top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Apr. 8, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

MALAS NG MGA TRAPO SI SEC. REX NA ANG HEAD NG DSWD KAYA IYONG MGA PULITIKO NA ‘GUMAMIT’ SA MENTALLY CHALLENGED SA PULITIKA, LAGOT! -- Umuusok sa galit si Dept. of Social Welfare and Development (DSWD) Sec. Rex Gatchalian sa ilang pulitiko sa Pasig City sa ‘panggagamit’ sa isang taong mentally challenged upang siraan ang mga katunggali sa pulitika, na ayon sa kalihim ay pinaiimbestigahan na niya ito para sampahan sila (mga pulitiko) ng kasong paglabag sa “Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.”


Malas ng mga trapo (traditional politicians) o mga pulitikong maruming lumaban sa pulitika kasi si Sec. Rex na ang head ng DSWD at siguradong tutuluyan sila nito, period!


XXX


MGA CONG. NA SANGKOT SA KATIWALIAN SA DEPED, DAPAT HUBARAN NA NI VP SARA NG MASKARA -- Dapat isapubliko na ni Vice Pres. Sara Duterte-Carpio ang pangalan ng mga kongresista na ayon sa kanya ay kasabwat sa paggawa ng mga katiwalian sa Dept. of Education (DepEd).


Dapat hubaran na sila ni VP Sara ng maskara para malaman ng mamamayan na iyong mga cong. na naglilinis-linisan ay mga “bulok” pala, boom!


XXX


HIRIT NI SPEAKER ROMUALDEZ ‘BAYANI RAW NG AGRIKULTURA’ ANG MGA MAGSASAKA, PERO MARCOS ADMIN WALA NAMANG SUPORTA SA AGRI SECTORS -- Sa idinaos na 2025 Nationwide National Irrigation Administration-Irrigators’ Associations (NIA-IAs) Congress ay si House Speaker Martin Romualdez ang guest speaker, at sa kanyang talumpati, pinuri niya ang mga magsasaka na mga bayani raw ng agrikultura.


Napasimangot ang mga magsasaka kasi alam nilang inuunggoy lang sila ng speaker sa sinabi nitong bayani raw sila (mga magsasaka) ng agrikultura, pero wala namang suporta sa agri sectors ang pinsan niyang si Pres. Bongbong Marcos at patunay diyan ang walang patumanggang pag-aangkat ng Marcos admin ng mga imported rice, isda at gulay, period!


XXX


EX-PDU30 NA LUMABAN SA ILLEGAL DRUGS HINULI AT IPINAKULONG SA ICC JAIL PERO SI ‘MARCIAL’ NA PROTEKTOR NG MGA ILEGAL HINDI MAGAWA NI GEN. MARBIL IPAKULONG SA BILIBID -- Sa isang kumpas lang ni PNP Chief Gen. Rommel Marbil, pagdating ni former Pres. Rodrigo Roa Duterte (FPRRD) ay agad itong inaresto ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), itinurn-over sa Interpol kaya nakulong sa International Criminal Court (ICC) jail sa The Netherlands.


Pero ang sumisira sa imahe ng PNP na si alyas “Marcial” na protektor ng mga illegal loggers, kasosyo sa mga raket ni “Tessie” at kumukumpetensya sa Small-Town Lottery (STL) sa Rizal province ay hindi magawa ni Gen. Marbil na ipaaresto kay Rizal PNP Director, Col. Felipe Maraggun.


Kaya natin ipinaghahambing si ex-PDu30 sa hindi naman kilalang personalidad na si “Marcial” ay dahil ang dating presidente na nilabanan ang illegal drugs sa ‘Pinas ay ang daling inaresto at ipinakulong ng PNP sa ICC jail, pero itong (Marcial) protektor ng mga ilegal, parang hirap na hirap si Gen. Marbil na ipaaresto at ipakulong sa Bilibid, tsk!


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Apr. 7, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

TALO SA ELEKSYON AABUTIN NG MGA CONG. NA SANGKOT SA DEPED ANOMALY KAPAG HINUBARAN SILA NG MASKARA NI VP SARA -- Sinabi ni Vice Pres. Sara Duterte-Carpio na may mga kongresista raw ang sangkot sa mga anomalya sa Dept. of Education (DepEd).


Hindi man aminin ay tiyak kakaba-kaba na ang mga kongresista dahil kapag hinubaran sila ng maskara ni VP Sara at sila ay pinangalanan, malamang talo abutin nila sa darating na halalan, period!


XXX


LAHAT NG KANDIDATO NI PBBM SA PAGKA-SENADOR MATATALO KAPAG SA ICC JAIL YUMAO SI EX-PDU30 -- Ayon kay dating Presidente Rodrigo Duterte, kung siya raw ay mamamatay, nais niya na sa sarili niyang bansa, sa Pilipinas siya mamatay.


