top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | June 23, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


HIHINTAYIN PA PALA NG DFA NA LUMALA NANG TODO ANG GIYERA BAGO ILIKAS ANG MGA OFW SA ISRAEL AT IRAN -- Sobrang nag-aalala ang pamilya ng mga overseas Filipino worker (OFW) sa Israel at Iran nang ianunsyo ng Dept. of Foreign Affairs (DFA) na Alert Level 3 na ang digmaan ng dalawang bansang ito, at para mapakalma ay sinabi ni DFA Usec. Eduardo Jose Dela Vega na huwag daw masyadong mag-alala (pamilya ng mga OFW) dahil hindi pa naman daw Alert Level 4, na ibig sabihin kapag ganito na ang alert level, mandatory evacuation na ang gagawin ng Marcos gov’t. sa mga OFW sa Israel at Iran.


Pambihira naman ‘tong DFA ng Philippines kasi ang gusto pala nilang mangyari ay mag-alert level 4 muna bago ilikas ang mga OFW sa Israel at Iran gayung kitang-kita naman sa mga news at social media na palala na nang palala ang digmaan ng dalawang bansang ito, lalo’t umeksena na rin sa giyera ang America, tsk!


XXX


MAS NANAISIN PA PALA NG MGA OFW SA ISRAEL NA MABAGSAKAN NG MISSILES NG IRAN KESA UMUWI AT SUMAKIT ANG TIYAN SA GUTOM SA ‘PINAS -- Sinabi naman ni DFA Asec. Robert Ferrer na kalmado lang daw ang mga OFW sa Israel at karamihan nga raw sa mga ito ay ayaw umuwi ng Pilipinas.


Kung totoo ang sinabing iyan ni Asec. Ferrer ay isa lang ang ibig sabihin n’yan na dahil wala namang inaasahang trabaho sa Pilipinas ang mga OFW, mas gugustuhin pa yata nilang (OFWs sa Israel) mabagsakan ng missiles ng Iran kaysa umuwi ng ‘Pinas at magsisakitan ang mga tiyan dahil sa gutom, boom!


XXX


PINUTAKTI NANG BATIKOS NG MGA DDS SI ROMNICK SARMENTA SA PANG-OOKRAY KAY VP SARA – Nag-post ang aktor na si Romnick Sarmenta sa social media nang ganito, “Inosente pero labing-anim kinuhang abogado.”


Ang post na ito ni Romnick ay pang-ookray kay Vice President Sara Duterte-Carpio, kaya lang may kapalit ito, rumesbak ang mga Duterte Diehard Supporters (DDS), binash nang todo-todo ang aktor bilang pagtatanggol sa bise presidente.


Nalimutan yata ni Romnick na ubod nang dami ang mga DDS kaya hanggang ngayon ay ayaw siyang tantanan ng mga Duterte supporters sa pamba-bash, period!


XXX


MAGAWA KAYA NI NEWLY APPOINTED PNP-REGION 4-A GEN. JACK WANKY NA IPAHULI ANG MGA SANGKOT SA PROTECTION RACKET SA CALABARZON? -- Sinibak ni PNP Chief, Gen. Nicolas Torre III sa puwesto si PNP-Region 4-A Director, Brig. Gen. Paul Kenneth Lucas at ang ipinalit sa kanya ay si Brig. Gen. Jack Wanky.


Ngayong si Gen. Wanky na ang director ng PNP-Region 4-A, tingnan nga natin kung kaya niyang ipahuli ang mga sangkot sa protection racket sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal ar Quezon) na sina "Tsan Parak," "Tata Obet," "Adlawan" at "Dimapeles, "Rico," at "Jong," abangan!

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | June 22, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


MGA OPISYAL NG WORLD BANK, MGA MARCOS LOYALIST NA RIN BA? -- Pahirap nang pahirap ang pamumuhay sa Pilipinas dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at bayarin, kaya maraming Pinoy talaga ang nagtaka sa inanunsyo ng World Bank (WB) na ikalawa raw ang ‘Pinas sa may pinakamabilis na lumagong ekonomiya sa Southeast Asia.


Dahil sa hindi kapani-paniwalang anunsyo na iyan, lumalabas na itong mga namumuno ngayon sa World Bank ay mga Marcos loyalist na rin pala, boom!


XXX


NANG DAKPIN SI EX-P-DUTERTE MAY AIRPLANE AGAD NA NAGDALA SA ICC JAIL, CRISIS ALERT LEVEL 3 NA SA ISRAEL AT IRAN PERO MARCOS ADMIN, WALA PA RING EROPLANONG SUSUNDO SA OFWs PARA IUWI SA ‘PINAS -- Nang dakpin noon ng kapulisan si ex-President Rodrigo Duterte sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at i-turnover ito sa Interpol, ang bilis nakapag-provide ng Marcos admin ng private airplane na naghatid sa dating presidente sa International Criminal Court (ICC) jail sa The Netherlands.


Ito na siste, matapos ideklara ng Dept. of Foreign Affairs (DFA) na crisis alert level 3 na ang digmaan ng Israel at Iran na need na talagang lumikas, sunduin para maiuwi na sa ‘Pinas ang mga OFW mula sa dalawang bansang ito, eh hanggang ngayon “nganga” pa rin ang Marcos admin, tsk!


