top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| August 22, 2021



Dear Maestro,

Kahit ba hindi magka-compatible ang magkasintahan ay maaari rin silang magkatuluyan? Tatlong taon na kami ng boyfriend ko at nagbabalak na kaming magpakasal, pero inaalala ko na baka maghiwalay din kami kasi hindi kami compatible sa Astrology. October 15, 1996 ang birthday ko at siya naman ay May 6, 1994. Kung sakaling pumayag na akong magpakasal kami at kami ang nagkatuluyan, kahit ba hindi kami compatible, magkakaroon din kami ng maligaya at panghabambuhay na samahan?


Umaasa,

Olive ng Santo Cristo, San Isidro, Nueva Ecija

Dear Olive,

Mali ang akala mo na hindi kayo compatible ng boyfriend mo at kalimutan mo na ang pag-aakala mong ‘yan upang matuloy na ang inyong kasal.


Sa Astrology, may apat na klase ng compatibility. Una, ka-compatible mo ang isang tao, sapagkat kapwa kayo nagtataglay ng parehong elemento ng zodiac sign at ito ang Western Astrology na paniniwala. Sa kaso mo, kung ikaw ay Libra, ang mga ka-compatible mo ay ang kapwa mo air type sign na Aquarius, Gemini at kapwa mo Libra, at ito ang sinasabing “same feathers flocks together.”


Ang ikalawa ay ayon naman sa paniniwalang Oriental Astrology, kung saan ang kailangang mahanap mo ay ang nawawala mong elemento, sarili o mga traits na wala sa iyo upang ikaw ay makumpleto. Ito naman ang batas ng magnetismo na kung tawagin ay “opposite poles attract each other”. Sapagkat ang negatibong (-) bahagi ng kawad, kumbaga sa kuryente at baterya ay nangangailangan ng positibong (+) bahagi ng kawad upang mabuo at tumakbo ang current o kuryente. Sa ganitong basehan na palalalimin pa natin nang kaunti, ang nawawala mong sarili o ang kulang sa iyo na katauhan ang dapat mong mapangasawa. Kapag Valentine’s Day, ito ay tinatawag na “kabiyak ng iyong puso” at sa wikang banyaga ay “the other half”. Sa Psychology ni Carl Jung, ito ay “the meeting of the animus and the anima”. Sa kaso mo, dahil ikaw ay Libra, ang ka-opposite attract mo ay ang Aries.


Ang ikatlong klase ng compatibility ay ang lahat ng kapitbahay ng isang zodiac ay ka-compatible rin niya. Hango naman ito sa batas ng gravitation attraction ng mga planeta. Kung saan, hindi nahuhulog ang mga buntalang planeta sa solar system dahil naghahatakan, nagbibigayan at naghahawakan sila ng lakas o “gravitational force”, kaya nanatiling umiinog ang solar system sa kabila ng katotohanang ang mundo, planeta, buwan at maging ang araw ay tila mga bolang apoy na nakalutang lamang sa kawalan. Nanatili sila roon ng mahabang panahon dahil sa “gravitational attraction”. Sa kaso mo, ka-compatible ng Libra ang kapitbahay niyang zodiac sign na Virgo at Scorpio.


Samantala, may ikaapat pang uri ng compatibility at dito kayo napabibilang ng boyfriend mo. Ito ang tinatawag sa Depth Astrology o malalilamang pag-aanalisa ng mga zodiac sign at birth date ng isang tao, kung saan tinutuklas dito kung ano ang kaakibat na planeta ng isang zodiac sign. Sa kaso mo, kaakibat o ruling planet ng zodiac sign mong Libra ang Venus, na nagkataong ito rin ang ruling planet ng zodiac sign na Taurus naman ng iyong boyfriend. Sa madaling salita, pareho ng ruling planet ang inyong zodiac sign, kaya naman compatible kayong dalawa.


Hindi pa ‘yun ang malupit, sa halip, sa Depth Astrology, ang bawat zodiac sign ay kinabitan ng mga numero, ayon din sa kanyang ruling planet kung saan, ang zodiac sign mong Libra na may ruling planet na Venus ay may kaakibat na numerong six (6) at nagkataong ito naman ang birh date ninyo ng boyfriend mo.


Ibig sabihin, pasadong-pasado na magka-compatible kayong dalawa, higit lalo kung kapwa kayo mahilig sa kulay na asul, pula, violet at lahat ng kulay na kauri nito dahil ‘yun ang mapalad na kulay para sa mga taong naiimpluwensiyahan ng planetang Venus.


At dahil compatible kayo, puwede nang ituloy ang kasal at sa sandaling kayo ay nagsama at nagkatuluyan, umasa kang aani kayo ng maligaya, mabunga at panghabambuhay na pamilya.

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| August 17, 2021



Dear Maestro,

Magda-dalawang taon na kami ng boyfriend ko at sa tagal ng samahan namin, bihira kaming mag-away. Nagbabalak na kaming magpakasal sa 2023, pero nawalan ng trabaho ang boyfriend ko dahil sa pandemic at nagbawas ng tauhan sa kumpanya nila.

Kailan siya ulit magkakaroon ng regular at magandang trabaho at gusto ko ring malaman kung compatible ba kami? Gayundin, okey bang magpakasal sa 2023 o 2024, ano ang masasabi ninyo?

Ano rin ang bagay na kulay sa araw ng kasal na magbibigay sa amin ng suwerte at magandang kapalaran? November 2, 1997 ang birthday ko at July 16, 1996 naman ang boyfriend ko.


