top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Apr. 25, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

NAGKAKAMPI-KAMPIHAN NA ANG MGA PULITIKONG MAY POLITICAL DYNASTY -- Kapuna-puna na ang mga kumakandidato sa pagka-senador na may political dynasty ay nagpapaendorso sa mga gobernador na may political dynasty din.


Iyan ang sistema ng pulitika sa ‘Pinas, na ang mga pulitikong may mga political dynasty ay mga nagkakampi-kampihan na, buset!


XXX


SABLAY ANG PABIDA NG MALACANANG SA P20 PER KILO NG BIGAS -- Sablay ang pabida ng Malacanang na magbebenta na raw ng P20 per kilo ng bigas ang Marcos administration bilang pagtupad daw sa pangako ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) at ang P20 per kilo ng bigas ay uumpisahan daw munang ibenta sa Visayas region.


Dahil sa Visayas region nga lang ibebenta ang P20 per kilong bigas ay pinutakti na naman nang batikos si PBBM kasi dapat daw ay sa buong bansa o nationwide magbenta ng P20 per kilo ng bigas kasi ang mga taga-Luzon at Mindanao ay kumakain din naman ng kanin, boom!


XXX


PARANG SINABI NI VP SARA NA AFTER NG ELECTION, WALA NA RIN SA MERKADO ANG P20/KILO NG BIGAS -- Tahasang sinabi ni Vice Pres. Sara Duterte-Carpio na ang pagbebenta raw ng P20 per kilong bigas sa Visayas region ay pampulitika lang umano ng Marcos administration para raw maiangat ang kandidatura ng mga ‘manok’ ni PBBM sa pagka-senador.


Kumbaga, parang sinabi na rin ni VP Sara na after election, wala na uli sa merkado ang P20 per kilong bigas, balik na naman sa dating mahal na presyo ang per kilo ng bigas, period!


XXX


MASAKIT SA PAMILYA DUTERTE ANG PAG-ENDORSO NI SEN. PADILLA SA ISA SA ‘MANOK’ NI PBBM SA PAGKA-SENADOR -- Masakit para sa pamilya Duterte ang pag-endorso ni Partido Demokratiko ng Pilipinas (PDP) President, Sen. Robin Padilla sa kandidatura ni Sen. Francis Tolentino dahil ang senador na ito (Tolentino) ay kandidato sa pagka-senador ni PBBM.


Hay naku, nakalimutan na yata ni Sen. Padilla na ang gobyerno ni PBBM ang nag-aprub na arestuhin at ipakulong si ex-P-Duterte sa International Criminal Court (ICC) jail sa The Netherlands kaya ang isa sa ‘manok’ ng Marcos admin sa pagka-senador na si Tolentino ay iniendorso niya ang kandidatura for senator, tsk!


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Apr. 24, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

PAGPAPAKULONG NI SP ESCUDERO KAY LACANILAO PARANG PAKITANG-TAO LANG -- Dalawang araw lang pala na ikukulong sa detention facility ng Senado si Special Envoy on Transnational Ambassador Markus Lacanilao na ipina-contempt nina Sen. Imee Marcos at Sen. Ronald Dela Rosa sa isyung pagsisinungaling sa pag-aresto at pagpapakulong kay ex-PDu30 sa International Criminal Court (ICC) jail sa The Netherlands.


Nangangahulugan iyan na pakitang-tao lang ang utos ni Senate President Chiz Escudero na ikulong si Lacanilao, kasi parang pinagbakasyon lang ito ng dalawang araw sa kulungan ng Senado, boom!


XXX


DAPAT MABAHALA ANG MALACAÑANG SA UNTI-UNTING PAGKAWALA NG TIWALA NG TAUMBAYAN SA PRESIDENTE -- Hindi raw nababahala ang Malacañang sa patuloy na pagbaba ng trust rating ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM).


Hindi nababahala? Aba’y sa totoo lang ay nakakabahala iyan kasi nga unti-unting nawawala ang tiwala ng taumbayan sa liderato ni PBBM, period!


XXX


DATI PARTYLIST SA ‘PINAS PANG-POOR LANG, PERO NGAYON PANG-POLITICAL DYNASTY NA, PANG-RICH PA -- Mahigit sa kalahati ng mga partylist na pinayagan ng Comelec na lumahok sa halalan ay partylist ng mga political dynasty at mayayaman.


