ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | August 07, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Edward ng Batangas.
Dear Maestra,
Araw-araw akong nagbabasa ng BULGAR dahil tagasubaybay ako ng column ninyo. Binabati ko kayo sa napaka-informative and very interesting na pag-aanalisa ninyo ng mga panaginip. Single pa ako at may kaunting negosyo na pinagkakakitaan sa pang-araw-araw kong pamumuhay. May napupusuan na akong babae at balak ko na siyang pakasalan. Gusto kong ipaanalisa sa inyo ang panaginip ko.
Napanaginipan ko na may nadaanan akong batis, maganda ang mga berdeng damo sa paligid nito, sariwang-sariwa at parang basa pa ng hamog. Ang linis-linis din ng tubig at may mga tupa sa paligid, tapos sarap na sarap sa pag-inom ng tubig ang mga tupa. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Edward
Sa iyo, Edward,
Maraming salamat sa pagsubaybay mo sa aking kolum at palaging pagbili ng BULGAR.
Ang ibig sabihin ng panaginip mo na may nadaanan kang batis na malinaw ang tubig, may berde at sariwang damo sa paligid ay tagumpay sa negosyo, karangalan at masayang pamumuhay. Susuwertehin ka rin sa love life mo, lalo na kung may balak ka nang magpakasal dahil magiging masaya ang pag-aasawa mo. Bibiyayaan kayo ng mga anak na matatalino, malusog at magbibigay ng karangalan sa inyong pamilya.
Ang mga tupa naman sa panaginip mo ay nagpapahiwatig na makapag-aasawa ka ng isang magandang babae, siya ay bata pa, mapang-akit at kahali-halina, pero walang kaalam-alam sa mga gawaing bahay. Malambing din siya at mapagmahal.
Hanggang dito na lang, hangad ko ang kaligayahan mo sa buhay. Nawa’y magkatotoo ang kahulugan ng panaginip na ipinadala mo sa akin.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




