top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | June 8, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

SP ESCUDERO HUWAG NANG KUMANDIDATO SA 2028, MALAMANG MATALO LANG -- Pinuputakti ngayon ng batikos ng iba’t ibang sektor si Senate President Chiz Escudero kaugnay sa delaying tactic niya sa impeachment proceedings kay Vice Pres. Sara Duterte-Carpio.


Dahil sa napakaraming bumabatikos sa kanya, ang pinakamainam niyang gawin ay huwag na siyang kumandidato sa anumang posisyon sa 2028 election kasi siguradong talo lang ang aabutin niya, boom!


XXX 


MGA SENADOR SA 20TH CONGRESS, 11 PRO-IMPEACHMENT, 10 ANTI-IMPEACHMENT, 4 ANG PLAYING SAFE -- Sa ngayon ay 11 senador na ang nagsabing nasa Konstitusyon na dapat ituloy ang impeachment trial sa sinumang mataas na opisyal ng pamahalaan, at sila ay sina Sen. Alan Cayetano, ang ate niyang si Sen. Pia Cayetano, malamang susuporta rin sa impeachment trial. Nagsalita na rin sina incoming Senators Tito Sotto at Ping Lacson, sina Sens. Sherwin Gatchalian at JV Ejercito na pabor sila sa impeachment trial. Sina Sen. Risa Hontiveros, incoming Sens. Bam Aquino at Kiko Pangilinan, at magkapatid na Sen. Raffy Tulfo at incoming Sen. Erwin Tulfo ay sure na pro-impeachment ang mga iyan dahil panay atake ng kuya nilang si Mon Tulfo sa pamilya Duterte.


Ang mga anti-impeachment naman ay nasa 9 lang at sila ay sina Sens. Imee Marcos, Bong Go, Ronald Dela Rosa, Robin Padilla, Jinggoy Estrada, Migs Zubiri. Si incoming Sen. Rodante Marcoleta anti-impeachment din. Hindi man nagsasalita sa isyu sina Sen. Mark Villar at incoming Sen. Camille Villar, malamang anti-impeachment din sila dahil anti-impeachment ang ermat nilang si outgoing Sen. Cynthia Villar. Si SP Escudero halata naman na anti-impeachment din siya. 


Ang mga playing safe naman na hindi malaman kung pro o anti-impeachment ay sina Sens. Lito Lapid, Joel Villanueva at Loren Legarda, period!


XXX


KAPAG SINA SENS. LAPID, VILLANUEVA AT LEGARDA NAG-ANTI-IMPEACHMENT, REJECT NA ANG IMPEACHMENT PERO KAPAG 2 LANG SA KANILA ANG NAG-PRO-IMPEACHMENT, TULOY ANG IMPEACHMENT TRIAL -- Ang kapalaran ni VP Sara para huwag ituloy sa 20th Congress ang impeachment trial sa kanya ay na kina Senators Lapid, Villanueva at Legarda. 


Kapag ang 3 na iyan ay nag-anti-impeachment plus 10 na pro-Duterte senators, 13 ang bilang nila at majority sila, kill na ang impeachment, pero kapag kahit 2 lang sa mga iyan ay bumoto pabor sa impeachment plus 11 pro-impeachment senators, siguradong tuloy ang impeachment trial, abangan!


XXX


WALANG PUMAPASOK NA FOREIGN INVESTORS, KAYA SIYEMPRE DADAMI TALAGA ANG TAMBAY SA ‘PINAS -- Inanunsyo ng Philippine Statistics Authority (PSA) na pumalo na sa higit 2 milyong Pinoy ang naiulat na walang trabaho.


Sus, hindi naman na dapat pang i-memorize iyan, kasi wala namang pumapasok na foreign investors sa panahon ng Marcos administration, kaya siyempre, dadami ang tambay, boom!


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | June 7, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

BUTI PA ANG MGA COLLEGE STUDENTS ALAM ANG MEANING NG ‘FORTHWITH,’ SI SP CHIZ NATURINGANG ABOGADO AT SENATE PRESIDENT PA HINDI ALAM -- May isang vlogger ang nagtanong sa mga college student kung ano ang ibig sabihin ng "forthwith" na nakasaad sa Konstitusyon patungkol sa impeachment, at ang tugon nila ay "agad-agad," "mabilisan" o "madaliin."


Mabuti pa ang mga college student na ito ay alam ang kahulugan ng "forthwith," kumpara kay Sen. Chiz Escudero na naturingang abogado at Senate president pa ay hindi alam, kasi sa interview ng media sa kanya (Escudero) ay tinanong siya kung ano ang kahulugan ng "forthwith," eh ang sagot ng abogadong pangulo ng Senado ay "within the bounds of the law" o ‘sa loob ng hangganan ng batas,’ boom!


XXX


BAKA HINDI LANG DISQUALIFICATION ANG KAHARAPIN NG DUTERTE YOUTH PARTYLIST, MALAMANG MASAMPAHAN PA NG MGA KASONG KRIMINAL -- Pinaiimbestigahan na ni Comelec Chairman George Garcia ang isyung apelyidong Cardema na ginamit ni first nominee and incumbent Duterte Youth Partylist Rep. Drixie Mae Suarez Cardema gayong dalaga pa ito at Suarez ang tunay niyang apelyido, na siya ay kapatid ni former Duterte Youth Partylist Rep. Ducielle Marie Suarez Cardema na misis ni Duterte Youth Chairman Ronald Cardema.


