top of page
Search

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | August 24, 2021



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Delfin ng Calamba, Laguna.


Dear Maestra,

Nagbabalak na akong mag-asawa, pero gusto ko ay may sarili na kaming bahay at lupa ng mahal ko pagkatapos ng aming kasal.

Napanaginipan ko last Sunday na nagpatayo ako ng magandang bahay sa nabili kong lupa sa kabilang barangay. Binisita ko ito para malaman kung maayos ang pagkakagawa at kung nasunod ba ang gusto kong style. Biglang tumawag sa akin ‘yung asawa ko at sabi niya, isinugod sa ospital ang kapatid ko, tapos agad-agad akong pumunta sa hospital upang alamin ang kalagayan niya. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay,

Delfin


Sa iyo, Delfin,

Maganda ang ipinahihiwatig ng panaginip mo na nagpagawa ka ng magandang bahay. Ito ay nangangahulugan na susuwertehin ka sa negosyo at madadagdagan pa ang sahod mo kung nagtatrabaho ka sa kasalukuyan. Nagpapahiwatig din ito na papalarin ka sa pagpapakasal. Magiging maligaya kayo ng mahal mo at yayaman kayo. Gayundin, magiging masagana at punumpuno ng pagpapala ang buhay ninyo. Halos ganundin ang ibig sabihin ng pumunta ka sa ospital upang alamin ang kalagayan ng brother mo— tagumpay sa negosyo ang ipinahihiwatig nito.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna

 
 

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | August 23, 2021



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Vicky ng Batangas.


Dear Maestra,

Dalaga pa ako, pero napanaginipan ko na may asawa na ako. Kaya lang, ang napangasawa ko ay ‘yung mister ng best friend ko. Mahal na mahal niya ako at ganundin ako sa kanya. Tapos madalas ko siyang bigyan ng malamig na tubig kapag siya ay nauuhaw, kung saan maraming yelo ang inilalagay ko sa tubig na iinumin niya at gustong-gusto naman niya. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay,

Vicky


Sa iyo, Vicky,

Ang ibig sabihin ng panaginip na may asawa ka sa kabila ng katotohanang dalaga ka pa sa kasalukuyan ay kabaligtaran. Matatagalan pa bago mo matagpuan ang magiging asawa mo.


‘Yun namang asawa ng best friend mo ang iyong napangasawa, ang ibig ipahiwatig niyan ay hindi mo pinapansin ang mga nagpaparamdam sa iyo, kumbaga, parang wala ka nang balak mag-asawa pa.

Gayunman, tungkol sa malamig na tubig at maraming yelo na ibinibigay mo sa napangasawa mo tuwing siya ay mauuhaw, hindi maganda ang kahulugan nito dahil ito ay nagsasabing daranas ka pa ng maraming hirap at pagtitiis sa kasalukuyan mong kalagayan. Nagpapahiwatig din ito na ikaw ay masasangkot sa away kahit ano’ng iwas ang gawin mo.


Gayundin, mabibigo ka sa mga binabalak mong pagbubukas ng maliit na negosyo dahil hindi ito kikita at pagkalugi ang sasapitin mo.


Dahil dito, maging matatag ka sa mga pasanin sa buhay. Alalahanin mong hindi lang ikaw ang dumaranas ng kahirapan ngayon. Lahat ay apektado, kaya maging madasalin ka.


Dasal lamang ang tanging lunas sa dinaranas mong hirap at pighati. Huwag kang makakalimot na tumawag sa Diyos dahil hindi Siya natutulog. Handa Siyang tumugon sa sinumang lumalapit sa Kanya at nananalig nang walang alinlangan.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna

 
 

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | August 22, 2021



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Veronica ng Tarlac.


Dear Maestra,

Isa akong makata at mahilig sumali kung may patimpalak sa bigkasan o pagsulat ng tula.

Napanaginipan ko na may contest sa paggawa ng tula sa Facebook at naisipan kong sumali. Agad kong kinuha ang aking ballpen at papel para kumatha ng tula. Nasiyahan naman ako nang basahin ko ang aking tula, pero hindi ko namalayan na ‘yung ink ng ballpen ko ay kumalat na sa kamay ko at hindi ko ‘yun pinansin. Agad kong nilapitan ang kapatid kong lalaki para ipabasa ang tula kung maganda ba ito at puwede nang ipanlaban sa contest. Hindi nagandahan ang kapatid ko sa aking tula, pinintasan pa niya at sinabing hindi ito puwedeng ipanlaban at siguradong talo raw ako. Tapos nainsulto ako sa sinabi niya at labis akong nalungkot sa inasal niya. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay,

Veronica


Sa iyo, Veronica,

Ang ibig sabihin ng panaginip na sumulat ka ng tula gamit ang iyong ballpen, may kinalaman ito sa negosyong iniisip mo. Magiging maganda ang resulta nito, pero ang sabi mo ay kumalat ‘yung ink ng ballpen at nalagyan pati ang palad mo, hindi naman maganda ang ipinahihiwatig nito. Makatatanggap ka ng masamang balita tungkol sa negosyo mo at maging sa personal mong pamumuhay.


‘Yun namang nainsulto ka sa sinabi ng kapatid mo, masamang kapalaran ang ipinahihiwatig nito. Mag-aaway kayo ng mahal mo sa buhay o karelasyon mo ngayon at mauuwi ito sa hiwalayan. Maaaring magtagal ang paghihiwalay ninyo hangga’t hindi mo binabago ang pananaw mo sa buhay.


Dahil dito, maging maunawain ka sa lahat ng sandali at lawakan mo pa ang iyong pasensiya. Huwag ka agad magagalit at magtataas ng boses, maging honest ka rin sa karelasyon mo. Gawin mo ang mga ‘yan upang magkabalikan kayo agad ng mahal mo at hindi na tumagal ang paghihiwalay ninyo gaya ng ipinahihiwatig ng panaginip mo.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna

 
 
RECOMMENDED
bottom of page