top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | January 6, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


BASH INABOT NG AKBAYAN AT MAKABAYAN BLOC KASI NAKIEPAL PA SILA SA PAMBABATIKOS KAY TRUMP GAYUNG ALAM NILANG ‘DI SILA PAPANSININ KASI DI NA NAMAN SILA KILALA – Binash ng netizens sa social media ang pag-epal ng mga Akbayan partylist at Makabayan bloc partylist representatives sa pambabatikos nila kay US President Donald Trump kaugnay sa pagsalakay ng US Special Forces sa Venezuela at sa pag-aresto at pagkulong sa US jail sa mag-asawang Venezuelan President Nicolás Maduro at First Lady Cilia Flores-Maduro.


Maraming netizens ang nag-bash at nagtawanan sa kanilang pag-epal dahil kahit anong batikos ang gawin ng Akbayan at Makabayan bloc kay Trump, hindi naman sila papansinin—dahil hindi naman sila kilala ng US President. Boom!


XXX 


'CABRAL FILES' NI CONG. LEVISTE, KULANG ANG MGA PANGALAN AT KUMPLETO NAMAN ANG NASA 'DPWH LEAKS' – Kung pakasusuriin ang ibinida ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste na "Cabral Files" tungkol sa mga pulitiko na nagpasok ng budget sa DPWH, mapapansin na ang mga pangalang nakalista rito ay kapareho ng mga pangalan na nasa "DPWH leaks" na hawak ng Bilyonaryo News Channel (BNC), nina broadcast journalist-vlogger Anthony "Ka Tunying" Taberna, Baguio City Mayor at dating Independent Commission for Infrastructure (ICI) Adviser Benjamin Magalong.

Ang pagkakaiba lamang, sa "Cabral Files" ni Cong. Leviste ay hindi kumpleto ang mga pangalan, samantalang sa "DPWH leaks" ay kumpleto ito.


Kaya korek ang pahayag ng Office of the Ombudsman spokesman, Asst. Ombudsman Mico Clavano, na hindi raw kumpleto ang isinapubliko ni Leviste na "Cabral Files." Kung bakit kulang-kulang ang mga pangalan na pinost ng kongresista sa kanyang social media accounts, iisa lamang ang nakakaalam: si Cong. Leviste mismo. Period!


XXX


TIG-P2M NA BIGAY NG LIDERATO NG KAMARA SA MGA CONG., HINDI PALA PANG-MOOE, KUNDI PANG-X-MAS PARTY PALA NG MGA KAPITAN NG BARANGAY – Matapos ibulgar ni Cong. Leviste na may ipinagkaloob daw na tig-P2 milyon na "Pamasko" ang liderato ng Kamara sa mga kongresistang nag-aprub sa 2026 national budget, ang naging palusot ng ilang kongresista ay hindi raw “Pamasko” iyon, kundi para raw sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ng kanilang mga district office.


Lusot na sana ang idinahilan nilang pang-MOOE na tig-P2 milyon, kaya lang nabuko ang kanilang sinungalingan. Hindi nila “natimbrehan” si Antipolo City 1st Dist. Rep. Ronnie Puno, na ganun ding palusot ang kanilang MOOE. Nang interbyuhin siya ng media, sinabi niya na ang P2 milyon daw ay para sa Christmas party ng mga kapitan ng barangay. Resulta, na-bash muli ang Kamara sa social media. Boom!


XXX


NATAPOS ANG YEAR 2025 NANG WALANG AKSYON SINA MAYOR BIAZON AT COL. DOMINGO SA MGA NANGRARAKET SA MUNTINLUPA CITY –Natapos ang 2025 nang walang ginawang aksyon sina Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon at Muntinlupa City Chief of Police Col. Robert Domingo sa raket na Small Town Lottery (STL) — con jueteng at lotteng nina "Touche" at "Jojo," pati na rin sa mga saklaan ni "Walter" sa lungsod.

At ang matindi, ngayong pagpasok ng 2026, mas lalong naging talamak ang mga ganitong raket, dahil halos sa lahat daw ng barangay sa Muntinlupa City ay lantaran na ang operasyon ng STL, con jueteng, lotteng, at sakla.


Dahil walang aksyon sina Mayor Biazon at Col. Domingo, marahil ay si Southern Police District (SPD) B/Gen. Randy Arceo na ang dapat umaksyon para masakote ang mga mangraraket na ito sa Muntinlupa City. Period!


