top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | November 11, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


MANANALO PA RIN SA HALALAN SA 2028 ANG MGA POLITICIAN NA SANGKOT SA FLOOD CONTROL SCAM DAHIL ANG MGA BOTANTE MADALING MAKALIMOT KAPALIT NG BOTO NILA -- Nang mabulgar ang flood control projects scam ay nagpakita ng matinding galit ang taumbayan sa mga politician na sangkot sa katiwaliang ito, at nadagdagan pa ang galit ng mamamayan nang magkaroon ng mga lampas-tao, lampas-bahay na baha na kumitil sa maraming buhay at sumira sa maraming ari-arian.


Kaya kung sa panahong ito magkakaroon ng halalan, siguradong talo na ang lahat ng politicians na sangkot sa flood control projects, kaya lang ang next election ay sa 2028 pa, at ang panahon ng halalan ay nagaganap mula Pebrero hanggang Mayo, panahon ito ng summer o hindi tag-ulan.


Ang nais nating ipunto rito ay dahil walang ulan, walang baha sa panahon ng halalan,

limot na ng mga botante na sila ay binaha dahil sa kagagawan ng mga pulitikong sangkot sa flood control projects scam, tapos idagdag pa ang datung na pang-vote buying ng mga kurakot, sure win pa rin sa eleksyon ang mga ‘buwayang’ politician na

garapalang nang-i-scam sa kaban ng bayan.


Iyan ang malungkot na nangyayari sa ‘Pinas, ang majority ng mga mamamayan ay madaling makalimot sa ginawang pangungurakot ng mga politician, na ibinoboto at ipinapanalo pa rin nila sa halalan ang mga ‘buwayang’ pulitiko kapalit ng ipinambabayad sa kanilang mga boto, tsk!


XXX


PAALALA SA MGA KURAKOT NI ICI CHAIRMAN ANDRES REYES, WALANG TALAB SA MGA ‘BUWAYA’ SA PAMAHALAAN AT SA MGA SCAMMER NA KONTRAKTOR -- Naputakti nang batikos si Independent Commission for Infrastructure (ICI) Chairman Andres Reyes na habang sila ay nagpapa-presscon patungkol sa resulta ng kanilang imbestigasyon sa flood control projects ay naglabas siya ng kartolina na may nakasaad na "what the world needs now is love, not greed, not selfishness" o sa wikang Pnoy ay "ang kailangan ng mundo ngayon ay pag-ibig, hindi kasakiman at hindi makasarili" na ‘ika nga, bilang pagpapaalala niya ito sa mga nasasangkot sa flood control scam.


Mababatikos talaga siya kasi bilang chairman ng ICI ay dapat magpakita siya ng tapang laban sa mga kurakot at hindi magpakita ng ganyang "recollection" dahil sa totoo lang, ang ganyang uri ng paalala ay walang talab sa mga ‘buwaya’ sa pamahalaan at sa mga scammer na kontraktor, period!


XXX


HANGGANG NGAYON 'NGANGA' LANG SI SEN. JV SA ETHICS COMPLAINT NI ATTY. ACERON LABAN KAY SEN. ESCUDERO – “Does the Senate Ethics Committee function?” Ito ang tanong at open letter kay Sen. JV Ejercito, chairperson ng Senate Committee on Ethics, ni Atty. Marvin Aceron dahil ang isinampa niyang ethics complaint laban kay Sen. Chiz Escudero kaugnay sa pagtanggap nito ng P30 million campaign funds sa kontraktor na si Lawrence Lubiano ay hanggang ngayon ay hindi pa inaaksyunan ng Senado, hindi pa rin inaaksyunan ni Sen. JV.


Sa totoo lang, may punto naman talaga si Atty. Aceron na mainip at manguwestiyon kasi nga naman ay noon pang October 2, 2025 niya isinampa ang ethics complaint laban kay Sen. Escudero, pero higit isang buwan na, “Nganga” lang si Sen. JV, wala siyang aksyon sa reklamong ito laban sa kapwa niya senador, boom!


XXX


KUNG MAY IPINAIRAL NA DUE PROCESS SINA FPRRD AT SEN. DELA ROSA SA KAMPANYA KONTRA DROGA NOON, WALA SANA SILANG KASO SA ICC AT HINDI SANA HUMIHINGI NGAYON NG DUE PROCESS -- Matapos kumalat ang balitang may inilabas umano na warrant of arrest laban sa kanya ang International Criminal Court (ICC) kaugnay sa kasong crimes against humanity, ay nanawagan ang kampo ni Senator, former Philippine National Police (PNP) chief Ronald Dela Rosa ng due process, at ganyan din ang hiling ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte (FPRRD) na pagkalooban ng due process ang ex-president na kasalukuyang nakapiit sa ICC jail.