Naku kapag nagkataon, hindi lang disqualification ang mangyayari sa Duterte Youth Partylist, kundi malamang masampahan pa ng kasong kriminal ang magbayaw na Drixie Suarez at Ronald Cardema, abangan!


XXX


KOREK SI SEN. JV, HINDI NAMAN LALAPAD ANG KALSADANG EDSA SA REHAB KAYA DAPAT HUWAG NANG ITULOY ANG EDSA REBUILD -- Kontra si Sen. JV Ejercito sa plano ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Dept. of Transportation (DOTr) at Dept. of Public Works and Highways (DPWH) na rehabilitasyon sa EDSA dahil hindi naman daw lalapad ang kalsadang ito kahit anong rebuild ang gawin dito, na aniya perhuwisyo lang sa mga motorista kung itutuloy pa ang planong EDSA rehab.


May punto si Sen. JV sa tinuran niyang ito, at para hindi na makaperhuwisyo ng motorista at ng mamamayan, dapat tuluyan nang i-reject ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) ang EDSA rehab, period!


XXX


PABABAIN ANG INFLATION RATE AT HINDI PANATILIHING MATAAS PRESYO NG MGA BILIHIN AT BAYARIN -- Hindi dapat ibida ni Speaker Martin Romualdez ang pagbagal sa 1.3% ang inflation rate sa ‘Pinas dahil hindi man gaano ito (inflation rate) gumalaw, ay nananatiling mataas pa rin ang presyo ng mga bilihin at bayarin sa bansa.


Ang dapat gawin ng Kamara ay gumawa ng paraan paano mapapababa ang inflation rate, at hindi ang panatilihing mataas ang presyo ng mga bilihin at bayarin sa ‘Pinas, boom!

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | June 6, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

MAY MGA PULITIKO NA GINUSTONG MAGING SENADOR AYAW NAMAN GAWIN ANG MANDATO SA BAYAN -- Dalawang beses nang sinasabi ni Vice Pres. Sara Duterte-Carpio na nais niyang matuloy ang impeachment trial para malinis na ang kanyang pangalan sa mga alegasyon ng corruption sa kanyang confidential funds sa Office of the Vice President (OVP) at noong siya pa ang kalihim ng Dept. of Education (DepEd), pero may ilang senador ang nagsabing tutol sila sa impeachment.


Nasa Konstitusyon na kabilang sa mandato ng mga senador ay umaktong hurado ng impeachment court, tapos ayaw ng ilang senador sa impeachment.


Onli in da ‘Pinas lang iyan na may mga pulitiko na ginustong maging senador, pero ayaw naman sundin kung ano ang mandato nila sa bayan, mga pwe!


XXX


PCO SEC. JAY RUIZ, NAMUMURONG MAWALA SA PUWESTO -- Maraming miyembro ng gabinete na nagsipag-file ng courtesy resignation ang hindi tinanggap ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) ang kanilang pagbibitiw, na ibig sabihin ay mananatili silang mga kalihim sa kanilang mga departamento, pero ang kay Presidential Communication Office (PCO) Sec. Jay Ruiz ay wala pang desisyon ang Presidente kung tatanggapin o hindi ang kanyang resignation.


Hay naku, halos 3 buwan pa lang sa pwesto si Sec. Ruiz ay tila namumuro nang mawala sa posisyon, abangan!


XXX


LARRY GADON, TILA MAMALASIN SA PAGIGING MARCOS LOYALIST DAHIL TANGGAL NA SA PAGKA-ABOGADO, MAPAPATALSIK PA BILANG PAPA SEC.? -- Hindi rin alam ni Presidential Adviser on Poverty Alleviation (PAPA) Sec. Larry Gadon kung tatanggapin o hindi ni PBBM ang kanyang courtesy resignation dahil hindi nakasama ang kanyang pangalan sa mga Cabinet members na ang resignation ay ni-reject ng Presidente.

Sakaling tanggapin ni PBBM ang kanyang resignation, lalabas na malas ang inabot ni Gadon sa pagiging Marcos loyalist niya, kasi sa katatanggol kay PBBM, sibak ang nangyari sa kanyang pagiging abogado matapos i-disbar ng Supreme Court (SC), tapos mapapatalsik pa bilang miyembro ng gabinete ng Marcos administration.

Iyan lang naman ay kung tatanggalin na siya ni PBBM bilang kalihim ng PAPA, period!


XXX


MGA DATING MMDA OFFICIAL NA NAGPAGAWA NG P10M ‘MT. KAMUNING’ FOOTBRIDGE DAPAT SAMPAHAN NG KASO -- Sa sobrang tarik ay kaunti lang ang dumadaan sa footbridge na binansagang “Mt. Kamuning” sa Kamuning, EDSA, Quezon City kaya’t tama lang ang desisyon ni PBBM na buwagin iyan at palitan ng footbridge na mababa at kaaya-ayang daanan ng mga tao.


At sana, hindi lang paggiba sa “Mt. Kamuning” ang gawin ng Marcos administration, kundi dapat sampahan pa ng kaso ang mga dating opisyal ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kasi P10 million na pera ng bayan ang nasayang na ginasta riyan na hindi naman napakinabangan nang husto ng mamamayan, boom!



 
 
RECOMMENDED
bottom of page