top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 11, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

IBABASURA NG SENADO ANG ‘ARTICLES OF IMPEACHMENT’ KAY VP SARA KAPAG MAYORYA NG SENADOR BUMOTO NA WALANG JURISDICTION ANG 20TH CONGRESS SA MGA KASONG IMPEACHMENT NA ISINAMPA NOONG 19TH CONGRESS -- Sinabi ni Sen. Ronald Dela Rosa na sa pag-resume ng session ng Senado sa July 28, 2025 ay kukuwestiyunin niya kung may jurisdiction ang 20th Congress na dinggin pa ang mga kasong impeachment ni Vice Pres. Sara Duterte-Carpio na isinampa sa Senate of the Philippines noong nakalipas na 19th Congress. 


Kaya kapag mayorya ng senador ang bumoto na wala nang jurisdiction ang 20th Congress sa mga impeachment complaint kay VP Sara na isinampa noong 19th Congress, asahan na ng Kamara at ng taumbayan na ibabasura na ng Senado ang mga kasong impeachment ng bise presidente, na ‘ika nga, lusot na sa kaso ang VP, boom!


XXX


MASAKIT KAY SEN. RISA KAPAG SUMAPI SINA SENS. BAM AT KIKO SA MAJORITY BLOC NI SP ESCUDERO -- Kung totoo ang kumakalat na balita sa Senado na sasapi sina Sen. Bam Aquino at Sen. Kiko Pangilinan sa majority na pinamumunuan ni Senate Pres. Chiz Escudero ay masakit iyan para kay Sen. Risa Hontiveros.


Todo-kampanya kasi noon si Sen. Risa para kina Bam at Kiko dahil kapag nanalo raw ang dalawang ito ay bubuo siya ng sarili niyang bloke na tatawaging "Independent Bloc," kaya ang problem niya ngayon, kapag tuluyang sumapi sa majority ang dalawa niyang kaalyado, mag-isa na lang siya sa binuo niyang bloc, tsk!


XXX


‘DI PA MAAALALA NG MALACAÑANG NA MAY MANONG CHAVIT NA TUMULONG KAY PBBM KUNG HINDI PA ISINAPUBLIKO NG DATING GOVERNOR NA MAY SAMA SIYA NG LOOB SA PRESIDENTE -- Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) spokesperson Claire Castro na wala raw dapat ikasama ng loob si former Ilocos Sur Gov. Chavit Singson dahil hindi naman daw nalilimutan ni Pres. Bongbong Marcos ang dating gobernador.


Kung hindi pa naglabas ng sama ng loob, hindi pa maaalala ng Malacañang na may isang Manong Chavit ang sumuporta kay PBBM noong 2022 presidential election, period!


XXX


NAGSASALIMBAYAN SA DAMI NG MGA ‘TONGPATS COLLECTOR’ SA CALABARZON -- Nagsasalimbayan ngayon sa rami ang mga “tongpats collector” na pawang miyembro ng “Protection Racket Syndicate” na nagbibigay proteksyon sa mga ilegalista sa Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon (CALABARZON).


Kung dati kasi ay anim lang ang "tongpats collector," sina alyas "Tsan Parak," "Tata Obet," "Adlawan," “Dimapeles,” "Rico," at "Jong" sa buong CALABARZON, ngayon ay umabot na sila sa 16 dahil nadagdaan ng 10 ang miyembro ng sindikatong ito na kumukuha ng payola sa mga ilegalista, na nakatoka bilang "tongpats collector" sina "Hero" at "Minong" sa Cavite; "Kevin" at "Ady" sa Laguna; "Milan" at "Sandoval" sa Batangas; "Marcial" at "Jak" sa Rizal at "Jame" at "Panganiban" sa Quezon.


May gawin kayang aksyon si newly-appointed PNP-Region 4 Director, Brig.Gen. Jack Wanky laban sa “Protection Racket Syndicate” na ito? Abangan!

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 10, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

MASAMA ANG LOOB NI MANONG CHAVIT KAY PBBM DAHIL PARANG MAY SAKIT ITONG KALIMOT, TINULUNGAN NIYANG MAGING PRESIDENTE PERO NANG MANALO ‘DI NA RAW SIYA KILALA -- Masama pala ang loob ni former Ilocos Sur Gov. Chavit Singson kay Pres. Bongbong Marcos (PBBM) kasi nga raw noong 2022 election ay todo-suporta siya sa presidential candidate na si Bongbong Marcos, pero nang maging President Bongbong Marcos na ay parang nagka-Alzheimer’s o nagkaroon na raw ng sakit sa kalimot ang pangulo, hindi na raw siya (Chavit) kilala.


Sa sama ng loob ay nasabi ni Manong Chavit na wala na raw siyang Marcos na susuportahan sa mga darating na halalan sa ‘Pinas, at dahil sa statement na iyan ng former governor, asahan na ni PBBM na kapag kumandidato siyang VP o senador sa 2028 election, talo aabutin niya sa Ilocos Sur, period!


XXX


ROWENA GUANZON, TABLADO KAY VP SARA DAHIL SI RUTH CASTELO ANG GINAWANG OVP SPOKESPERSON -- Itinalaga ni Vice Pres. Sara Duterte-Carpio si former Dept. of Trade Industry (DTI) Asec. Ruth Castelo bilang spokesperson ng Office of the Vice President (OVP).


