top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | May 22, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

LALONG LULUBOG SA UTANG ANG ‘PINAS KAPAG TINOTOO NG MARCOS ADMIN ANG NAKAKALULANG P10-P11 TRILLION BUDGET SA YEAR 2026 -- Inanunsyo ni Dept. of Budget and Management (DBM) Sec. Amenah Pangandaman na posible raw pumalo ng mula sa P10 trillion hanggang P11 trillion ang magiging national budget sa year 2026.


Naku po, kapag tinotoo nila iyan, asahan nang lalong lulubog sa utang ang ‘Pinas, tsk!


XXX


SOBRANG HAPPY ANG PAMILYA DUTERTE AT MGA DDS KAPAG NAPALITAN SI SPEAKER ROMUALDEZ SA PAGIGING HEAD NG KAMARA -- Sinabi ni Camarines Sur 2nd District Rep. Lray Villafuerte na posibleng magkaroon ng negatibong epekto sa Marcos administration kapag nagkaroon ng pagpapalit sa liderato ng Kamara.

Kapag sinabing liderato ng Kamara, ang tinutukoy niyan ay si Speaker Martin Romualdez.


Kaya kung pakasusuriin ang statement na ito ni Villafuerte ay waring may mga kumikilos para mapalitan si Speaker Romualdez bilang head ng Kamara, at sakaling magtagumpay na siya (Romualdez) ay mapalitan, sigurado ikatutuwa ‘yan ng pamilya Duterte at ng mga Duterte Diehard Supporters (DDS), boom!


XXX


KAPAG IPRINOKLAMA NA ANG MGA NOMINADO NG DUTERTE YOUTH PARTYLIST, ANOMALYA NG COMELEC AT KAMARA HINDI NA IBUBULGAR NI CARDEMA? -- Nagbabala si Duterte Youth Partylist Chairman Ronald Cardema na ibubulgar daw niya ang anomalya ng Comelec at Kamara kapag hindi pa iprinoklama next week ang tatlong nominado nila na nagwagi sa partylist election.


Para na rin niyang sinabi na kapag iprinoklama, hindi na niya ibubulgar ang anomalya ng Comelec at Kamara, pwe!


XXX


DAPAT PANGALANAN NI PBBM ANG MGA GOV’T. OFFICIAL NA SINABI NIYANG SANGKOT SA RICE SMUGGLING -- Ayon kay Pres. Bongbong Marcos (PBBM) ay may mga opisyal daw ng pamahalaan ang sangkot sa rice smuggling.


Dapat pangalanan ni PBBM ang mga gov’t. official na iyan na sangkot sa rice smuggling at pagkaraan ay pasampahan niya ng kaso at ikulong.


Kapag nagawa niya iyan ay siguradong hahangaan siya ng publiko, period!

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | May 21, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

IPINANGSUSUWELDO NG TAUMBAYAN SA REPRESENTANTE AT MGA STAFF NG DUTERTE YOUTH PARTYLIST, SAYANG! -- May mga post ngayon sa social media na pinagtutugma kung ilang panukalang batas ang nagawa ng Kabataan Partylist at Duterte Youth Partylist sa Kamara sa nakalipas na anim na taon (2019-2025), ang Kabataan Partylist ay 174 bills daw ang naisulong at ang Duterte Youth Partylist ay isang bill lang daw.


Sinearch natin sa Google at totoo nga, napakaraming panukala ang Kabataan Partylist, totoo ang 174 bills, kabilang dito ang “No Permit, No Exam Prohibition Bill” ,”Comprehensive Free Public Higher Education Bill,” “Safe School Reopening Bill,” “Emergency Student Aid and Relief Bill,” “Students Rights Bill” at marami pang iba.


Sinearch din natin sa Google kung totoong isa lang ang naisulong ng Duterte Youth Partylist, eh hindi naman pala isa lang, kundi dalawa, at ito ay ang “Renaming the Ninoy Aquino International Airport as the Manila International Airport” at “To Outlaw the Communist Party of the Philippines,” dalawang panukala na parang walang pakinabang ang mga kabataan.


Mantakin n’yo, sa loob ng anim na taon dalawang panukala lang ang naisulong ng Duterte Youth Partylist, aba’y tama lang pala ang hirit ng iba’t ibang sektor ng kabataan sa Comelec na i-reject na ito bilang partylist kasi sayang lang pala ang ipinangsusuweldo ng taumbayan sa representante at mga staff ng partylist na ito na hinango sa apelyido ng Duterte, period!


XXX


‘TOO LATE THE HERO’ ANG PABIDA NG COMELEC – “Too late the hero” ang ibinida ni Comelec Chairman George Garcia na hindi na nila papayagang lumahok sa 2028 election ang mga partylist na hinango sa mga sikat na pangalan, ayuda at titulo ng teleserye.


