top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | November 26, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


ICI DAPAT BUWAGIN NA NI PBBM, IPAUBAYA NA LANG SA SENADO AT KAMARA ANG IMBESTIGASYON SA MGA SANGKOT SA FLOOD CONTROL PROJECTS SCAM -- Ang pangako ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na gagawin na nilang live telecast at online live streaming na ang kanilang imbestigasyon sa flood control projects scam ay napako, na ang idinahilan nila ay sinunod daw nila ang kagustuhan ng kanilang mga iimbestigahan na executive session o closed-door hearing.


Aba’y kung ganyan na ang kagustuhan ng mga nasasangkot sa scam ang sinusunod ng ICI ay dapat buwagin na ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) ang komisyon na ito at ipaubaya na lang sa Senate Blue Ribbon Committee at House Infra Committee ang imbestigasyon sa flood control projects scam, kasi kapag nagsagawa sila ng imbestigasyon ay naka-live ito at ang feeling pa-VIP ng mga iniimbestigahan ay hindi ubra sa Senado at Kamara, na kapag nagsinungaling sila, contempt at kulong aabutin nila, boom!


XXX


KUNG ANG MGA DDS, IPAGPI-PRAY SI HARRY ROQUE DAHIL KINANSELA NA ANG KANYANG PASSPORT, ANG MGA LOYALISTA AT KAKAMPINK NAMAN HALOS PIYESTA SA TUWA – “Pray for me,” iyan ang panawagan ni former presidential spokesman Harry Roque sa mamamayang Pinoy matapos hilingin ng Philippine gov't. sa pamamagitan ng Dept. of Justice (DOJ) sa Interpol na isailalim na siya sa Red Notice at pagkaraan ay nasundan pa ito ng utos ng korte sa Dept. of Foreign Affairs (DFA) na kanselahin na ang pasaporte ng dating presidential spokesman na sa ngayon ay nasa The Netherlands.


Ang mga Duterte Diehard Supporters (DDS), maaari talagang ipagdasal siya pero ang mga Marcos loyalist at mga Kakampink, mistulang piyesta na sa tuwa sa social media kasi nga gusto na nilang ma-bring back home si Roque para makulong sa city jail dahil sa kinasasangkutan nitong kasong qualified trafficking in person kaugnay sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa Porac, Pampanga, period!


XXX


LATEST VIDEO NA PASABOG NI ZALDY CO, ‘SUPOT’ NA, WALA NANG PATOL SA TAUMBAYAN, NAGPI-FEELING PA-VICTIM NA, NAGPI-FEELING ‘BANAL’ PA NA HINDI RAW SIYA NANGURAKOT SA KABAN NG BAYAN -- Dahil nagbabanal-banalan na kesyo ni-singko wala raw siyang napakinabangan sa flood control projects scam at nagpi-feeling pa-victim pa, ay wala nang patol sa publiko ang latest video na pasabog ni former Cong. Zaldy Co, na kesyo hindi lang daw sina PBBM at Leyte Rep. Martin Romualdez ang may Bicam insertions at kickback sa flood control projects, kundi pati si presidential son, Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos.


Sa unang video na pasabog ni Zaldy Co laban kina PBBM at Romualdez ay medyo marami pa ang naniwala, talaga naman na "angry" ang reactions ng netizens sa social media, na ‘ika nga nagalit sa magpinsan (PBBM at Romualdez) ang publiko, kaya lang sa kanyang ikalawang video na pasabog ay “ha-ha-ha” reactions na ang Pinoy netizens dahil nag-feeling pa-victim ang dating partylist congressman, lalo na nang sabihin niyang taga-deliver lang daw siya ng kickback at ni-singko ay wala umano siyang kinulimbat sa kaban ng bayan, boom!


XXX


HINDI PA PRESIDENTE SI PBBM, HINDI PA SPEAKER SI ROMUALDEZ, SANGKOT NA SI ZALDY CO SA MULTI-BILLION PESO SCAM SA DOH-MEDICAL SUPPLY AT DEPED-LAPTOPS SCAM -- Hindi pa presidente si Marcos, Jr. at hindi pa House speaker si Romualdez, sa panahon ng Duterte administration ay nasangkot na si Zaldy Co sa multi-billion peso scam sa Dept. of Health (DOH)-medical supply at Dept. of Education (DepEd)-laptops scam noong 2020 pandemic.


