top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 5, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

HUWAG NANG UMASA ANG KAMARA AT PUBLIKO NA MAI-IMPEACH SI VP SARA, TILA TOTOTOHANIN NI SP ESCUDERO ANG 'DISMISSAL WITHOUT TRIAL' SA MGA KASONG IMPEACHMENT NG BISE PRESIDENTE -- Sinabi ni Senate President Chiz Escudero noong June 9, 2025 na hindi raw siya makikinig, susunod at magpapadala sa mga nagsasabing umpisahan na ang impeachment trial kay Vice President Sara Duterte-Carpio.


Iyang statement na iyan ni Escudero ang dahilan kaya walang naganap na impeachment trial kay VP Sara sa 19th Congress, at dahil diyan ay huwag nang umasa ang Kamara at publiko na mai-impeach o mapapatalsik sa puwesto bilang bise presidente si VP Sara kasi nga tila pamumunuan niya (Escudero) ang “dismissal without trial” sa “articles of impeachment” laban sa vice president, tsk!


XXX


TOTOO NAMAN NA PALAUTANG DIN SI PBBM KAYA HINDI DAPAT NAPIKON ANG MALACAÑANG SA SINABI NI VP SARA NA UBOD NANG LAKI NG UTANG NG ‘PINAS -- Inanunsyo ng Bureau of Treasury (BOT) na pumalo na sa P16.92 trillion ang utang ng Pilipinas sa mga financial institutions sa mundo.

Ang nagsabi niyan ay BOT at hindi si VP Sara.


Kaya hindi dapat napikon ang Malacañang sa sinabi ni VP Sara noon na ubod na nang laki ang utang ng ‘Pinas, kasi sa totoo lang, tulad ng mga nagdaang presidente ay palautang din si Pres. Bongbong Marcos (PBBM), boom!


XXX


SANA ALL NG MAYOR TULAD NI NAGA CITY MAYOR LENI ROBREDO NA WALANG ‘CONFI FUND’ -- Ang unang Executive Order (EO) na nilagdaan ni former Vice President, Naga City Mayor Leni Robredo ay “zero tolerance for corruption” at para patunayan ito ay sinabi niyang hindi siya hihiling sa city council ng confidential fund para sa Office of the City Mayor. 


Wow, puwede naman palang walang confi funds ang mayor, sana all ng alkalde sa mga lungsod at munisipalidad ay tulad ni Mayora Leni na walang confidential funds, period!


XXX


“SOURCE OF CORRUPTION” NG MGA PULITIKO ANG CONFI FUNDS AT PORK BARREL FUNDS -- Sa totoo lang, ang confidential funds ng mga pulitiko ay maituturing na tulad din ng pork barrel ng mga senator and congressmen na “source of corruption.”


Ang malinaw kasingkahulugan ng confi funds ay “secret funds” o sikretong pondo na hindi nalalaman ng mamamayan kung saan ito inuubos at ginagasta, tulad din ng pork barrel projects ng mga sen. at cong. na sa kada proyektong pinagagawa, na ayon sa mga sinabi nina Sen. Ping Lacson at Baguio City Mayor Benjamin Magalong, ay may hinihinging kickback sa mga kontratista, boom!


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 4, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

MGA KASONG IMPEACHMENT NI VP SARA, TAOB SA ISYUNG ATONG ANG-GRETCHEN BARRETTO-‘MISSING SABUNGEROS’ SA SOCIAL MEDIA -- Viral ngayon sa social media ang pangalang Atong Ang at Gretchen Barretto matapos na pangalanan at isangkot sila ni Julie "Dondon" Paditongan alyas "Totoy" sa mga missing sabungero, at kaunti na lang sa mga netizens ang tumututok sa kasong impeachment ni Vice Pres. Sara Duterte-Carpio.


Ibig sabihin niyan, pinataob ng isyung Atong Ang-Gretchen Barretto-‘missing sabungeros’ ang mga kasong impeachment kay VP Sara, boom!


XXX


MATAPOS I-SANCTION NG CHINA SI FORMER SEN. TOLENTINO, DAPAT RUMESBAK SI PBBM, PALAYASIN SA ‘PINAS ANG CHINESE AMBASSADOR TO THE PHILIPPINES -- Pinatawan ng sanction ng China gov’t. si former Sen. Francis Tolentino dahil sa panukalang batas niya na "Philippine Maritime Zones Act" sa West Philippine Sea (WPS) para mabigyan ng proteksyon ang mga mangingisdang Pinoy na nangingisda sa dagat na sakop ng Pilipinas.


Ang sanction ng China ay persona-non-grata na nagbabawal kay Tolentino na magpunta sa mainland China, Hong Kong at Macau.


