ni Pablo Hernandez @Prangkahan | October 31, 2025

SA MGA SANGKOT SA FLOOD CONTROL PROJECTS SCAM, UNANG BATCH MAKUKULONG SA CITY JAIL SINA SEN. JINGGOY, SEN. JOEL, ZALDY CO AT 3 PA? -- Inirekomenda na ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) kay Ombudsman Boying Remulla na sampahan ng mga kasong plunder at graft and corruption na may kaugnayan sa flood control projects scam sina Sen. Jinggoy Estrada, Sen. Joel Villanueva, former Ako Bicol partylist Rep. Zaldy Co, Dept. of Public Works and Highways (DPWH) former Usec. Roberto Bernardo, Commission on Audit (COA) Commissioner Mario Lipana at Caloocan City former Rep. Mitch Cajayon.
Dahil diyan ay nakikini-kinita na ng publiko na sa mga sangkot sa flood control projects scam ay sina Sen. Jinggoy, Sen. Joel, Zaldy Co, Bernardo, Lipana at Cajayon ang unang batch na makukulong sa Quezon City jail, ang kulungang inihanda ni Dept. of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla sa mga sangkot sa pang-i-scam sa kaban ng bayan, abangan!
XXX
KAPAG NAGKATAON, SEN. JINGGOY, KULONG NA SA PORK BARREL SCAM, KULONG PA SA FLOOD CONTROL PROJECTS SCAM -- Ibinasura ng Supreme Court (SC) ang hirit ni Sen. Jinggoy Estrada na i-dismiss na rin ang kinakaharap pa niyang 11-counts ng kasong graft and corruption na may kaugnayan sa pork barrel scam, dahil ayon sa senador, ang mga kaso niyang ito (graft and corruption) ay kahalintulad din daw ng kaso niyang plunder na dinismis na noon ng korte.
Ayon sa SC, magkaiba ang mga kasong graft at plunder ni Sen. Jinggoy, na ibig sabihin na-dismiss man siya sa kasong plunder, ay tuloy pa rin ang paglilitis sa kanya sa mga kasong graft and corruption.
Naku, kapag nagkataon na guilty ang maging hatol sa korte sa mga kasong ito kay Sen. Jinggoy ay makukulong pala siya sa dalawang isyu na may kinalaman sa pang-i-scam sa kaban ng bayan, kulong na sa pork barrel scam, kulong pa sa flood control project scam, boom!
XXX
PARANG IBINIDA NG MGA TAGA-CAAP NA MGA ‘INUTIL’ SILA DAHIL WALA SILANG KAALAM-ALAM NA NAIPUSLIT NI ZALDY CO PALABAS NG ‘PINAS ANG ISANG PRIVATE PLANE AT 2 HELICOPTER -- Kinumpirma ni Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Director General Raul Del Rosario na naipuslit na ni Zaldy Co palabas ng Pilipinas ang tatlo nitong air assets. Unang naipuslit patungong Singapore noong Aug. 16, 2025 ang Gulfstream 350 private plane, magkasunod naipuslit noong Aug. 20 at Sept. 11, 2025 ang dalawang Agusta Westland helicopter na ngayon ay nasa Malaysia.
Mantakin n’yo, sa panahon na iyan ay kainitan na ng imbestigasyon sa flood control projects scam na kinasasangkutan ni Zaldy Co, tapos nagawa pa ng "tulisang" kongresista na ito na maipuslit palabas ng bansa ang kanyang tatlong air assets nang walang kaalam-alam ang mga taga-CAAP. Kumbaga, sa inanunsyong ito ni Del Rosario ay para na rin nilang ibinida sa publiko na silang mga taga-CAAP ay mga ‘inutil’ sa puwesto, mga pwe!
XXX
SA CITY JAIL DIN KAYA IPAPAKULONG NI SEC. JONVIC REMULLA SINA ATONG ANG, GRETCHEN BARRETTO AT IBA PANG SANGKOT SA MISSING SABUNGEROS -- Matapos ianunsyo ni Senior Asst. State Prosecutor Charlie Guhit ng Dept. of Justice (DOJ) Charlie Guhit na submitted na for resolution ang mga kasong kidnapping with serious illegal detention at multiple murder laban sa mga sangkot sa missing sabungeros, ay agad inatasan ni PNP Chief, Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr. ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at mga local police units na kapag may warrant of arrest na ay dakpin agad sina gambling tycoon Atong Ang, dating actress Gretchen Barretto at iba pang sangkot sa kasong ito.
Kung sakali na arestado na sila, sa city jail din kaya sila ipakulong ni DILG Sec. Jonvic Remulla? Abangan!






