top of page
Search

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | July 28, 2021



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Fatima ng Malolos, Bulacan.


Dear Maestra,

Isang mapagpalang araw sa inyong lahat. Gusto kong ipaanalisa sa inyo ang panaginip ko. Hangang-hanga ako sa pag-interpret ninyo ng mga panaginip sa inyong column.

Napanaginipan ko na dumating ang tito ko rito sa bahay at kinukumbida niya kami sa ika-pitong birthday celebration ng bunso niyang anak. Pumunta naman kami ng anak ko at tulad ng inaasahan, may malaking birthday cake sa hapag kainan. Masayang nagkakainan ang lahat nang may nakita akong bata na hindi makahinga dahil nabulunan siya ng buto ng mangga. Ako lang ang nakakita, kaya agad-agad akong humingi ng saklolo para dalhin siya sa ospital. Inasikaso naman siya agad ng doktor hanggang maalis ang nakabarang buto sa lalamunan niya. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?

Naghihintay,

Fatima


Sa iyo, Fatima,

Maraming salamat sa mga papuri mo sa akin. Salamat din sa pagsubaybay mo sa aking kolum.


Maganda ang ibig sabihin ng panaginip mo. Ang cake ay nangangahulugan ng kasaganaan at mga pagpapala sa iyong buhay. Kung marami kang dinanas na pagtitiis sa nakaraang mga araw dahil sa COVID-19 pandemic, malalagpasan mo na ‘yan. Gayundin, may mga biyayang darating sa iyo.


Ang parte ng iyong panaginip na dinala sa ospital ‘yung batang nakalunok ng buto, ang ibig sabihin ng ospital sa panaginip mo ay business promotion o lalago ang business mo at kikita ka ng malaki sa susunod na mga araw.


Gayunman, ang bata ay nangangahulugan ng kaligayahan sa inyong pamilya kung saan pagpapalain ang pagsasama ninyong mag-asawa at magiging masaya ang married life mo. ‘Yun nga lang, ayon sa panaginip mo, nakalunok ng buto ng mangga ang bata pero inasikaso naman agad ng doktor at nailigtas siya, ang ibig sabihin ay huwag kang over confident o maging kampante sa mga pagpapala at biyayang dumarating sa iyo dahil may mga problema ring darating, pero agad namang malulunasan.


Manatili kang mapagpakumbaba at huwag lalaki ang ulo kahit maabot mo na ang tagumpay at pagpapala sa buhay. Sa ganyang paraan, lalo kang pagpapalain at anumang problemang darating ay magaan at kayang-kaya mong lutasin.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna

 
 

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | July 26, 2021



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Joan ng Pasig.


Dear Maestra,

Natutuwa ako dahil ‘yung ibang panaginip ko ay halos kamukha ng mga nababasa ko sa column ninyo kaya hindi ko na kailangang ipaanalisa sa inyo. Pero noong nakaraang gabi, sobrang nabalisa at natakot ako sa aking panaginip.

Napanaginipan ko na may multo sa kuwarto ko pero hindi ko siya kilala. Nakakatakot ang hitsura niya, nagsasalita rin siya pero sa takot ko ay hindi ko masyadong naintindihan ang sinasabi niya. Bigla akong nagising na nanunuyo ang lalamunan at halos hindi makahinga. Uminom agad ako ng tubig para bumuti ang aking pakiramdam at natulog ako ulit.

Nanaginip naman ako na may higanteng nakasilip sa bintana ng kuwarto ko at pasilip-silip lang siya pero ayaw namang pumasok. Ano ang ibig sabihin ng mga panaginip ko?


Naghihintay,

Joan


Sa iyo, Joan,

Ang ibig sabihin ng panaginip na may multo sa kuwarto mo ay babala at paalala na dapat mong bigyang-pansin ang relasyon mo sa iyong mga kaibigan at mahal sa buhay. Makiramdam kang mabuti kung sila ba ay tunay na mga kaibigan o nagkukunwari lang. ‘Yung iba r’yan ay may lihim na inggit sa iyo at nagbabalak ng hindi maganda para pabagsakin ka.