Dahil sa sinabing iyan ni ex-PDu30 ay dapat kumilos na ang Marcos administration na makipag-ugnayan sa International Criminal Court (ICC) na maiuwi at sa ‘Pinas na lang litisin ang ex-president, kasi kapag ang dating pangulo ay sa loob ng ICC jail sa The Netherlands yumao, baka isa man sa mga kandidato ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) sa senatorial election ay walang manalo, lahat talo, boom!


XXX


SANA DAGDAGAN PA ANG MGA BIBILHING US FIGHTER JETS PARA MAIPAKITA NG ‘PINAS SA MUNDO NA HINDI TAKOT SA CHINA ANG SAMBAYANANG PINOY -- Bibili ang Marcos administration ng 20 bagong fighter jets sa Amerika.


Sana next year sa budget deliberation ay mas lakihan ng gobyerno ang budget ng Dept. of National Defense (DND) para mas makabili pa ang pamahalaan ng maraming fighter jets at nang maipakita sa mundo na palaban ang mga Pinoy, na hindi natatakot ang sambayanang Pilipino sa China, period!


XXX


FAKE NEWS ANG KUMALAT SA SOCIAL MEDIA NA BINUWAG ANG VPSPG -- Sinabi ni AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner na fake news ang kumakalat sa social media na binuwag ang Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG) dahil ayon sa AFP chief ay hindi niya ipinabuwag ang VPSPG, at ang ginawa lang ng AFP ay balasahan sa mga security personnel na nakatalaga sa Office of the Vice President (OVP).


Dapat na talagang madaliin ng Kongreso ang pagsagawa ng batas na magpapataw ng mabigat na parusa sa mga fake news vloggers, kasi hangga’t walang mahigpit na batas laban sa mga nagpapakalat ng pekeng balita sa social media ay hindi matitigil ang paglaganap ng fake news sa socmed, boom!

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Apr. 6, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

MALAMANG BALIK-KULUNGAN SI SEN. JINGGOY KAPAG GUILTY HATOL SA KANYA SA MGA KINASANGKUTANG KASONG KATIWALIAN -- Ibinasura ng Sandiganbayan ang hirit ni Sen. Jinggoy Estrada na ibasura ang mga kasong katiwalian na isinampa sa kanya kaugnay sa pork barrel scam.


Kaya kapag napatunayang guilty si Sen. Jinggoy sa kaso, malamang balik-kulungan siya at baka hindi na sa detention cell ng Camp Crame siya ikulong, baka idiretso na siya sa Bilibid, abangan!


XXX


PALPAK ANG SIM CARD REGISTRATION LAW -- Inanunsyo ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga nabibiktima ng scam calls sa ‘Pinas.


Patunay iyan na inabala lang ng gobyerno ang mamamayan sa pagpaparehistro ng SIM card ng kanilang mga cellphone kasi nga palpak ang batas na SIM Card Registration Law, boom!


XXX


BASTA SCALAWAG NA MGA PARAK, WALANG KABUSUGAN -- Walang kabusugan ang mga scalawag na parak sa bansa.


Mantakin n’yo, dinoble na nga ng noo’y Pres. Rodrigo Roa Duterte ang suweldo ng mga pulis, tapos nagagawa pa rin ng ilan na gumawa ng mga labag sa batas, at ang latest na kabalbalang ginawa ay nang holdapin ng 31 pulis at tangayin ang P85 million cash at kagamitan ng isang Chinese national sa Las Pinas City.


Dahil sa ginawa nilang iyan, pinagsisibak at pakakasuhan pa sila ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) director, Gen. Anthony Aberin, period!


XXX


DAPAT ANG IBIDA NG MALACANANG, GINAWANG MURA ANG BILIHIN SA MGA PALENGKE AT HINDI SA IILANG KADIWA STORES LANG -- Ibinida ng Malacanang na nadagdagan na raw ang bilang ng mga Kadiwa store sa bansa kung saan makakabili rito ng murang presyo ng bigas at iba pang bilihin ang mamamayan.

Hindi dapat ibinibida iyan ng Marcos administration kasi mangilan-ngilan lang naman ang mga Kadiwa store.


Kung gusto ng Malacanang na bumango ang pangalan ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM), ang dapat nilang gawin ay ibaba ang presyo ng bigas at mga pangunahing bilihin sa mga palengke at hindi ‘yung ibinibida lang nila ay ang murang bilihin sa iilang Kadiwa stores, boom!


 
 
RECOMMENDED
bottom of page