Kung sana noong panahon ng Duterte administration ay nagpairal ang ex-Pres. Duterte at ex-PNP Chief Gen. Dela Rosa ng due process sa kampanya laban sa droga, hindi nangyari ang bloody drug war, hindi sana nakasuhan sa ICC, at hindi sila ngayon humihingi ng due process, sa kinakaharap na kaso ng dating pangulo na crime against humanity, period!




 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | November 10, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


KUNG FAKE NEWS ANG INANUNSYO NI REMULLA SA WARRANT OF ARREST KAY SEN. DELA ROSA, DAPAT HUWAG NA NIYANG ULITIN, BAD SA PANINGIN NG PUBLIKO NA ANG OMBUDSMAN NAGPI-FAKE NEWS -- Sunud-sunod na pinabulaanan ng Malacanang, Dept. of the Interior and Local Gov't. (DILG), Dept. of Justice (DOJ), Dept. of Foreign Affairs (DFA) at Embahada ng Pilipinas sa The Netherlands ang inanunsyo ni Ombudsman Boying Remulla na may warrant of arrest na ang ICC kay Sen. Ronald Dela Rosa.


Kung sakaling mapatunayang fake news ang inanunsyo ni Ombudsman Remulla patungkol sa warrant of arrest kay Sen. Dela Rosa dapat siyang mag-public apology at mag-promise na hindi na uulit kasi bad sa paningin ng publiko na ang Ombudsman ay nagpapakalat ng fake news sa ‘Pinas, period!


XXX


SUWERTE SI SEN. DELA ROSA, MINALAS NAMAN SI FPRRD -- Sinabi ni Executive

Secretary Lucas Bersamin na kung sakaling may warrant of arrest daw ang International Criminal Court (ICC) laban kay Sen. Dela Rosa ay hindi raw ito awtomatikong ipapatupad ng Philippine gov’t. dahil may bagong extradition rules ang Supreme Court (SC) na kailangang dumaan muna sa masusing pag-aaral ng korte sa Pilipinas kung nararapat isuko sa foreign court ang isang Pilipino na may kinakaharap na kaso sa ibang bansa.


Kung ganu’n masuwerte pala ni Sen. Dela Rosa kasi kung sakali, siya ang unang makikinabang sa bagong rules sa extradition proceedings ng SC, at masasabing minalas naman si former Pres. Rodrigo Roa Duterte (FPRRD) dahil late na nang ilabas ng Korte Suprema ang bago nilang extradition rules, na ‘ika nga, arestado na ang ex-president, nakakulong na siya sa ICC jail nang ilabas ito (new extradition rules) ng Kataas-taasang Hukuman ng ‘Pinas, tsk!


XXX


BAKA MA-CITY JAIL DIN SI CONG. PULONG KAPAG NAPATUNAYANG MAY MGA IREGULARIDAD SA MGA FLOOD CONTROL PROJECTS SA KANYANG DISTRITO -- Sa ginawang pag-inspection ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa mga flood control projects sa distrito ni Davao City Rep. Paolo Duterte ay natuklasan umano nilang maraming proyekto rito na substandard, at pagkaraan niyan ay ibinulgar naman ni ACT Teacher Partylist Rep. Antonio Tinio na 80 proyektong pangontra sa baha sa lungsod, sa distrito ni Cong. Pulong ang may mga iregularidad, tulad ng ghost projects, overpricing, duplicate funding at awarded without details.


Naku, kung totoo ang mga alegasyong ito ng ICI at ACT Teachers Partylist, malamang makasama si Cong. Pulong sa magpa-Pasko sa Quezon City jail, boom!


XXX


DAPAT IMBESTIGAHAN DIN NG ICI ANG MALACANANG SA PALPAK NA FLOOD CONTROL PROJECTS SA CEBU AT NEGROS -- Ibinulgar din ni ACT Teacher Partylist Rep. Antonio Tinio na maging ang Malacanang umano ay naglabas ng P9.2 billion sa unprogrammed funds ng Marcos gov’t. mula year 2023 at 2024 para sa mga flood control projects sa Cebu, Negros Occidental at Negros Oriental, na aniya ay wala ring silbi ang ginastusang proyekto dahil nga binaha ang tatlong lalawigang ito, lalo na ang Cebu kung saan maraming namatay at ari-ariang nasalanta.