Iyan ang dahilan kung kaya't majority Pinoy ang naniniwala na noon pa man ay ‘scammer’ siya sa kaban ng bayan, kaya maraming Pilipino ang hindi naniniwalang isa siyang "banal" na kongresista, lalo na sa flood control projects scam, talaga naman na masasabing nagkamal siya rito ng bilyun-bilyong piso sa pera ng bayan lalo na nang mabulgar na nakabili siya ng 13 air assets (mga private jets at helicopters), period!


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | November 25, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


MABABAWASAN ANG GALIT NG MGA DDS KAPAG NAAPRUB ANG INTERIM RELEASE KAY FPRRD, PERO KAPAG NA-REJECT LALONG UUSOK SA GALIT KAY PBBM ANG MGA DUTERTE SUPPORTER -- Sa November 28, 2025 (Friday) ay ila-live stream ng International Criminal Court (ICC) ang pinal nilang desisyon kung pagbibigyan ang interim release kay former Pres. Rodrigo Roa Duterte (FPRRD) sa kadahilanang matanda, may sakit at mahina na ang ex-president, na hindi na nito kayang humarap sa paglilitis kaugnay sa kinakaharap niyang kasong crime against humanity sa ICC.


Sakaling pagbigyan ng ICC ang interim release kay FPRRD at pumayag ang Marcos administration na pauwiin ito sa Davao City ay kahit paano mababawasan ang galit ng mga Duterte Diehard Supporters (DDS) kay Pres. Bongbong Marcos (PBBM), pero kapag tinabla ng ICC ang hirit na pagpapalaya sa dating pangulo ay asahan na ni Pres. Ferdinand Marcos, Jr. na lalong uusok sa galit sa kanya ang mga tagasuporta ng ex-president, abangan! 


XXX


SANA ALL NG SENADOR TULAD NI SEN. BONG GO NA AFTER ELECTION, IWAS SA BANGAYANG PULITIKA, TUTOK SA SERBISYO SA MAMAMAYAN ANG INAATUPAG -- Habang mainit ang bangayang pulitika sa bansa, may isang senador, na ang inaatupag ay mag-ikot sa iba’t ibang public hospitals at dito ay kanyang nalaman na sa kabila na aprubado na ang kanyang batas na dagdagan ang mga kama sa mga pampublikong pagamutan, ay natuklasan niya na marami pa rin sa mga ospital ang kapos ang mga kama para sa mga pasyente. 


Dahil diyan ay nanawagan si Sen. Bong Go sa pamahalaan na tugunan ang kakapusan ng mga kama para sa mga public hospital.


Sana all ng senador ay tulad ni Sen. Bong Go na nang manalo after election ay tutok sa serbisyo ang inaatupag, inaalam ang serbisyong puwedeng ipagkaloob sa mamamayan at hindi nakiki-join sa bangayang pulitika sa ‘Pinas, period!


XXX


‘SUNTOK SA BUWAN’ NA MAAPRUB ANG HIRIT NI SEN. PADILLA NA PEDERALISMO -- Dahil sa mainit na usaping pampulitika sa bansa, ay isinulong ni Sen. Robin Padilla ang pederalismo o federal form of gov’t., na ang layunin ay magkaroon ng kanya-kanyang kapangyarihan, batas at pagpapalago ng ekonomiya ang bawat rehiyon sa Luzon, Visayas at Mindanao na ang magpapatakbo ng mga pamahalaan dito ay mga mahahalal na interim prime minister, may mga sariling cabinet members, senador, kongresista, local gov’t. units (LGUs), dahil sa sistema ngayon ng presidential form of gov’t. ay iisa lang ang may kapangyarihan at ito ay ang presidente na nasa Malacañang, na nasa Metro Manila na parte ng Luzon.


Sa totoo lang, mainam ang panukalang ito ni Sen. Padilla, kaya lang ay "suntok sa buwan" na maaprubahan itong federal form of gov’t. dahil isinulong na rin ng noo’y Pres. Rodrigo Roa Duterte ang pederalismo, pero ni-reject lang ito ng majority senators at congressmen ng ‘Pinas, tsk!


