top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | January 9, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


MANONG CHAVIT, PEKENG ANTI-CORRUPT DAW KASI GUSTO NIYANG MAGING STATE WITNESS ANG MGA KURAKOT NA SINA ZALDY CO AT SARAH DISCAYA – Panay ang atake ni dating Gobernador ng Ilocos Sur na si Chavit Singson sa talamak daw na korupsiyon sa administrasyon ng Marcos. Sa kanyang press conference noong Enero 5, 2026, sinabi niya na dapat gawing state witness ng Department of Justice (DOJ) laban sa mga sangkot sa flood control scandal sina dating Ako Bicol partylist Rep. Zaldy Co at kontraktor na si Sarah Discaya.


Dahil sa kanyang pahayag, na-bash si Manong Chavit sa social media. Marami ang nagsabing pekeng anti-corrupt siya dahil ang gusto niyang maging state witness ay sina Zaldy Co at Sarah Discaya, na parehong nasangkot sa kurapsiyon at nag-scam ng bilyon-bilyong piso mula sa kaban ng bayan. Period!


XXX


PORK BARREL ANG P151B UNPROGRAMMED FUNDS, KASI PANG-UUNGGOY LANG SA PUBLIKO ANG SINABI NG MALACAÑANG, SENADO AT KAMARA NA 'PORK FREE' ANG 2026 NATIONAL BUDGET – Maituturing na pang-uunggoy sa publiko ang ipinapakita ng Malacañang, Senado, at Kamara na "pork barrel free" raw ang 2026 national budget.


Kung vineto ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) ang P243 billion na unprogrammed funds, saka puwede ngang sabihing "pork barrel free" ang badyet ngayong taon. Ngunit dahil P92.5B lang ang vineto ng presidente at itinira ang higit P151B, kalokohan ang sinasabi nilang walang "pork" ang pambansang badyet ngayong 2026.


Sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon at House Infra Committee noong 2025, lumitaw na may bahagi ng pera ng bayan na nakapaloob sa unprogrammed funds ang napunta sa mga ghost, substandard, at unfinished flood control projects. Ibig sabihin, ang kaban ng bayan sa unprogrammed funds ay ginagawang pork barrel projects ng mga buwayang pulitiko at government officials. Boom!


XXX


SANA IDEKLARA NG SC NA UNCONSTITUTIONAL ANG P151B UNPROGRAMMED FUNDS, PARA HINDI ITO PAGPIYESTAHANG KURAKUTIN NG MGA BUWAYA SA PAMAHALAAN – Hinirit nina Caloocan City 2nd District Rep. Edgar Erice at ML Partylist Rep. Leila de Lima sa Supreme Court (SC) na ideklarang unconstitutional ang nalalabing higit P151 billion na unprogrammed funds sa 2026 national budget.


Tigas ng ulo ni PBBM dahil maraming sektor ang nananawagan sa kanya na i-veto ang P243B unprogrammed funds, ngunit P92.5B lamang ang vineto niya. Kaya’t ang nalalabing P151B ay napunta pa sa Supreme Court.


Sana katigan ng SC ang petisyon nina Cong. Erice at Cong. De Lima upang hindi na pagpiyestahang kurakutin ng mga “buwaya” sa pamahalaan ang P151B unprogrammed funds. Period!


XXX


UTANG NG ‘PINAS HINDI NABABAWASAN, SA HALIP, PATULOY NA TUMATAAS – Mula sa naitalang utang na P17.56 trillion ng Pilipinas noong October 2025, pumalo na ngayon sa P17.65 trillion ang utang ng bansa sa mga financial institutions sa buong mundo.


Palubog nang palubog sa utang ang ‘Pinas sa ilalim ng Marcos administration dahil hindi nababawasan ang utang, at sa halip, patuloy pang tumataas. Tsk!

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | January 8, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


GAWAD PILIPINO, BINALEWALA ANG PANINIRA KAY SEN. BONG GO; PINARANGALAN BILANG ‘NATATANGING SENADOR NA NAGLILINGKOD SA TAO AT BAYAN’ – Walang patol sa award-giving body na Gawad Pilipino ang mga atake at paninira kay Sen. Bong Go. noong Disyembre 27, 2025, sa loob ng Camp Aguinaldo, siya lamang sa mga senador ang pinarangalan at pinagkalooban ng titulong "Natatanging Senador na Naglilingkod sa Tao at Bayan."


Ayon sa mga bumuo ng award-giving body, bukod sa kanyang mandato sa Senado sa paggawa ng mga panukalang batas para sa kapakanan ng bayan at mamamayan, si Sen. Bong Go ang natatanging senador na agad nagtungo sa mga kababayang nasunugan at mga biktima ng kalamidad upang magbigay ng tulong.


Ipinapakita nito na hindi pinapansin ng prestihiyosong Gawad Pilipino ang mga paninira ni dating Sen. Antonio Trillanes at ng mga vloggers na naglalabas ng pekeng balita laban kay Sen. Bong Go, kaya’t karapat-dapat lamang na mabigyan siya ng ganitong uri ng parangal. Period!


