top of page
Search

ni Mai Ancheta @News | September 12, 2023



ree

Dalawang low pressure area ang binabantayan ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na inaasahang magpapalakas sa habagat at magdadala ng mga pag-ulan sa bansa.


Ayon sa PAGASA, ang isang LPA ay namataan sa dulong bahagi ng Northern Luzon habang ang isa ay sa hilagang silangan ng Eastern Visayas.


Ayon kay weather specialist Obet Badrina, ang isa sa LPA ay nakapasok na sa bansa nitong Linggo ng umaga.


Gayunman, sinabi ni Badrina na maliit ang tsansang maging bagyo ang mga ito kahit nagpapalakas sa habagat.


Makararanas naman ng kalat-kalat na mga pag-ulan at mga pagkulog at pagkidlat sa Batanes, Babuyan Islands at Zamboanga Peninsula.



 
 

ni Mylene Alfonso @News | September 1, 2023



ree

Nasa loob na ng Philippine area of responsibility ang Bagyong Hanna, na nagpapalakas sa hanging habagat kasama ng Super Typhoon Saola (dating 'Goring') at Tropical Storm Kirogi na kapwa nasa labas ng PAR.


Bandang alas-4 ng madaling-araw nang mamataan ang sentro ng bagyo 1,225 kilometro silangan ng dulong hilagang Luzon, ayon sa pinakahuling pagtaya ng PAGASA kahapon.


Tinatayang mas maraming ulan ang babagsak sa matataas at mabubundok na lugar. Sa ilalim nito, malaki ang tiyansang makapagtala ng pagbaha at pagguho ng lupa sa mga naturang lugar.


Ang pinalakas na habagat ay magdadala ng mahanging panahon sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region Zambales, Bataan, Aurora, Bulacan, Metro Manila, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Western Visayas at hilagang bahagi ng Eastern Visayas.


Samantala, malaking bahagi ng Maynila ang binaha dahil sa matinding pag-ulan dulot ng hanging habagat na pinalala ng Bagyong Goring.


Kaugnay nito, sinuspinde ng Palasyo ang klase sa lahat ng antas maging ang pasok sa mga tanggapan ng gobyerno sa Metro Manila, nitong Huwebes ng hapon.



 
 

ni Mai Ancheta @Weather News | August 28, 2023



ree

Isa na namang masamang panahon ang nagbabadyang maging bagyo sa susunod na mga araw.


Batay sa monitoring ng PAGASA, isa nang tropical depression ang namumuong sama ng panahon at tatawaging Hanna sa sandaling pumasok ito sa Philippine area of responsibility.


Batay sa pagtaya, posibleng makapasok sa bansa ang bagong bagyo sa Miyerkules o Huwebes.


Namataan ang sentro ng sama ng panahon sa silangang bahagi ng Central Luzon at may taglay na hangin na 45 km/hour, habang mabagal na umuusad patungong timog silangan.


Samantala patuloy sa paghagupit at pananalasa ang Bagyong Goring sa ilang lalawigan sa Northern Luzon at ilang lugar sa Ilocos Region.


Napanatili ng bagyo ang lakas nito bilang super typhoon habang kumikilos sa timog pa-kanluran ng Casiguran, Aurora.


Nagdulot ng matinding pagbaha ang Bagyong Goring sa ilang mga lugar sa Cagayan, Isabela, at ilang bayan sa Ilocos.


Batay sa mga kuhang larawan ng netizens, maraming mga bahay at kalsada ang apektado ng mataas na pagbaha habang isang konkretong bahay naman sa Narvacan, Ilocos Sur ang nilamon ng ilog dahil sa pagragasa ng malakas na tubig-baha.


Patuloy na makararanas ng ulan hanggang sa Lunes ng hapon sa bahagi ng Aurora , Isabela at Cagayan at inaasahang lalayas sa PAR ang bagyo sa September 1.




 
 
RECOMMENDED
bottom of page