XXX


AKBAYAN SUMABLAY, AKALA NILA BILYUN-BILYON ANG KAYAMANAN NG MAG-AMANG DUTERTE, HINDI PALA DAHIL SA SALN NI FPRRD P37.3M LANG AT KAY VP SARA P88.5M LANG -- Sablay ang Akbayan sa kinuha nilang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) nina FPRRD at Vice President Sara Duterte-Carpio.


Inakala kasi ng Akbayan na bilyun-bilyong piso ang laman ng SALN ng mag-amang Duterte, pero nang makakuha sila ng kopya, eh ang laman lang pala ng SALN ni FPRRD ay P37.3 million, at ang kay VP Sara ay P88.5 million, boom!


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | November 24, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


MABI-BRING BACK HOME SI HARRY ROQUE PARA IKULONG SA CITY JAIL -- May ‘Red Notice’ nang hiniling ang Philippine gov’t. sa pamamagitan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) para dakpin si former presidential spokesman Harry Roque na may kasong qualified trafficking in person kaugnay sa pagkakasangkot nito sa ilegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Porac, Pampanga.


Kapag nagkataon at matimbog si Harry Roque, mabi-bring back home siya para ikulong sa Quezon City Jail, boom!


XXX


HIRIT NA HOUSE ARREST O HOSPITAL ARREST, TABLADO SA OMBUDSMAN AT SANDIGANBAYAN, IBIG SABIHIN KULONG SA CITY JAIL TALAGA SI ZALDY CO -- Ang magkasunod na kahilingan ni Atty. Ruy Rondain, abogado ni former Cong. Zaldy Co, na house arrest at hospital arrest para sa kanyang kliyente ay parehong ibinasura lang ng Ombudsman at Sandiganbayan.


Ibig sabihin niyan ay hindi talaga bibigyan ng Ombudsman at Sandiganbayan ng VIP treatment si Zaldy Co, na talagang ipaparanas sa kanya ang buhay sa loob ng Quezon

City Jail, abangan!


XXX


REP. ROMUALDEZ, MALABO NANG MAKALABAS NG BANSA PARA TUMAKAS, NASA IMMIGRATION LOOKOUT BULLETIN ORDER NA SIYA NG BUREAU OF IMMIGRATION -- Matapos hilingin ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa Ombudsman na sampahan ng mga kasong no bail na plunder at bribery sina Leyte Rep. Martin Romualdez at former Cong. Zaldy Co, ay sinabi ng dating Speaker na handa raw niyang harapin ang kaso at hindi umano siya lalabas ng Pilipinas para magtago.


Siyempre, iyan na lang ang palusot ni Romualdez, na hindi siya lalabas ng ‘Pinas para magtago, kasi nga wala naman na talaga siyang lusot para makapagtago sa ibang bansa dahil kabilang na siya na nasa Immigration Lookout Bulletin Order  (ILBO) ng Bureau of Immigration (BI), period!


XXX


DAHIL HINDI BANSA ANG ICC KAYA HINDI ITO SAKLAW NG SC NEW EXTRADITION RULES, KAPAG MAY WARRANT OF ARREST NA, ANUMANG ORAS O ARAW PUWEDENG DAKPIN SI SEN. DELA ROSA PARA IKULONG SA ICC JAIL -- Binigyang-linaw ng Supreme Court (SC) na ang bagong desisyon nila patungkol sa extradition rules ay para lang sa mga bansang may extradition treaty ang Pilipinas.


Kumbaga, parang sinabi na rin ng SC na hindi saklaw ng kanilang bagong extradition rules ang International Criminal Court (ICC) na bagama’t nasa The Netherlands ito, ay hindi naman bansa ang ICC.


Dahil sa statement na iyan ng SC, para na rin nilang sinabi na sa bagong extradition rules ay hindi safe dito si Sen. Ronald Dela Rosa, na ‘ika nga, kung totoong may warrant of arrest na siya ay nagdedelikado siya na anumang oras o araw ay puwede siyang dakpin ng pulisya para i-turnover sa Interpol, dalhin at ikulong sa ICC jail, boom!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page