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | January 5, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


TAKTIKA NI PNP CHIEF GEN. NARTATEZ VS. KRIMINALIDAD, TAGUMPAY, 12.40% IBINABA NG CRIME RATE SA ‘PINAS LAST YEAR – Ang taktika ni Philippine National Police (PNP) Chief, Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr., na nakatuon sa police visibility at direktang pakikipag-ugnayan ng kapulisan sa mga komunidad upang magkaisa sa paglaban sa kriminalidad, ay naging matagumpay. Batay sa ulat, bumaba ng 12.40% ang crime rate sa bansa nitong nakalipas na taong 2025.


Sa bahagi ng kanyang New Year message, tiniyak ni Gen. Nartatez na sa ilalim ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman”, lalo pang paiigtingin ng kapulisan ang police visibility at pakikipag-ugnayan sa mga komunidad upang labanan ang kriminalidad ngayong taong 2026.

Tunay ngang sa pamumuno ni Gen. Nartatez, ramdam na ng mamamayan ang serbisyong pulis. Patunay nito ang dami ng kapulisan na aktibong nagpapatrulya sa mga barangay, lungsod, at munisipalidad sa buong bansa.


XXX


MAGKAPATID NA KONGRESISTANG SANGKOT SA FLOOD CONTROL SCANDAL, SILA RIN KAYA ANG 'ERIC YAP' AT 'EDVIC YAP' NA SANGKOT SA TARA SYSTEM NOON SA CUSTOMS? – Noong panahon ng Duterte administration, nagsagawa ng privilege speech si Senador Ping Lacson noong Agosto 23, 2017, kung saan tinalakay niya ang talamak na katiwalian sa Bureau of Customs (BOC). Binanggit niya noon ang mga pangalang Eric Yap at Edvic Yap bilang mga “player” o broker na umano’y nagbibigay ng payola o “tara” sa ilang tiwaling opisyal ng Customs.


Sa kasalukuyang panahon ng Marcos administration, sa isinagawang imbestigasyon ng Ombudsman at Independent Commission for Infrastructure (ICI), lumabas na kabilang ang magkapatid na Benguet Rep. Eric Yap at ACT-CIS partylist Rep. Edvic Yap sa mga mga kongresistang nasasangkot sa umano’y scam sa flood control projects.

Dahil dito, nagbabalik-tanong ang marami: Ang “Eric Yap” at “Edvic Yap” na binanggit ni Sen. Lacson noon ba ang parehong magkapatid na kongresista na ngayon ay nasasangkot sa DPWH flood control scandal? Boom!


XXX


NGAYONG YEAR 2026, DAPAT I-LIFESTYLE CHECK LAHAT NG MGA OPISYAL NG DPWH AT CUSTOMS – Ngayong 2026, nararapat magsagawa ng lifestyle check ang Ombudsman sa lahat ng opisyal ng DPWH at Customs.


At ang sinumang matuklasang namumuhay nang marangya at may bahid ng katiwalian sa kanilang posisyon ay dapat sibakin, kasuhan, at ikulong. Kasama rito, ang lahat ng kanilang nakaw na yaman ay dapat kumpiskahin ng pamahalaan. Period!


XXX


IISA ANG NAGING KAPALARAN NINA FPRRD AT VENEZUELAN PRES. MADURO, NAGHAMON NA DAKPIN SILA KAYA PAREHO SILANG KULONG – Halos magkapareho ang naging kapalaran nina former President Rodrigo Roa Duterte (FPRRD) at Venezuelan President Nicolás Maduro.


Nang makasuhan si FPRRD ng crimes against humanity, hinamon niya ang International Criminal Court (ICC) na dakpin siya. Bilang resulta, inaresto siya at ngayon ay nakakulong sa ICC jail.


Ganun din ang nangyari kay Pres. Maduro. Nang akusahan siya ng United States (US) ng drug trafficking sa Tate, hinamon niya ang Amerika na dakpin siya. Pinagbigyan ng US forces ang kanyang hamon, sinalakay ang kanyang bansa, inaresto siya, at ngayon ay nakakulong sa US jail.


Maging leksyon ito sa mga presidente at dating presidente ng mga maliliit na bansa: huwag basta-basta humamon sa ICC o sa isang superpower, dahil maaari itong magresulta sa pagkakakulong sa ibang bansa. Boom!