Kung noon pa ginawa iyan ng Comelec, wala sanang naging mga makapangyarihang kongresista, na kaya mga naging powerful ay dahil ang inilahok nilang mga partylist sa halalan ay hinango nga sa mga sikat na pangalan, ayuda at titulo ng teleserye, tsk!


XXX


NAKAKARAMDAM NA YATA NG TAKOT SI PBBM KAYA GUSTONG MAKIPAGBATI SA PAMILYA DUTERTE -- Handa raw si Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na makipagbati sa pamilya Duterte.


Siguro, kaya gusto na ni PBBM na makipagbati sa pamilya Duterte ay dahil nakakaramdam na siya ng takot sa resbak na posibleng gawin sa kanya at sa pamilya niya kapag naging presidente si VP Sara sa 2028 election, boom!


XXX


MATATAPOS NA ANG PANGRARAKET NI ‘LAKAY’ SA PARANAQUE CITY -- Si Paranaque City Rep. Edwin Olivarez ang nagwaging kandidato sa pagka-alkalde ng lungsod.


Sa pag-upo ni incoming Mayor Edwin Olivarez sa July 1, 2025, tapos na ang happy days ng mangraraket na si “Lakay” kasi nga, ang isa sa campaign promise niya (Mayor Edwin) ay ipapahuli niya ang lahat ng mga nangraraket sa mga taga-Paranaque City, abangan!


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | May 20, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

MARAMI SANANG SENATORIAL CANDIDATES NI PBBM ANG MANANALO KUNG NOON PA NAGBENTA NG P20/KILONG BIGAS SA MGA KADIWA STORES -- Sinabi ng Malacañang na ang P20 per kilong bigas ay hindi na lang pangako kundi polisiya na ng Marcos administration at patunay daw diyan na mas marami pang nakakalat na Kadiwa Stores sa buong bansa ang makapagbebenta na ng ganitong presyo ng bigas.


Kung noon o sa unang taon pa lang ng panunungkulan ni PBBM bilang presidente ng bansa ay pinursige na niya na makapagbenta ng P20 per kilong bigas sa mga Kadiwa Store, marami sana sa mga kandidato niya sa pagka-senador ang nagwagi sa nakalipas na halalan, period!


XXX


NAKIKITA NA NATIN NA KAPAG NAGING PRESIDENTE SI VP SARA, RERESBAK ITO KINA PBBM, FL LIZA AT SPEAKER ROMUALDEZ -- Malabo na talagang ma-impeach si Vice Pres. Sara Duterte-Carpio kasi nga majority ng mga incumbent at mga na-elect na senador ang kontra sa pagpapatalsik kay VP Sara sa puwesto.


Dahil hindi mai-impeach si VP Sara ay ibig sabihin tuloy ang kandidatura niya sa pagka-

presidente ng ‘Pinas sa year 2028, at kapag naging pangulo ito (VP Sara), naku po, para na nating nakikini-kinita, reresbakan nito sina PBBM, First Lady Liza Araneta-Marcos at Speaker Martin Romualdez, abangan!


XXX


KUNG MAGPAPATULOY ANG BENTAHAN NG P20 PER KILONG BIGAS, MAY TSANSA ANG MAMANUKIN NI PBBM SA 2028 PRESIDENTIAL ELECTION -- Kung ang P20 per kilong bigas ay magagawa ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na maibenta na rin sa lahat ng pamilihan sa bansa, na hindi lang sa mga Kadiwa Stores ito mabibili, aba’y tiyak babango uli ang kanyang pangalan.


Kapag nagawa iyan ni PBBM na hanggang year 2028 may nabibiling P20 per kilong bigas sa lahat ng pamilihan, malaki ang tsansa na suportahan ng mayoryang Pinoy ang sinumang “mamanukin” niya sa 2028 presidential election, na ‘ika nga magkakaroon na talaga siya ng pantapat kay VP Sara, period!


XXX


KAHIT MAY P20/KILONG BIGAS, KUNG ANG WALANG KARISMA SA PUBLIKO NA SI SPEAKER ROMUALDEZ ANG MAMANUKIN NI PBBM SA 2028 PRESIDENTIAL ELECTION, HINDI NITO MATATALO SI VP SARA -- May karisma sa publiko ang dapat na ipanlaban ni PBBM kay VP Sara sa 2028 presidential election.


Kung sinuman ang mapipili ni PBBM na pulitikong may karisma sa publiko, tapos tuluy-tuloy pa rin ang P20 per kilong bigas na ibinebenta sa merkado, ay masasabing pantapat na ito sa popularidad ni VP Sara.


Pero kung si Speaker Romualdez ang mamanukin ni PBBM sa 2028 presidential election, kahit pa may ibinebentang P20 per kilong bigas sa merkado ay malabo nitong talunin si VP Sara, kasi nga ang House Speaker na ito ay walang karisma sa publiko, boom!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page