XXX


DAHIL WALANG KASO SA MGA PULITIKONG EPAL SA BIGAYAN NG AYUDA, ASAHAN NANG TULOY PA RIN MGA POLITICIANS SA PAG-EPAL SA AYUDA DISTRIBUTIONS – Tila pabida lamang si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) sa direktiba niyang bawal sa mga pulitiko ang umepal sa pagbibigay ng ayuda sa mga mahihirap na kababayan.


Wala kasi siyang ipinalabas na babala na kakasuhan ang sinumang pulitikong e-epal sa pamamahagi ng ayuda.


Dahil wala ngang malinaw na babala, asahan nang magpapatuloy ang epalism sa pamimigay ng ayuda ng ilang pulitiko. Boom!


XXX


ANG KUMPLETONG 'DPWH LEAKS' ANG DAPAT IMBESTIGAHAN AT HINDI ANG KULANG-KULANG NA 'CABRAL FILES' – Kung magsasagawa ng imbestigasyon ang Ombudsman sa mga pulitiko at mga opisyal ng gobyerno na nagdi-diskarte ng project insertions sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na nakapaloob sa national budget, ang dapat unahin at imbestigahan ay ang “DPWH Leaks” na hawak ng Bilyonaryo News Channel (BNC), at hindi ang “Cabral Files” na hawak ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste.


Sa “DPWH Leaks”, kumpleto ang listahan ng mga pangalan ng mga nag-insert ng proyekto sa DPWH mula taong 2016 hanggang 2025. Samantalang sa “Cabral Files” ni Cong. Leviste, kulang ang mga pangalan. Period!


XXX


CONG. GARDIOLA WA’ PAKI SA MGA CONSTRUCTION WORKERS, MANG-SCAM DAW ANG INAATUPAG SA KABAN NG BAYAN – Ang sektor ng mga construction workers ang nire-representa ni Construction Workers Solidarity (CWS) Partylist Rep. Edwin Gardiola sa Kamara, ngunit sa dalawang termino niya bilang kongresista mula 2022 hanggang sa kasalukuyan, wala pang nabalitang panukalang batas na ginawa niya para sa kapakanan ng mga manggagawa sa konstruksyon.


Sa halip, ang nabalita ay ang pagkakasangkot niya sa flood control scandal, kung saan ayon sa Anti-Money Laundering Council (AMLC), mayroong 1,193 bank accounts si Cong. Gardiola na may transaksyon na umabot sa higit P479.5 billion.


Ibig sabihin nito, nang iluklok ng mga construction workers si Gardiola bilang kongresista, wala na siyang paki sa kapakanan ng mga manggagawa sa konstruksyon at ang kanyang inatupag ay mang-scam sa kaban ng bayan. Buset!


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | January 7, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


MAS TITINDI ANG BANGAYANG PULITIKA NGAYONG 2026, MAY MAGLULUNSAD NG PEOPLE POWER VS. PBBM AT MAY MAGPAPA-IMPEACH KAY VP SARA – Muling nanawagan si dating Gobernador ng Ilocos Sur na si Chavit Singson sa mga mamamayan na isagawa ang People’s Power sa Pebrero 2028 upang patalsikin si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) sa poder. Kasabay nito, plano rin sa Pebrero 2028 ang pagsampa ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte-Carpio upang mapatalsik siya sa kanyang puwesto.


Dahil dito, asahan ngayong 2026 na mas lalong titindi ang bangayang pulitika sa pagitan ng kampo nina PBBM at VP Sara. Abangan!


XXX


IMBES I-VETO ANG LAHAT NG NASA UNPROGRAMMED FUND, NAGTIRA PA SI PBBM NG MANANAKAW O ABUSADONG MGA 'BUWAYA' – Kung inaakala ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) na magiging bida siya sa publiko sa kanyang pag-veto sa P92.5 bilyon na bahagi ng P243 bilyong unprogrammed funds, nagkakamali siya.


Imbes na papurihan, binash pa siya ng netizens dahil P92.5B lamang ang vineto, at hindi ang buong P243B—bagamat alam naman ni PBBM na malaking bahagi nito noong 2025 national budget ay ninakaw sa pamamagitan ng mga raket sa flood control projects ng ilang kurakot na politiko, DPWH officials, at kontraktor.


Banat tuloy ng publiko: Nagtira pa ng pondong nanakaw o ginagamit lang ng mga buwaya. Period!


XXX


KUNG MAY DPWH PROJECTS “INSERTION” ANG MAG-INANG FL LIZA AT CONG. SANDRO, MERON DIN DAW ANG MAGKAPATID NA VP SARA AT CONG. PULONG – Ayon sa inilabas ng Bilyonaryo News Channel (BNC) sa kanilang DPWH Leaks, may mga project insertions sa 2025 national budget na nakapangalan sa mag-inang First Lady Liza Araneta-Marcos at Ilocos Norte 1st District Rep. Sandro Marcos.


Samantala, noong panahon ng Duterte administration, may mga project insertions rin sa 2020 national budget na nakapangalan umano sa magkapatid na Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio at 1st District Rep. Paolo Duterte.


Kung totoo ang mga ulat na ito, mali ang ginawa nila, dahil malinaw na ginagamit ang kanilang kapangyarihan bilang pamilya ng presidente para makialam at magsingit ng sariling pondo sa DPWH. Boom!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page