ni Pablo Hernandez @Prangkahan | December 28, 2025

SEN. CHIZ ESCUDERO KAHIT INABSUWELTO NA NG COMELEC, HINDI PA RIN SAFE SA PANANAGUTAN SA PAGLABAG SA OMNIBUS ELECTION CODE – KAHIT na inabsuwelto ng Commission on Elections (Comelec) si Senador at dating Senate President Chiz Escudero sa paglabag sa Omnibus Election Code kaugnay ng pagtanggap umano niya ng P30 milyong campaign fund mula sa kontraktor na si Lawrence Lubiano, hindi pa rin pala tapos ang usapin.
Humirit si Teacher Barry Tayam sa Korte Suprema (Supreme Court) na baligtarin ang desisyon ng Comelec na nagpapawalang-sala kay Escudero. Ayon kay Tayam, dapat managot ang senador dahil malinaw umanong nilabag nito ang batas.
Giit niya, tahasang nakasaad sa Omnibus Election Code na ipinagbabawal sa mga kandidato ang tumanggap ng campaign fund mula sa mga kontraktor. Aniya, malinaw ang probisyon ng batas—bawal, period!
XXX
KUNG MAKABANAT SI CONG. LEVISTE TALAGANG PARA SA KANYA ANG BAD INSERTIONS NG MGA CONG. PERO NANG MADAWIT MOMMY NIYANG SI SEN. LOREN, ‘DI DAW BAD INSERTIONS – Noong una, pilit na itinatanim ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste sa isipan ng publiko na masama o “bad” ang insertions sa national budget. Malinaw na layunin nitong siraan ang kanyang mga kapwa kongresista nang i-post pa niya sa kanyang social media account ang mga pangalan ng mga mambabatas na umano’y nagsingit ng pondo sa 2025 national budget para sa kani-kanilang mga proyekto sa distrito.
Ngunit ito na ang siste: nang mabunyag na ang kanyang inang si Sen. Loren Legarda ay mayroon ding insertion na nagkakahalaga ng P1 bilyon sa 2025 national budget, biglang nag-iba ang ihip ng hangin. Todo-pagtatanggol na ngayon si Cong. Leviste, iginiit na hindi naman daw dapat ituring na masama ang insertion kung ang pondong isinama ay tunay namang napunta sa mga proyekto. Boom!
XXX
MGA NAGPAPANGGAP NA 'LINGKOD-BAYAN' KASI HINDI LANG SA FLOOD CONTROL RUMAKET, KUNDI PATI SA NEP PROJECTS – Bukod sa tinaguriang “Cabral Files” na ibinahagi ni Cong. Leviste sa social media—na naglalaman umano ng mga pangalan ng mga kongresistang nag-insert ng pondo para sa iba’t ibang proyekto—may ibinulgar din ang Bilyonaryo News Channel (BNC) at Politiko.com.ph na tinawag na “DPWH leaks.”
Ayon sa mga ulat na ito, may mga mambabatas na may proyektong nagkakahalaga mula daan-daang milyong piso hanggang bilyon-bilyong piso na nakapaloob sa proposed 2025 national budget ng Pangulo (PBBM). Kabilang umano rito ang ilang senador at dating senador na inuugnay sa pag-insert ng mga proyekto sa national budget at sa pagtanggap ng kickback kaugnay ng flood control projects scam mula taong 2016 hanggang 2025.
Mantakin n’yo, ang mga senador at dating senador na ito ay nasangkot na umano sa kickback sa flood control scandal, ngunit nabunyag pa na mayroon pa rin silang mga pondong pang-proyekto sa 2025 National Expenditure Program (NEP). Ipinahihiwatig nito kung gaano kalala ang umano’y kasakiman sa pera ng bayan ng mga nagpapanggap na “lingkod-bayan.” Mga pwe!
XXX
DAHIL WALA NAMANG CORRUPT POLITICIANS NA NAG-PASKO SA KULUNGAN, PARA MAKABAWI SI PBBM, MGA KURAKOT NA PULITIKO DAPAT MAKULONG BAGO MAG-NEW YEAR – Upang makabawi si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) sa kanyang sablay na pahayag na may mga kurakot na pulitikong sangkot sa flood control scandal na umano’y magpa-Pasko sa kulungan—gayung wala namang naipakulong—nararapat na magsikap ang Marcos administration na may mapanagot at maikulong na mga tiwaling opisyal bago sumapit ang taong 2026.
Kung magagawa ng administrasyon na may mga kurakot na pulitiko na sasalubong ng Bagong Taon sa loob ng kulungan, saka lamang masasabi na nakabawi si PBBM sa kanyang napaagang anunsyo tungkol sa mga umano’y corrupt na opisyal. Period!




