- BULGAR
- Jul 24, 2021
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | July 24, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Dexter ng Zamboanga.
Dear Maestra,
Isang mapagpala at mabiyayang araw sa inyo. Tagahanga at tagasubaybay ako ng inyong column tungkol sa panaginip. Gusto kong malaman ang kahulugan ng panaginip ko noong nakaraang araw. Isa akong mananahi ng mga wedding gown. Maganda naman ang kinikita ko sa pananahi, kaya lang, nang nagkaroon ng pandemic ay humina ang kita ko.
Napanaginipan ko na maraming sinulid na idineliver sa bahay ko. Nagulat ako dahil hindi naman ako umo-order ng sinulid kahit kanino. Gayunman, tinanggap ko ‘yung mga sinulid at inayos ko sa lalagyan. Habang inaayos ko, nagkabuhol-buhol ang mga ito. Pinilit kong alisin ang mga nabuhol na sinulid, pero nabigo ako, kaya pinutol ko na lang ito gamit ang gunting hanggang mawala ang buhol. Ano ang ibig sabihin nito?
Naghihintay,
Dexter
Sa iyo, Dexter,
Maraming salamat sa pagsangguni mo sa akin ng iyong panaginip. Labis akong nasisiyahan dahil humahanga ka sa pagbibigay-kahulugan ko sa mga panaginip na isinasangguni sa akin.
Ang ibig sabihin ng panaginip mo tungkol sa sinulid ay maging maingat ka at mapagmatyag. Idadamay ka ng mga kaibigan mo sa isang gulo na wala ka namang kaalam-alam sa ugat ng mga pangyayari. Gayundin, hindi magiging maganda ang kahihinatnan nito. Masasadlak ka sa kapahamakan kahit wala ka namang kinalaman sa naturang gulo.
Ang sabi mo ay nagkabuhol-buhol ‘yung sinulid, ito ay nagpapahiwatig na mawawalan ka ng pera sa darating na mga araw dahil may magtatangkang magnakaw sa pera mo. Magkakaproblema ka rin sa relasyon mo sa iyong mga mahal sa buhay, ‘yan naman ang ibig sabihin ng pinutol mo ang sinulid para matanggal sa pagkakabuhol.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




