- BULGAR
- Aug 15, 2025
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 15, 2025

TAPANG AT MALASAKIT SLOGAN NI FPRRD ANG MAMAMAYANI SA 2028 ELECTION, TAPANG NA IPINAKIKITA NI VP SARA LABAN SA MARCOS ADMIN AT MALASAKIT SA MAMAMAYAN NI SEN. BONG GO -- Sa latest survey ng WR Numero Research Firm ay si Vice Pres. Sara Duterte-Carpio ang nag-top sa 2028 election for president at si Sen. Bong Go ang nag-top sa vice presidential candidate.
Ibig sabihin n’yan, ang slogan ni former Pres. Rodrigo Roa Duterte (FPRRD) na “Tapang at Malasakit” noong 2016 election ang mamamayani pa rin hanggang sa 2028 election, ang tapang na ipinakikita ni VP Sara laban sa Marcos administration at ang serbisyong malasakit sa mamamayan na ginagawa ni Sen. Bong Go, period!
XXX
SENATE PRESIDENT ESCUDERO, NAGMISTULANG SPOKESMAN NG FRIEND NIYANG KONTRAKTOR -- Matapos madawit ang pangalan ni Senate Pres. Chiz Escudero sa sangkatutak na flood control projects na nakopo sa Dept. of Public Works and Highways (DWPH) ng kaibigan niyang si Lawrence R. Lubiano, may-ari ng Centerways Construction and Development Inc. ay nagpatawag siya ng press conference, at ang buong akala ng mga mamamahayag na ang sasabihin ng Senate president ay paiimbestigahan niya kung may naganap na anomalya sa mga proyekto ng construction firm na ito, ‘yun pala ay ipagtatanggol pa ang kontraktor na ito na kesyo sa kabuuan daw ng P545 billion budget para sa proyektong pangontra sa baha, ay 1% lang daw ang napunta sa friend niyang kontratista.
Ang 1% na sinasabi ni Escudero na nakopong proyekto sa DPWH ng kaibigan niyang kontraktor ay P5.15B, at tila gusto niyang palabasin maliit lang ang halagang niyan.
Onli in da ‘Pinas lang ‘yan na ang Senate president ay umaaktong spokesman ng kontraktor, pwe!
XXX
DAPAT BAWASAN NI SEN. VILLANUEVA ANG PAGIGING MADALDAL PARA HINDI LAGING NABA-BASH SA SOCIAL MEDIA -- Dapat bawas-bawasan ni Senate Majority Floor Leader, Sen. Joel Villanueva ang pagiging madaldal, dahil lagi siyang napapahamak sa kanyang kadaldalan kaya madalas din siyang ma-bash sa social media.
Noong 19th Congress ay nagdadaldal si Sen. Villanueva na dapat daw matuloy ang impeachment trial kay Vice Pres. Sara Duterte-Carpio, pero nang magbotohan para i-remand sa Kamara ang articles of impeachment ay isa siya sa bumotong ibalik ito sa House of Representatives (HoR) kaya na-stop ang impeachment proceedings sa vice president, at nang ibulgar ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) ang top 15 construction firm na nakakopo ng maraming flood control projects sa DPWH, dumaldal na naman siya na kesyo wala raw kahit isang senador ang may koneksyon sa mga kontratistang ito, eh ‘yun pala meron, mismong Senate president nila na may konek sa kontraktor na si Lubiano.
Kaya sa dalawang sablay na kadaldalan na ‘yan ni Villanueva, pinutakti siya ng pamba-bash sa social media, boom!
XXX
NANLUMO ANG MGA MARALITANG MANGGAGAWA, ZERO BUDGET NA ANG AKAP AT HAPPY NAMAN ANG MGA PORK BARREL SEN. AT CONG. DAHIL TUMATAGINTING NA P274.9B BUDGET SA FLOOD CONTROL PROJECT -- Sa 2026 national budget na isusumite ng Malacañang sa Senado at Kamara, zero budget ang AKAP (Ayuda sa mga Kapos ang Kita Program) at tumataginting na P274.9 billion naman ang inilaan sa flood control projects.
Sa isyung ‘yan ay siguradong nanlumo ang mga maralitang manggagawa dahil wala na silang matatanggap na ayuda sa DSWD, at sa kabilang banda naman, tiyak naglulundag sa tuwa ang mga pork barrel senator and congressmen kasi tiba-tiba na naman sila sa kickback sa mga flood control projects, tsk!