Kaya’t ang tanong: Sumama kaya ang loob ni former Comelec Comm. Rowena Guanzon? Panay kasi ang tila pagpapapansin niya kay VP Sara sa kababatikos kay PBBM at sa Kamara sa pag-aakalang siya ang kukuning spokesperson ng OVP, tapos tablado siya dahil ang napili ng bise presidente na maging tagapagsalita niya ay si Castelo, boom!


XXX


SUWELDO SA LGU NINA ALICE GUO AT JOEY UY, DAPAT BAWIIN NG GOBYERNO DAHIL HINDI PALA SILA MGA NATURAL BORN FILIPINO CITIZEN -- Dapat bawiin ng Philippine gov’t. ang mga sinuweldo nina former Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at former Manila Councilor Luis "Joey" Chua Uy.


Napatunayan kasi ng korte na si Guo ay hindi natural born Filipino citizen, gayundin si Uy na ayon sa Comelec ay hindi rin natural born Filipino citizen.


Malinaw sa nakasaad sa Konstitusyon na tanging mga natural born Filipino citizen lang ang pinapayagang kumandidato sa anumang posisyon sa Pilipinas, at walang “K” kumandidato ang tulad ni Guo na may pekeng birth certificate na sinasabing Pinay siya, at tulad ni Uy na naturalized Filipino citizen lang.


Pera ng sambayanang Pinoy ang tinanggap na suweldo ni Guo bilang alkalde ng Bamban, Tarlac, gayundin ang sahod ni Uy bilang city councilor ng Manila, kaya dapat talagang bawiin ng gobyerno ang mga sinuweldo nila sa panahon ng kanilang panunungkulan sa local gov’t. unit, period!


XXX


HIGIT ISANG LINGGO NA SA PUWESTO SI CUSTOMS COMM. NEPOMUCENO PERO WALA PA SIYANG NAPAPAHULING MGA SMUGGLER -- Mahigit isang linggo na sa puwesto si newly appointed Customs Comm. Ariel Nepomuceno, pero kahit isang smuggler ay wala pa siyang ibinibidang nahuli nila sa Adwana.


Dapat magpakitang-gilas na si Nepomuceno sa panghuhuli ng mga smuggler para mapatunayan niya sa publiko na karapat-dapat siya sa posisyon bilang Customs head, period!


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 9, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

PANUKALA NI SP ESCUDERO NA SUPORTADO NI PBBM TUNGKOL SA ‘WAIVE RIGHTS TO BANK SECRECY LAW’ PANG-UUNGGOY LANG SA PUBLIKO -- Suportado raw ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) ang panukala ni Senate Pres. Chiz Escudero na “waive rights to bank secrecy law” para sa lahat ng opisyal ng pamahalaan.


Parang pang-uunggoy lang sa publiko ang panukalang ito ni Escudero na suportado ni PBBM dahil alam naman nila na hindi ito papasa sa Senado at Kamara dahil majority ng mga senador at kongresista ay tiyak na hindi papayag na malaman ng publiko ang laman ng kanilang mga bank accounts, period!


XXX


GAMBLING CAPITAL SA ASYA ANG ‘PINAS DAHIL SANGKATUTAK ANG SUGALAN, MAY SUGALANG PANG-RICH, PANG-POOR AT PANG-NETIZENS -- Nagsulong si Sen. Migz Zubiri na ipagbawal na ang lahat ng uri ng online gambling dahil sa buong mundo raw ay itinuturing ang Pilipinas na gambling capital ng Asya.


Totoo ang sinabing iyan ni Zubiri kasi sangkatutak na talaga ang mga pasugalan sa ‘Pinas, sangkaterba ang pinagsusugalang mga casino ng mga rich, mga sugalang pang-poor na STL, lotteng, sakla, bookies, color games, drop balls at online gambling ng mga netizens, boom!


XXX


ONLINE GAMBLING, AYAW IPATIGIL NI PBBM DAHIL SA HALIP IPA-STOP PAPATAWAN NG BUWIS -- Inaprub ni PBBM ang mungkahi ni Sec. Ralph Recto ng Dept. of Finance (DOF) na buwisan ang mga online gambling sa social media.


Hay naku, imbes suportahan ang panukala ni Sen. Zubiri na ipagbawal na ang lahat ng online gambling, eh ang ginawa ni PBBM binasbasan pa si Sec. Recto na patawan na ng buwis ang mga nagpapasugal sa social media.


Patunay iyan na ayaw ni PBBM na maipagbawal ang online gambling sa social media, buset!


XXX


KUNG SINUWERTE ANG ONLINE SABONG NINA ATONG ANG AT GRETCHEN BARRETTO SA PANAHON NG DUTERTE ADMIN, TILA MAMALASIN NAMAN SILA SA MARCOS ADMIN -- Magkasunod na sinabi nina Justice Sec. Boying Remulla at PNP Chief Gen. Nicolas Torre na wala raw silang sasantuhin sa kasong pagpatay sa mga missing sabungero.


Mabigat ang binitiwang salita na ito sa publiko nina Sec. Remulla at Gen. Torre, na ‘ika nga, kung sinuwerte ang online sabong nina Atong Ang at Gretchen Barretto sa Duterte administration, tila sa panahon ng Marcos administration ay mamalasin naman sila, period!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page