top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | September 28, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


DAHIL SA TESTIGO NI SEN. MARCOLETA NAGMISTULANG ‘COMEDY BAR’ ANG IMBESTIGASYON NG SENADO SA FLOOD CONTROL PROJECTS  SCAM -- Tumahimik ang lahat nang sabihin ni Sen. Rodante Marcoleta sa pagdinig sa Senate Blue Ribbon Committee na may “surprise witness” daw siya na retiradong Marine soldier na dating security consultant ni Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co, former chairman ng House Committee on Appropriations, na magdidiin kay Leyte Rep. Martin Romualdez sa pagtanggap umano nito ng kickback sa flood control projects scam.


Ito na ang siste, nang ipatawag na si ret. Marine Sgt. Orly Guteza at umpisahang basahin ang kanyang affidavit ay kapuna-puna na nauutal ito, at nang dalawang beses siyang pagalitan ni Sen. Marcoleta dahil nalimutan ang ibang nilalaman ng kanyang sworn statement ay dito nagtawanan ang ibang senador, mga resource person at audience.


Sa mga nakaraang hearing ng Senate Blue Ribbon Committee ay talagang makikitang seryoso ang lahat ng mga dumalo sa imbestigasyon, nitong nakalipas lang na Huwebes (Sept. 25) ay hindi napigilan ng mga nasa loob ng Senado ang magtawanan na ‘ika nga, nagmistulang “comedy bar” ang Senate probe sa flood control projects scam at kickback dahil parang komedyante ang surprise witness ni Sen. Marcoleta, boom!


XXX


DAPAT TANGGAPIN NINA ROMUALDEZ AT ZALDY CO ANG HAMON NI CHEL DIOKNO NA ILANTAD ANG KANILANG SALN AT LUMAGDA NG BANKS WAIVER, KUNG TATANGGI, IISIPIN NG PUBLIKO NA NAGKAMAL NGA SILA SA KICKBACK – Bagama’t nabawasan ang kredibilidad ni ret. Marine Sgt. Guteza dahil naging katatawanan siya sa loob ng Senado, bukod pa sa itinanggi ng isang abogado na siya ang nag-notaryo sa affidavit nito at sa pang-iisnab niya sa imbestigasyon ng Dept. of Justice (DOJ), ay sinabi ni Akbayan Rep. Chel Diokno na maituturing na mabigat ang mga alegayon ng retiradong sundalo sa Leyte Rep. Martin Romualdez at kay Cong. Zaldy Co.


Dahil diyan ay hinamon ni Cong. Diokno sina Romualdez at Zaldy Co na isapubliko ang kanilang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) at lumagda ng waiver sa kanilang mga bank accounts.


Kapag tumanggi sila sa hamon ni Cong. Diokno ay isa lang ang iisipin ng publiko, na parehong nagkamal ng kickback sina Romualdez at Zaldy Co sa flood control projects, period!


XXX


IISIPIN NG PUBLIKO NA MAY ‘HOKUS POKUS’ NA MANGYAYARI KAPAG TINOTOO NG ICI NA GAWING ‘SECRET’ ANG HEARING NILA SA FLOOD CONTROL PROJECTS SCAM -- Sinabi ni newly appointed Independent Commission for Infrastructure (ICI) Executive Director Brian Hosaka na hindi raw isasapubliko o hindi raw ila-live telecast ng ICI ang imbestigasyon nila sa mga sangkot sa flood control projects scam.


Kapag tinotoo nila ‘yang “secret flood control project” hearings ay hindi maiaalis sa isipan ng mamamayan na magsasagawa ng “hokus pokus” na imbestigasyon ang ICI sa flood control projects scam, boom!


XXX


NON-STOP ANG PAGSISINUNGALING NG MAG-ASAWANG DISCAYA KAYA HINDI SILA DAPAT GAWING STATE WITNESS NG PAMAHALAAN -- Madalas sabihin ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya na wala raw silang "ghost" na flood control project, pero natuklasan ni DPWH Sec. Vince Dizon na may "guni-guni" project ang mga Discaya sa Davao Occidental.


Kaya hindi talaga dapat na gawing state witness ang mag-asawang Discaya dahil non-stop ang kanilang pagsisinungaling sa imbestigasyon sa flood control projects scam, period!


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | September 27, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


PARANG SINABI NI PBBM NA SAFE KAY SEC. REX GATCHALIAN ANG PERA NG BAYAN KAYA P36B PONDO NG DPWH FLOOD CONTROL PROJECT, INILIPAT SA DSWD -- Inanunsyo ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na ang P36 billion na bahagi ng flood control projects ng Dept. of Public Works and Highways (DPWH) ay ipinalilipat na niya sa tanggapan ni Sec. Rex Gatchalian ng Dept. of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga programang pang-ayuda ng kagawaran tulad ng Assistance to Individual in Crisis Situation (AICS), Payapa at Masaganang Pamayanan (PAMANA) at Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).