XXX


KULANG NA LANG SABIHIN NI LACSON WALANG ALAM SA BATAS ANG KAPWA MAMBABATAS NA SI DELA ROSA -- Dalawang supalpal ang inabot ni Sen. Ronald Dela Rosa kay incoming Sen. Ping Lacson patungkol sa mosyon nito (Sen. Dela Rosa) noong June 10, 2025 na i-dismiss ang mga kasong impeachment kay Vice Pres. Sara Duterte-Carpio.


Unang tirada ni Lacson, ang dapat daw magmosyon para i-dismiss ang mga kasong impeachment kay VP Sara ay mga defense lawyer ng bise presidente at hindi si Dela Rosa na umaaktong senator-judge.


At ang pangalawang tirada ni Lacson, hindi pa nga raw nauumpisahan ang impeachment trial, hindi pa nakikita ni Dela Rosa ang mga ebidensya, gusto na raw ipa-dismiss agad ang mga kasong impeachment kay VP Sara.


Kulang na lang sabihin ni Lacson na ginusto ni Dela Rosa na maging mambabatas, pero wala naman palang alam sa batas, period!


XXX


MALABONG MAGISA SI VP SARA SA IMPEACHMENT TRIAL -- Tila malabong magisa si VP Sara sa impeachment trial.


Ang delaying tactic ni Senate President Chiz Escudero sa impeachment trial ay indikasyong gusto nitong maglabas na ng desisyon ang Supreme Court (SC) na nagbabasura sa mga impeachment complaints laban kay VP Sara ngayong 19th Congress, at kung sakaling maumpisahan naman ang impeachment trial sa 20th Congress, at magmosyon ang mga defense lawyers na i-dismiss na ang articles of impeachment laban sa bise presidente, tapos nagdesisyon si SP Escudero bilang presiding senator-judge na daanin ito sa botohan, at 18 senator-judges uli ang bumoto pabor sa dismissal, tapos ang “boksing,” absuwelto agad ang bise presidente, boom!


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | June 21, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

MGA DDS, SHOCKING SA PAGKANSELA NG COMELEC SA REGISTRATION NG DUTERTE YOUTH PARTYLIST NA IKINATUWA NI PANELO -- Shocking ang mga Duterte Diehard Supporters (DDS) nang suportahan at ikatuwa ni former presidential legal counsel, Atty. Salvador Panelo, isa sa mga high ranking official ng DDS, ang naging desisyon ng Comelec na ikansela ang registration ng Duterte Youth Partylist.


Ayon kay Panelo, bad daw kasi ang record ng mga nasa likod ng Duterte Youth Partylist at ginamit lang daw ng mga ito ang apelyido ni ex-P-Duterte para magwagi sa eleksyon.

Dahil sa tinuran na iyan ni Panelo, kilalang matapat na kaibigan ni ex-P-Duterte, ay asahan nang kakaunting DDS na lang ang magtatanggol sa partylist na ito, period!


XXX


IMBITASYON NG KAMARA KAY DETENIDONG EX-P-DUTERTE SA SONA NI PBBM, PANG-IINIS SA EX-PRESIDENT -- Ang desisyon ng Kamara na padalhan ng imbitasyon si ex-P-Duterte para dumalo sa ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) sa July 28, 2025 ay masasabing pang-iinis sa dating presidente.


Alam naman kasi ng Kamara na nakapiit sa International Criminal Court (ICC) jail sa The Netherlands si ex-P-Duterte at malabo naman talagang makadalo ito sa SONA, eh mantakin n’yong pinadalhan pa ng imbitasyon para sa SONA ni PBBM, tsk!


XXX


PAMUMUWISIT KAY EX-P-DUTERTE ANG PLANO NG MARCOS ADMIN NA MULING SUMAPI SA ICC -- Inanunsyo ni Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro na pinaplano raw ng Marcos administration na muling sumapi sa ICC ang Pilipinas.


Malinaw na dagdag-pamumuwisit ‘yan kay ex-P-Duterte, dahil nga noong panahon ng Duterte admin kumalas ang ‘Pinas sa ICC dahil sa isyung pakikialam daw nito sa soberanya ng bansa, tapos porke nakakulong na sa ICC jail ang ex-president ay saka pinagpaplanuhan ni PBBM na muling magpasailalim sa ICC, boom!


XXX


MGA KARELYIBO NG MAPAGSAMANTALANG TAXI DRIVER, DAMAY SA PABIDA NI DOTr SEC. DIZON --Okey na sana ang pagpapa-revoke ni Dept. of Transportation (DOTr) Sec. Vince Dizon sa driver’s license ng taxi driver na nag-overcharge sa paniningil sa pasahe sa kanyang mga pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), kaya lang ay sumobra ang kanyang pagpapabida sa publiko nang pati ang prangkisa ng taxi ay ipatanggal niya.


Para sa kaalaman ng publiko, hindi lang iyong mapagsamantalang taxi driver na ‘yun ang namamasada sa naturang taxi dahil may mga karelyebo siya, walang kinalaman ang mga karelyebo sa kabulastugang ginawa ng taxi driver na ‘yun. Dahil sa ginawang pagpapakansela ni Sec. Dizon sa prangkisa ng taxi, damay ang ibang taxi driver, nawalan sila ng hanapbuhay kasi hindi na puwedeng ipamasada ang taxi na pinatanggalan ng DOTr chief ng prangkisa, tsk!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page