- BULGAR
- Jul 17, 2021
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | July 17, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Gloria ng Antipolo.
Dear Maestra,
Single ako at mahilig akong mag-alaga ng mga ibon dahil ito ang libangan ko. Nasisiyahan ako at nawawala ang lungkot ko ‘pag nakikita ko ang alaga kong mga ibon.
Gusto kong ipaanalisa sa inyo ang panaginip ko. Napanaginipan ko na maaga akong gumising upang mag-jogging at salubungin ang sikat ng araw. Nagulat ako dahil pagtingin ko sa langit ay may eclipse. Pinagmasdan ko ‘yun nang mabuti at maya-maya ay umuwi na ako. Pag-uwi ko, naisip kong tingnan muna ang alaga kong mga ibon at natuwa ako dahil nangitlog na ang mga alaga ko. Tuwang-tuwa ako nang makita ko ang kanilang pugad na punumpuno ng mga itlog. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Gloria
Sa iyo, Gloria,
Ang ibig sabihin ng panaginip mo na may nakita kang eclipse habang ikaw ay nagja-jogging ay may mga kaibigan ka from opposite sex na nagbabalak mag-out of town kasama ka. Gusto nilang magbakasyon sa isang maganda at malayong lugar kung saan kukumbinsihin ka nila na sumama upang mag-enjoy kayo at pansamantalang makalimutan ang mga kalungkutan sa buhay.
Habang ang mga itlog sa panaginip mo ay nagpapahiwatig ng masayang kasalan na mararanasan mo sa takdang panahon. Susuwertehin ka sa pag-aasawa at kahit ikaw ay matanda na, magiging maligaya ka pa rin sa piling ng iyong napiling pakasalan.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