Kumbaga, parang sinabi na rin ni PBBM na safe ang pera ng bayan kay Sec. Gatchalian, na ang pondong ito (P36B) ay tiyak makakarating sa mga dapat tulungang mamamayan, kaysa ang public funds na nasa flood control projects ay kurakutin na naman ng mga ‘buwayang’ DPWH official, pork barrel politicians at mga sindikatong kontraktor, period!


XXX


MURA ANG INABOT KAY DPWH SEC. DIZON NG DAVAO OCCIDENTAL DISTRICT ENGINEER, BINAYARAN NITO NG P96.5M ANG GHOST PROJECT NG MAG-ASAWANG DISCAYA -- Harap-harapang minura ni DPWH Sec. Vince Dizon si DPWH-Davao Occidental District Engr. Rodrigo Larete dahil binayaran nito nang buo, worth P96.5 million ang "ghost" flood control project ng St. Timothy Construction Company ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya sa Culaman Bridge, Abad Santos sa lalawigang ito.


Mamumura talaga ang district engineer na ito dahil sa ‘sabwatan’ nila ng mag-asawang Discaya ay pinalabas nilang completed na noon pang year 2022 ang proyekto pero ‘yun pala ay "ghost project" ito kung kaya’t ang mga residente rito ay patuloy na nakakaranas ng lampas-tao na baha kapag bumubuhos ang malakas na ulan, tsk!


XXX


BUTI NATALO SA ELEKSYON SINA SARAH DISCAYA AT VENDORS PARTYLIST NI MALOU LIPANA (MISIS NI COA COMM. MARIO LIPANA) DAHIL HINDI PALA PAGLILINGKOD ANG PAKAY NILA KUNDI PARA MAS MARAMI PANG ‘MA-SCAM’ SA KABAN NG BAYAN -- Noong nakaraang eleksyon, mabuti na lang at natalo si Sarah Discaya sa pagka-alkalde ng Pasig City at ang Vendors Partylist na ang first nominee ay si Malou Lipana na misis ni Commission on Audit (COA) Commissioner Mario Lipana.


Nang pumutok ang flood control projects scam ay dito nabulgar na nakapang-scam ang mag-asawang Discaya ng worth P207 billion sa kaban ng bayan, at nabunyag din na itong misis ni Commissioner Lipana na si Malou ay kontraktor din pala na nakakakopo ng sangkatutak na proyekto sa DPWH.


Kaya natin nasabing mabuti na natalo sina Discaya at partylist ni Lipana dahil hindi naman pala paglilingkod ang pakay nila kaya sila nagsipagkandidato, kundi para mas marami pang ‘ma-scam’ sa kaban ng bayan, mga buset!


XXX


KAMALASAN ANG INABOT NI ESCUDERO SA MARCOS ADMIN, INIREREKOMENDANG KASUHAN NG MALVERSATION, BAKA MATANGGAL PA SIYA SA PAGKA-SENADOR -- Matapos ipatawag at imbestigahan ng Comelec ang kontraktor na si Lawrence Lubiano kaugnay sa pagbibigay nito ng campaign funds kay Sen. Chiz Escudero dahil nakasaad sa batas na bawal magpondo ang mga kontratista sa kandidatura ng mga pulitiko, ay ang senador naman ang ipinatawag ng komisyon kaugnay sa pagtanggap niya ng donasyon sa kontraktor.


Tila minamalas talaga si Escudero sa panahon ng Marcos admin, dahil inirerekomendang kasuhan siya ng National Bureau of Investigation (NBI) ng malversation of public funds kaugnay sa flood control project scam, at kapag napatunayan ng Comelec na guilty siya, tanggal naman siya sa pagka-senador, boom!

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | September 26, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


KUNG SI ESCUDERO PA RIN ANG SENATE PRESIDENT AT SI ROMUALDEZ PA RIN ANG HOUSE SPEAKER, MALAMANG TULOY PA RIN ANG ‘KURAKUTAN’ SA KABAN NG BAYAN -- Matapos ibulgar ni Dept. of Public Works and Highways (DPWH) former Usec. for Operations Roberto Bernardo na sangkot din si ex-Senate President, Sen. Chiz Escudero, ay ibinulgar din ng isang nagngangalang Orly Guteza, dating security aide ni Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co, na ang ilang bahagi ng male-maletang pera na dinadala sa mga bahay ng partylist congressman, ay dinadala rin daw nila sa mga bahay ni ex-House Speaker, Leyte Rep. Martin Romualdez.