Dapat tugunan ng Marcos administration ang aksyon na ito ng China laban kay Tolentino, na ang dapat naman gawin ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) ay palayasin sa ‘Pinas si Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian at ideklara rin na persona-non-grata sa Pilipinas ang lahat ng mga Chinese gov’t. official, period!


XXX


HINDI PA PALA NAKAKASIGURO SI SEN. ESCUDERO SA PAGKA-SENATE PRESIDENT NG 20TH CONGRESS, TAGILID SIYA KAY SEN. TITO SOTTO -- Ayon kay former Sen. Migs Zubiri ay suportado raw ng "veterans bloc" sa Senado si Sen. Tito Sotto para maging Senate president.


Kung totoo ang sinabing iyan ni Sen. Zubiri ay hindi pa pala nakakasiguro si Sen. Chiz Escudero na siya uli ang magiging Senate president sa 20th Congress, boom!


XXX


NCRPO MAJ. GEN. ABERIN, SIMBILIS NG KIDLAT UMAKSYON LABAN SA MGA EXTORTIONIST NA MGA PARAK -- Agad ipinaaresto ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) Director, Maj. Gen. Anthony Aberin ang pitong extortionist na pulis na nang-hulidap sa isang seaman sa Maynila.


Ganyan si Gen. Aberin, simbilis ng kidlat kung umaksyon laban sa mga extortionist na parak, palakpakan naman diyan!

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 3, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

DUTERTE YOUTH PARTYLIST CHAIRMAN RONALD CARDEMA, WALANG ISANG SALITA, IBUBULGAR DAW ANG KATIWALIAN NG COMELEC AT KAMARA, LAMPAS NA JUNE 30 WALA PA RING IBINUBUNYAG -- Wala palang “palabra de honor” o isang salita si Duterte Youth Partylist Chairman Ronald Cardema.


Binalaan niya kasi noon na ibubulgar daw niya ang mga katiwalian sa Comelec at Kamara kapag itinuloy ang disqualification sa kanilang partylist at pagsapit ng June 30, 2025 ay hindi iprinoklama ng komisyon ang tatlong nagwaging nominado ng Duterte Youth Partylist.


Nasabi nating wala siyang isang salita dahil lampas na ang June 30, at July 3 na ngayon, pero "nganga" lang siya, walang ginawang pagbubulgar sa mga katiwalian daw sa Comelec at Kamara, tsk!


XXX


PUMAYAG KAYA ANG MAJORITY SENATORS NA I-OPEN NA SA PUBLIKO ANG BICAM BUDGET HEARING? -- Nais ng Kamara, sa pangunguna ni Leyte Rep. Martin Romualdez na maging transparent na at i-open sa publiko ang bicameral hearing sa national budget.


Iyan din ang gustong mangyari noon pa ni Sen. Ping Lacson kasi nga raw sa closed door lagi ang bicam hearing, at diyan daw nagsisingit ng mga pork barrel ang mga senador at kongresista.


Eh ang tanong: Pumayag naman kaya ang majority senators na i-open na sa publiko ang bicam budget hearing? Boom!


XXX


PAGKUNSINTI NG MARCOS ADMIN SA ONLINE GAMBLING TULAD NG ONLINE SABONG, ONLINE SAKLA AT ONLINE SCATTER SLOTS, KINONDENA NI CARDINAL DAVID -- Kinondena ni Caloocan Archbishop Pablo Virgilio Cardinal David ang Marcos administration dahil sa pagpapanggap na galit sa offshore gambling na POGO ng mga Chinese, pero kinukunsinte naman ang sangkatutak na online gambling tulad ng online sabong, online sakla, online scatter slots sa social media na ang binibiktima naman sa mga sugal na ito ay mga bata at matatandang Pinoy.


Ayan ha, si Cardinal David na ang pumuna sa pagkunsinte ng gobyerno sa mga online gambling, kaya tingnan natin kung may gagawing aksyon ang Marcos admin para mapa-stop na ang mga online sabong, online sakla, online scatter slots sa social media, period!


XXX


GUMAWA NA KAYA NG AKSYON SI MAYOR ALONG MALAPITAN LABAN SA STL NG MGA CHINESE SA CALOOCAN CITY? -- Sa kanyang talumpati ay sinabi ni Caloocan City Mayor Along Malapitan na patuloy daw siyang makikinig sa mga panawagan ng kanyang mga kababayan sa lungsod.


Talaga lang ha? Tingnan nga natin kung ipapa-stop na ni Mayor Malapitan ang Small-Town Lottery (STL) ng mga Chinese na pinamamahalaan naman nina "Carlo" at "Oye" sa Caloocan City, kasi ang tagal nang nanawagan ang mga taga-simbahan na ipatigil na ito (STL) dahil mga bata at matatanda rin ang nabibiktima sa ganitong raket, pero walang ginawang aksyon laban dito ang Caloocan local gov’t. unit, boom!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page