Sa mga mahal mo naman sa buhay, pakisamahan mo silang mabuti, lalo na ‘yung mga in laws mo na akala mo ay totoo ang ipinapakitang kabutihan sa iyo, pero ‘pag nakatalikod ka ay may sinasabing hindi maganda na makakasira sa pagkatao mo.


Gayunman, sabi mo ay nagsalita ‘yung multo pero hindi mo masyadong narinig. Ang ibig sabihin niyan ay may importante siyang mensahe sa iyo. Napakahalaga ng gusto niyang ipabatid, kaya sana ay muli mong maalala at balikan sa iyong isipan ang panaginip mo. Sikapin mong alalahanin kung ano ang gusto niyang sabihin.


Samantala, tungkol sa higante, ito ay nangangahulugan na may hahadlang sa mga binabalak mo sa buhay. Marami kang pagtitiis na daranasin bago mo maisakatuparan ang mga gusto mong gawin. Mangangailangan ito ng tiyaga, determinasyon at tiwala sa sarili. Dahil dito, maging matatag ka sa mga darating na araw. Huwag kang susuko gaanuman katindi ang pagsubok na darating sa iyong buhay. Tumawag ka sa Diyos kapag hindi mo na kaya. Tiyak na malalagpasan mo ang lahat kung matututo kang magdasal sa Diyos na makapangyarihan sa lahat.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna

 
 

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | July 25, 2021



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Teresita ng Pampanga.


Dear Maestra,

Ikinagagalak kong ibalita sa inyo na nagkatotoo ‘yung kahulugan ng panaginip ko na ipinadala sa inyo noong isang Linggo. Kaya naman heto ako at muling sumasangguni sa inyo tungkol sa panaginip ko kagabi.

May plano na kami ng boyfriend ko na magpakasal dahil matagal na rin ang relasyon namin at excited na ako sa balak naming pagpapakasal.

Napanaginipan ko na pumasok ako sa isang sinehan para panoorin ang paborito kong artista na siyang bida sa palabas. Punumpuno na ang sinehan sa dami ng manonood. Buti na lang, may isa pang bakanteng upuan sa hulihan, pero napakalayo sa screen at hindi ko masyadong makita nang malinaw ang mga artistang gumaganap. Kinuha ko ‘yung telescope sa aking bag para mapanood ko nang malinaw ang palabas. Nasiyahan naman ako sa panonood at halos ayaw ko nang umuwi dahil gusto kong ulit-ulitin ang palabas at ganu’n nga ang nangyari. Dalawang beses kong pinanood ‘yung pelikula. Ano ang ibig sabihin nito?


Naghihintay,

Teresita


Sa iyo, Teresita,

Napakaganda ng kahulugan ng panaginip mo dahil ito ay nagsasabing matatapos na ang mga problema mo. May naghihintay na kaligayahan sa buhay mo sa darating na mga araw. Gayundin, may kaugnayan ito sa binabalak mong pag-aasawa sa iyong kasalukuyang karelasyon. Pinaghahandaan na niya ang nalalapit ninyong kasal. Magiging maligaya ka sa piling niya at hindi magtatagal ay mabubuntis ka na at magkakaanak na kayo, ‘yan ang ipinahihiwatig ng halos ayaw mo nang umuwi at gustong-gusto mo ang palabas.


Ang telescope sa panaginip mo ay nangangahulugan na may magandang balita kang matatanggap mula sa malayong lugar. May posibilidad na galing ito sa kapamilya mo na nagtatrabaho sa abroad at may magandang idudulot ito sa magiging buhay mo sa hinaharap. Kaligayahan, kasaganaan at mga pagpapala sa buhay ang nakatakda mong danasin sa darating na mga araw sa piling ng magiging kapartner mo sa buhay. Ngayon palang ay binabati na kita ng isang mabiyaya, maligaya at mapagpalang araw ng kasal.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna

 
 
RECOMMENDED
bottom of page