwatig na ikakasal ka sa lalong madaling panahon, kung saan magiging masaya, payapa at panatag ang pag-aasawa mo.
Samantala, isang maaliwalas na bukas, punumpuno ng pagpapala at mga biyaya ang naghihintay sa inyo ng magiging asawa mo. ‘Yan naman ang ipinahihiwatig ng inilagay mo sa shelve ang naturang libro at paulit-ulit mo pa ring binabasa. Hanggang dito na lang. Binabati kita ng mapagpala, mabiyaya at maligayang araw ng kasal sa piling ng iyong napupusuan.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