Buti na lang nabulgar ang flood control projects scam, at buti na lang parehong formers Senate President at House Speaker na lang ang dalawang lawmakers na ito, kasi kung si Sen. Escudero pa rin ang lider ng Senado at si Cong. Romualdez pa rin ang lider ng Kamara, naku po, baka patuloy silang ‘mangungurakot’ sa kaban ng bayan, mga pwe!


XXX


NABULGAR NA SANGKATUTAK NA SENADOR NA SANGKOT SA KATIWALIAN SA DPWH, PANG-GUINNESS WORLD RECORDS NA -- Si DPWH-Bulacan 1st Asst. District Engr. Brice Hernandez unang nagbulgar na may mga senador umano na sangkot sa flood control projects scam, pinangalanan niya sina Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Joel Villanueva, sumunod na nagbulgar si DPWH-Bulacan 1st District Engr. Henry Alcantara, kinumpirma niyang sangkot sa katiwalian daw sina Sen. Jinggoy at Sen. Joel, at idinagdag si ex-Sen. Bong Revilla, at sa pagbubulgar naman ni DPWH Usec. Bernardo, isinama niya sa iba’t ibang uri pa rin ng katiwalian umano sa DPWH sina Sen. Escudero, former Senator at ngayo’y Makati City Mayor Nancy Binay.


Sa mga ‘pasabog’ na iyan nina Hernandez, Alcantara at Bernardo ay puwede nang itala ito sa Guinness World Records, na onli in da ‘Pinas lang may sangkatutak na mga “buwayang” senador, boom!


XXX


PARANG DAGA NA SI CONG. ZALDY CO NA NAGHAHANAP NG LUNGGANG PAGTATAGUAN -- Si Navotas City Rep. Toby Tiangco ang unang nagbulgar na may higit P13 billion "pork barrel" insertions si Cong. Zaldy Co sa 2025 national budget, pagkaraan niyan ay idinawit na ni Alcantara sa flood control projects scam ang partylist congressman na ito, kinumpirma naman ito ni Hernandez na nagsabi pang may pagkakataon umano na nagdeliber sila ng P1B kickback kay Cong. Zaldy Co at sa pasabog ni Bernardo ay sinabi niya na ang kongresistang ito ng Ako Bicol Partylist na dating chairperson ng House Committee on Appropriations ang may sangkatutak na “komisyon” (kickback) na natanggap mula sa pondo ng DPWH.


Hindi na talaga safe si Cong. Zaldy Co sa anomalyang ito kung kaya’t ayaw na niyang umuwi ng Pilipinas, torete na, palipat-lipat na ng mga bansang pinuntahan, mistula na siyang daga na naghahanap ng lunggang pagtataguan, period!


XXX


WITHDRAWAL SA BANGKO NG SUNUD-SUNOD NA DAAN-DAANG MILYONG PISO DAW NG ‘GHOST PROJECT’ NG CONTRACTOR NA SI SALLY SANTOS, NANGYARI NA RIN NOON SA BANGKO RIN PARA SA CONFI FUNDS NI VP SARA -- Dapat gumawa ng batas ang Kongreso na kapag may mga tauhan ng gov’t. officials at mga kontraktor na magwi-withdraw ng P50M pataas sa gov’t. bank na Land Bank of the Philippines (LBP) ay i-report agad ito sa Anti-Money Laundering Council, Ombudsman, Commission on Audit (COA) at Dept. of Budget and Management (DBM) para sundan at kuwestiyunin agad ang mga gov’t. officials kung saan nila gagamitin ang winidraw at sa kontraktor kung tapos na ang nakuha nitong proyekto sa DPWH.


Ang nabulgar kasi sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee na nagawa ng DPWH na “ghost project” ng contractor na si Sally Santos na nakapag-withdraw ng higit tig-P200M sa dalawang pagkakataon, na ang total ay higit P400M, ay may pangyayari na rin na ganyan noon, na sa imbestigasyon dati sa House Quad Committee ay ang mga tauhan ni Vice Pres. Sara Duterte-Carpio ay nakapag-withdraw din tig-P125M sa apat na pagkakataon na ang total ay P500M, na ang halagang ito ay para sa confidential fund ng bise presidente.


Sa totoo lang, hindi kasi katanggap-tanggap sa mamamayan na mistulang hinuholdap ng mga gov’t. official at mga kontraktor ang kaban ng bayan na nakaimbak sa gov’t. bank na LBP, tsk!


 
 
RECOMMENDED
bottom of page