Umaasa,

Cathy ng Santa Maria, Laurel, Batangas

Dear Cathy,

Ang zodiac sign mong Scorpio at Cancer naman ang boyfriend mo ay nagsasabing compatible kayo, sapagkat ang Scorpio at Cancer ay may iisang elementong tinataglay – ang elementong tubig o water.


Habang sa Numerology naman, ang birth date mong 2 at 7 o 16 (ang 16 ay 1+6=7) naman ang boyfriend mo ay nagsasabing tugma at compatible kayong dalawa, dahil ang weak number na 2 at 7 ay kadalasang nagkakatuluyan at nagsasama habambuhay.


Hinggil naman sa Career Calendar ng iyong boyfriend na isinilang noong July 16, 1996, tinatayang sa taong 2023 hanggang 2024, magkakaroon na siya ng regular at permanenteng hanapbuhay, kaya naman okey kayong magpakasal sa taong 2024.


Dahil kapwa kayo water type sign, piliin ang earth type sign para sa buwan ng inyong kasal. Isaalang-alang ninyo ang mga buwan ng December, April, May, August at September, higit lalo sa favorable niyang petsa tulad ng 1, 10, 19, 28, puwede rin ang 9, 18 at 27 o ang mismong petsa ng inyong birth date tulad ng 7, 16, 25, 2, 11, 20 at 29, maaari ring isaalang-alang ang petsang 5, 14 at 23.


Itapat lamang ang pag-iisang dibdib sa panahong papalaki o bilog ang buwan, tulad ng first quarter, new moon o full moon. Upang tulad ng papalaki at papabulas na buwan, ganundin ang inyong kabuhayan habang kayo ay nagkakasundo at patuloy na nagmamahalan.


Mapalad namang motif sa inyong kasal ang berde o pula na siya ring secondary color ng isang Scorpio, kung saan sa nabanggit na kulay, tulad ng inaasahan, patuloy na susuwertehin at habambuhay na magiging maligaya ang inyong samahan.

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| August 15, 2021



Dear Maestro,

May asawa na ako, pero halos palaging pinagtatagpo ng tadhana ang landas namin ng ex-boyfriend ko. Minsan ay hindi sinasadyang nagkita kami sa isang department store, pero hindi naman kami nagkuwentuhan at nagbatian lang. Ang akala ko ay nagkataon lang ‘yun, pero minsan ay may inasikaso akong mga papeles, nakapagtatakang sa ahensiya ‘yun ng gobyerno pala siya nagtatrabaho, kaya tinulungan niya akong maayos agad ang mga papeles at nagkakuwentuhan kami at doon ko nalaman na hiwalay na pala sila ng asawa niya.

Pagkatapos nu’n, kumain kami at kinuha niya ang number ko. Balewala na sa akin ‘yun dahil masasabi kong happy naman ako sa aking pamilya.

Ngunit ang hindi ko lubos maisip ay nang minsan namang magbabayad ako ng electric bill, ang haba ng pila at magla-lunch break na, kaya sa isip-isip ko ay parang hindi ako aabutin, nang may tumapik sa likuran ko at nandu’n pala siya, tapos may kakilala siya sa loob kaya madali ulit akong nakapagbayad ng bill. Kaya nang yayain niya akong mag-lunch, hindi ko na siya natanggihan pa.

Maestro, naniniwala ka ba sa soulmate? Kasi iniisip kong baka siya talaga ang soulmate ko, palagi kasi kaming nagkikita nang hindi sinasadya, pero paano naman mangyayari ‘yun kung may asawa at pamilya na ako?

Sa ngayon, ang laki ng sampalataya at pakiramdam ko na muli kaming magkikita at kapag nangyari ‘yun, alam kong hindi ko na maiiwasan pang itago ang dating damdamin ko sa kanya at aaminin kong mahal ko pa rin siya.

Sa palagay mo, Maestro, tama ba ang pakiramdam kong muli kaming pagtatagpuin ng tadhana at kapag nangyari ‘yun, may mabubuong relasyon sa aming dalawa, na siyang kinatatakutan kong mangyari? May 15, 1988 ang birthday ko at January 3, 1988 naman siya.


Umaasa,

Dianne ng Santo Cristo, San Antonio, Nueva Ecija

Dear Dianne,

‘Yan ang tinatawag na hiwaga ng pag-ibig, kung saan minsan, kahit alam ng mga taong umiibig na ilegal at napaka-immoral na ang gagawin o ginagawa nila, nagugulat sila dahil hindi nila mapigil ang intensity ng tumitindi at patindi pa nang patinding damdamin na tinatawag nilang pag-ibig.


At minsan, ang isa pang mahiwaga, kung saan ang dalawang taong halos gumagawa na ng kasalanan ay para bang nakikiayon pa ang panahon o sitwasyon sa hangal na pagmamahalan. Madalas, ang akala ng dalawang pusong gumagawa ng kasalanan ay itinatakda na mag-ibigan sila at kapwa sila magkasala.


Kaya ang tamang payo, Dianne, pigilin mo ang iyong damdamin kahit na muling dumating ang sitwasyong pagtagpuin na naman ng tadhana ang inyong landas.


Sa ganyang paraan, magagawa mong manatiling matuwid at naging mabuting babae para sa iyong asawa at mga anak.


Ang masakit lamang ay sadyang compatible talaga ang zodiac sign mong Taurus at Capricorn naman siya, gayundin ang birth date mong 15 at 3 naman siya. Ang mga ito ay nagsasabing kung hindi ninyo pipigilin ang inyong sariling damdamin at muling nakiayon sa inyo ang langit, masasabing hindi man soulmate na matatawag, para na ring sadyang itinakda kayo ng tadhana sa isa’t isa — sa isang mali, hangal, may kilig at nakakakaba, pero masaya at maaaring panghabambuhay na pag-ibig.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page