Kung ganu’n, dapat pala pati ang mga taga-Malacanang ay imbestigahan din ng ICI sa palpak na flood control projects sa Cebu, Negros Occidental at Negros Oriental, period!



 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | November 9, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


TOTOO SANA NA MAY BLUE NOTICE NA ANG INTERPOL KAY ZALDY CO, GUSTUNG-GUSTO NA TALAGA NG TAUMBAYAN NA MAHULI NA SIYA AT MAKULONG -- Inanunsyo ni Usec. Jesse Andres ng Dept. of Justice (DOJ) na may “blue notice” na raw ang Interpol laban kay dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co, na ibig sabihin ay tinutunton na raw ang kinaroroonan o pinagtataguan ng former congressman sa ibang bansa.


Sana totoo ang inanunsyo na iyan ni Usec. Andres para kapag may warrant of arrest na ay madali nang matitimbog si Zaldy Co kasi sa totoo lang, isa ang former congressman na ito na gustung-gusto ng taumbayan na makulong dahil sa kinasangkutan nitong sangkatutak na flood control projects scam sa buong bansa, boom!


XXX


SEN. DELA ROSA, PROTEKTADO NI TITO SEN SA LOOB NG SENADO, PERO SA LABAS WALA NANG PAKI SA KANYA ANG SENATE PRESIDENT -- Matapos ianunsyo ni Ombudsman Boying Remulla na may inilabas nang warrant of arrest ang International Criminal Court (ICC) laban kay Sen. Ronald Dela Rosa, na dating Philippine National Police (PNP) chief, ay agad nagpalabas ng statement si Senate Pres. Tito Sotto na walang sinuman ang puwedeng umaresto sa senador habang nasa loob ito ng Senado.


Sa tema ng salita ni Tito Sen ay kung sa labas ng Senado dadakpin si Sen. Dela Rosa, ibig sabihin ay wala siyang paki, at dahil diyan para iwas-aresto at makulong sa ICC jail, malamang sa loob na ng Senado siya maninirahan dahil nga protektado siya rito, period!


XXX


‘DI DAPAT MAGPAKAMPANTE SI SEN. DELA ROSA KAHIT PA SINABI NG ICC SPOKESMAN NA WALA PANG WARRANT OF ARREST DAHIL BAKA MABULAGA NA MAY UMAARESTO NA SA KANYA SA ‘PINAS -- Pinabulaanan naman ni Dr. Fadi El Abdallah, spokesman ng ICC ang kumalat na balita sa Pilipinas na may warrant of arrest na si Sen. Dela Rosa kaugnay sa kasong crimes against humanity na kahalintulad ng kasong kinakaharap ni dating Presidente Rodrigo Roa Duterte (FPRRD).


Bagama’t may ganyang statement na ang spokesman ng ICC ay huwag pa rin pakatiwala si Sen. Dela Rosa dahil baka bigla siyang mabulaga na inaaresto na siya ng Interpol sa ‘Pinas sa tulong ng mga Pinoy law enforcers, boom!


XXX


WEAK LEADER YATANG TALAGA SI PBBM, KUNG IBANG PRESIDENTE ANG GINAGAWAN NI BARZAGA NG MGA MATITINDING ATAKE SA SOCIAL MEDIA MALAMANG NAKASUHAN AT NAKAKULONG NA ANG KONGRESISTANG ITO -- Bukod sa mga matitinding atake ni Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga kay Pres. Bongbong Marcos (PBBM) sa social media, kabilang sa mga post na diretsahang inaakusahan ang Pangulo na ‘magnanakaw’, ay may mga post din ito na nananawagan sa militar na alisin na ang suporta kay PBBM, patalsikin na ito sa puwesto.


Dahil sa kawalan ng aksyon ni PBBM sa mga atakeng ito sa kanya ni Barzaga ay lumalabas ngayon na parang totoo ang sinabi ni FPRRD noon na weak leader siya.

Sa totoo lang kasi, kung ibang presidente ang ginawan ng ganyang uri ng mga atake, malamang natadtad na ng kaso at nakakulong na si Barzaga, period!


 
 
RECOMMENDED
bottom of page