top of page
Search

ni Madel Moratillo | May 12, 2023



ree

Ititigil muna umano pansamantala ng gobyerno ng Kuwait ang pagbibigay ng visa sa mga Pinoy.


Ginawa ng Kuwaiti Interior Ministry ang anunsyo kasunod ng umano'y paglabag ng gobyerno ng Pilipinas sa bilateral agreement ng dalawang bansa.


Hindi naman binanggit ang sinasabing nilabag na probisyon ng kasunduan.


Matatandaang noong Pebrero, nagpatupad ng deployment ban ang Department of Migrant Workers sa mga first time domestic workers sa Kuwait.


Kasunod ito ng pagkamatay ng Pinay overseas worker na si Julleebee Ranara.


Bukod dito, marami na umanong ulat ng pagmamaltrato sa mga overseas Filipino

worker sa nasabing bansa.


Ayon naman sa DMW, wala pa silang pormal na komunikasyon na natanggap mula sa Kuwait patungkol sa pagpapatigil umano ng pagbibigay ng visa sa mga Filipino.


 
 

ni Gina Pleñago | April 22, 2023



ree

Sisimulan na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang land evacuation ng mga Filipino na naiipit sa kaguluhan sa Sudan sa susunod na linggo.


Ipinaliwanag ni DFA Undersecretary for Migrant Workers Affairs Eduardo de Vega, na hindi madali ang paglilikas sa mga Pinoy sa Sudan dahil hindi magagamit ang airport bunga ng bakbakan ng Sudanese Armed Forces at Paramilitary Rapid Support Forces.


Maaari umanong makipag-ugnayan sa kanila ang mga Pinoy sa Sudan sa Philippine Embassy officials via +20 122 743 6472 at via PHinEgypt Facebook messenger account.


Ang pinakamalapit na Philippine Embassy sa Sudan ay nasa Egypt pero mayroong honorary consulate ang Pilipinas sa Sudan na handang magbigay ng tulong sa mga Pinoy doon tulad ng groceries at iba pa nilang kailangan.


Una rito, kinumpirma ng DFA na isang Pinoy ang nasugatan dahil sa kaguluhan doon.


Maayos na ang kalagayan ng naturang Pinoy.


Tinatayang 350 katao na ang nasawi sa kaguluhan sa Sudan, habang nanawagan ang United Nations sa dalawang naglalabang grupo na magpatupad ng three-day ceasefire kaugnay na rin ng paggunita sa pagtatapos ng Ramadan o pagtatapos ng pag-aayuno ng mga Muslim, at para mailikas ang mga sibilyan.


Nagsimula ang kaguluhan sa Sudan nitong Sabado, sa pagitan ng dalawang military generals na nagsagawa ng kudeta at umagaw ng liderato ng bansa noong 2021.


Ang isang grupo ay pinamumunuan ni Army chief Abdel Fattah al-Burhan, habang ang kabilang grupo ay hawak ng kanyang dating deputy na si Mohamed Hamdan Daglo.


 
 

ni Madel Moratillo | April 5, 2023



ree

Matapos mapaghinalaang may lamang ilegal na droga, sinira ng mga tauhan ng Bureau of Customs sa Ninoy Aquino International Airport ang isang laruang eroplano.


Sa isang post sa social media, ikinuwento ito ng OFW na si Rachell Anne Ramos, galing sa Hong Kong, at may connecting flight pauwi sa Laoag, Ilocos Norte.


Habang naghihintay umano siya ng biyahe, may lumapit sa kanyang empleyado dahil may nakita umano sa kanyang bagahe.


Dalawang beses umanong dumaan sa x-ray machine ang kanyang bagahe at ipinaamoy din sa K-9 dog.


Kaya para matapos na umano ang hinala sa laruan ay ipinasira na niya ito para magkaalaman.


Pero matapos ito, wala namang nakita na kontrabando sa loob.


Humingi naman ng paumanhin ang BOC sa nasabing OFW dahil sa pangyayari.


Kasabay nito, iginiit naman ni BOC spokesperson at Assistant Commissioner Vincent Maronilla na bago lang ang kanilang scanning machine.


Pinag-aaralan na rin aniya nila kung posibleng mabigyan ng kompensasyon si Ramos para sa nasirang laruan.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page