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | January 4, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


SEN. ESCUDERO, TILA MAMALASIN NGAYONG YEAR 2026 KASI BUKOD SA HINDI PA PALA SIYA LUSOT SA PAGLABAG SA OMNIBUS ELECTION CODE, POSIBLE PA SIYANG MAKASUHAN SA PAGKAKASANGKOT SA FLOOD CONTROL SCANDAL – Pinag-usapan ng Supreme Court (SC) ang Comelec kaugnay ng hirit ni high school teacher Barry Tayam na baligtarin ang desisyon ng komisyon na nag-absuwelto kay Senador at dating Senate President Chiz Escudero sa kasong paglabag sa Omnibus Election Code. Ito ay may kinalaman sa pagtanggap ng senador ng campaign funds mula sa kontraktor na si Lawrence Lubiano.


Tila mamalasin si Senador Escudero ngayong 2026. Kung hindi magustuhan ng Korte Suprema ang paliwanag o rason ng Comelec at binaligtad nito ang desisyon ng komisyon, awtomatikong matatanggal siya sa pagiging senador at maaari ring makulong ng hanggang anim na taon dahil sa paglabag sa Omnibus Election Code. Bukod dito, posibleng isampa ng Ombudsman ang mga kasong malversation of public funds, bribery, at graft na may kinalaman sa umano’y scam sa flood control projects na kinasangkutan niya. Boom!


XXX


GABRIELA PARTYLIST GUMAGAWA NG AKSYON PARA MAKATULONG SA KABABAIHAN, PERO IBANG PARTYLIST BUSY DAW MANG-SCAM SA KABAN NG BAYAN – Ang kumakatawan sa sektor ng mga kababaihan sa Kamara ay si Gabriela Partylist Rep. Sarah Elago. Dahil maraming nanay ang nahihirapang pagkasyahin ang budget sa mga gastusin sa bahay, nagpasya si Cong. Elago na magsulong ng resolusyon na tanggalin ang 12% VAT sa presyo ng mga bilihin at bayarin.


Iyan ang tunay na marginalized sector na partylist—gumagawa ng aksyon para makatulong sa kinakatawan nilang sektor ng lipunan. Hindi tulad ng ilang representante ng mga partylist tulad ng Ako Bicol, ACT-CIS, CWS, at Uswag Ilonggo na ang ginagawa ay mang-scam sa kaban ng bayan. Period!


XXX


PATI PROMINENTENG NEGOSYANTE NA SI PHILIP LAUDE NA WALANG KINALAMAN SA FLOOD CONTROL, DAMAY KASI NADIKIT SIYA KAY ACT-CIS PARTYLIST REP. EDVIC YAP NA INIIMBESTIGAHAN SA FLOOD CONTROL SCAM – Hindi lang mga pulitiko, Department of Public Works and Highways (DPWH), at mga government contractors ang nasasabit ngayon sa flood control scandal, kundi pati ang prominenteng negosyante na si candy tycoon Philip Laude.


Hindi naman sangkot si Laude sa flood control projects at wala talaga siyang kinalaman dito—matinong negosyante siya at kanyang pamilya. Nasabit lamang siya nang matuklasan ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na ka-joint account niya sa bangko si ACT-CIS Partylist Rep. Edvic Yap, na nasasangkot sa flood control scam sa bansa.


Bagamat naipaliwanag na ng kampo ni Laude na matagal nang sarado ang joint account nila ni Cong. Edvic Yap dahil hindi natuloy ang planong pagsosyohang negosyo, nabahiran na rin ang kanyang pangalan dahil sa pagkakadikit niya sa partylist congressman na iniimbestigahan ng pamahalaan sa isyung flood control scam. Tsk!


XXX


MAY PAGKA-HUNYANGONG-ASAL NI GADON KASI NOON, PANAY PURI NIYA KAY FPRRD PERO NGAYONG MAY PUWESTO SIYA SA MARCOS ADMIN, PANAY NA ATAKE NIYA SA EX-PRESIDENT – Tinirya ni Presidential Adviser for Poverty Alleviation Sec. Larry Gadon si former Pres. Rodrigo Roa Duterte (FPRRD) sa isyu ng pagkabaon ng ‘Pinas sa utang. Ayon kay Gadon, sa nakalipas na 15 taon, kapag pinagsama-sama ang mga naging presidente, nasa P7 trillion ang kabuuang utang ng bansa. Ngunit sa anim na taong panunungkulan ni FPRRD, aniya, P7 trillion na lamang ang utang ng bansa sa mga financial institution sa buong mundo.


May pagka-hunyango rin pala si Gadon: noong panahon ng Duterte administration, panay papuri niya kay Pres. Duterte. Ngunit nang wala na ito sa poder at nabigyan siya ng puwesto ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. (PBBM), at dahil nagkaroon ng banggaan ang Duterte at Marcos, bigla siyang naging kritiko ng dating presidente. Boom!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page