Ang partylist system ay itinatag sa bansa para sa kapakanan ng mga mahihirap na sektor ng lipunan, pero sa sistema ngayon, hindi lang pang-poor ang partylist sa ‘Pinas, kundi pang-political dynasty na, pang-rich pa, pwe!


XXX


UBOD NANG LAKAS NI ‘LAKAY’, WALANG NANGHUHULI SA KANYA KAHIT SANDAMAKMAK ANG RAKET SA LUNGSOD -- Magkatunggali sa pagka-alkalde ng Parañaque City ang maghipag na Congressman Edwin Olivarez at Aileen Olivarez na misis ni Mayor Eric Olivarez.


Ang sabi ni Cong. Edwin na kapag daw siya ang nagwagi sa pagka-mayor ay tapos na rin daw ang maliligayang araw ng mangraraket na si “Lakay,” na namayagpag daw ang raket nang maging alkalde ng lungsod si Mayor Eric Olivarez.


Sino si “Lakay” at bakit ubod nang lakas nito sa city hall kung kaya’t walang pulis na nanghuhuli rito sa kabila na sandamakmak ang raket nito sa lungsod? Abangan!



 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Apr. 23, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

PAGBAGSAK NG RATING NI PBBM SA FAKE NEWS ISINISISI PERO NOON TUWANG-TUWA ANG KAMPO NI MARCOS KAPAG MAY FAKE NEWS KAY EX-VP LENI -- Ang paglagapak ng rating ni Pangulong Bongbong Marcos (PBBM) ay isinisisi ng Malacañang sa fake news laban sa presidente.


Sa fake news itinuturo ng kampo ni PBBM ang pagsadsad ng rating nito, pero noong campaign para sa 2022 presidential election, tuwang-tuwa sila sa mga fake news na ibinabato ng mga Marcos loyalists at Duterte Diehard Supporters (DDS) laban kay former Vice Pres. Leni Robredo, tsk!


XXX


SA RAMI NG FAKE NEWS VLOGGERS, DAPAT MAGDAGDAG NA NG KULUNGAN SA BILIBID ANG MARCOS ADMIN -- Hindi lang ang National Bureau of Investigation (NBI) ang tututok kontra fake news, kundi pati ang Philippine National Police (PNP) at Dept. of Information and Communication Technology (DICT) ay tututukan na rin ang paglaban sa mga nagpapakalat ng fake news.


Dahil sanib-puwersa na ang NBI, PNP at DICT sa paglaban sa fake news, dapat magdagdag na ng kulungan sa Bilibid ang Marcos administration kasi sa darating na mga araw ay tiyak maraming fake news vloggers ang makakasuhan at makukulong,

abangan!


XXX


SP CHIZ, NAKATIKIM NG PAMBA-BASH SA DDS KAYA NAOBLIGANG IPAKULONG SI LACANILAO -- Ikinulong na sa Senado si Special Envoy on Transnational Ambassador Markus Lacanilao na ipina-contempt nina Sen. Imee Marcos at Sen. Ronald Dela Rosa dahil sa pagsisinungaling nito sa isyung pag-aresto at pagpapakulong kay ex-President Duterte sa International Criminal Court (ICC) jail sa The Netherlands.


Noong una ayaw ipakulong ni Senate Pres. Chiz Escudero si Lacanilao, pero nang i-bash siya ng mga DDS, naobliga na siyang pirmahan ang arrest order at pagpapakulong sa kanya (Lacanilao) sa detention facility ng Senado.


Buti na lang na-bash ng mga DDS si SP Chiz kasi kung hindi, malamang hanggang ngayon laya pa si Lacanilao, period!


XXX


MGA KANDIDATO NI PBBM SA PAGKA-SENADOR NA DEDMA SA BIGTIME OIL PRICE HIKE DAPAT IBASURA SA HALALAN -- Kahapon ay nagpatupad na naman ng bigtime oil price hike ang Marcos admin, ang dagdag-presyo sa gasolina ay P1.35; sa diesel ay P1.30 at sa kerosene ay P1.30.


Ang kapuna-puna sa dagdag-pahirap na ito sa mga motorista ay kahit isang kandidato ni PBBM sa pagka-senador ay walang bumatikos sa panibagong oil price hike na ito.


Dahil walang paki ang mga senatorial candidate ni PBBM sa bigtime oil price hike, ang dapat gawin ng mga motorista ay ibasura sa halalan ang lahat ng kandidato ng Marcos admin sa pagka-senador bilang resbak sa pananahimik nila sa isyung ito, boom!


 
 
RECOMMENDED
bottom of page