ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| April 21, 2021
Dear Maestro,
Matagal-tagal na akong sumusubaybay sa inyong mga artikulo at natatandaan ko na sabi n’yo, compatible ang Libra at Aquarius dahil pareho silang air type sign, pero bakit ganu’n, bagong kasal pa lang kami at wala pang isang taon nagsasama, marami na agad kaming bagay na hindi pinagkakasunduan at madalas na kaming mag-away? Nakakahiya man sabihin, ang isang Aquarius pala ay hindi araw-araw na naliligo, samantalang ako ay madalas dahil sa sobrang alinsangan, sa umaga ay naliligo ako at sa gabi bago matulog. Samantalang ang mister ko, minsan lang siya maligo sa isang linggo. Hindi ko nga alam kung nagtitipid siya ng tubig o talagang hindi niya hilig ang maligo.
Ang isa pang napansin ko, napakatahimik niya at kung hindi ko siya kausapin at kuwentuhan, hindi siya nagse-share sa akin ng kanyang mga problema. Napakaseryoso niyang tao at hindi tulad noong nililigawan niya ako na may paka-komedyante ang dating niya. Sa totoo lang, ang mga pagpapatawa niya ang isa sa mga nagustuhan ko at hindi rin siya mahilig sa artista o entertainment, pero sobrang hilig niya sa basketball.
Sa pagpili pa lang ng ulam ay nagtatalo at nagkakagalit na kami kasi magkaiba kami ng gusto. Hindi rin siya showy pagdating sa feelings, pero pagdating sa pagtatalik, kakaiba talaga siya na kung minsan ay hindi ko masakyan. Maestro, sa palagay mo ay magtatagal ba ang relasyon namin na sa tingin ko ay mas maraming incompatibility o hindi pagkakasundo kaysa sa compatibility? October 4, 1995 ang birthday ko habang siya naman ay February 16, 1992.
Umaasa,
Mrs. Libra ng Gen T. De Leon, Valenzuela City
Dear Mrs. Libra,
Compatible kayo ng mister mo dahil ang birth date mong 4 ay siya ring numero ng mga Aquarius. Bukod kasi sa pagiging Aquarius nila, tulad ng naipaliwanag na, lapitin sila ng mga numerong 4 at 8, kaya na-magnet mo siya, higit lalo kung ikaw ay medyo chubby, sexy at maganda.
Samantala, lumalabas lang ang hindi n’yo pagkakasundo dahil sa totoo lang, isip bata ka pa ngayon, na isa sa katangian ng mga Aquarius. Kumbaga, hindi n’yo napapansin na kayo ay may pagka-demanding, ibig sabihin, kahit Libra ang zodiac sign mo, “may pagka-Aquarius ang personality mo”, na lihim niyang nagustuhan sa iyo.
Ang bagay naman na ‘yan ang nagugustuhan sa iyo ng mister mo dahil ikaw ay may malalim at kakaibang pagkatao. Kumbaga, kakaiba ka at sa lahat ng naging girlfriend niya, hindi niya lang masabi sa iyo na iba ka sa lahat.
Samantalang ganu’n ka rin sa kanya, hindi mo lang masabi na sa lahat ng naging boyfriend mo, siya ang pinaka-weird at kakaiba. Unconsciously, tulad ng naipaliwanag na, ang incompatibilities n’yo na ‘yan ang lalong nagseselyo ng inyong “bonding” o nagpapatibay sa inyong pagmamahalan.
Hindi mo lang alam, parang may nakikita ka sa kanya na hindi mo maipaliwanag sa kabila ng mga negatibong katangian niyang pinapansin mo ngayon. Parang ang palaging sinasabi ng unconscious self mo, “Bakit kaya ganito ang taong ito, pero ewan ko kung bakit mahal ko pa rin siya sa kabila ng lahat?”
Ganundin siya sa iyo, sa kabila ng pagka-demanding mo, na halos nanay na ang turing niya sa iyo dahil andami mong pinababago sa kanyang personal na buhay, hindi niya rin maipaliwanag kung bakit mahal na mahal ka pa rin niya.
‘Yan ang hiwaga ng pag-ibig at compatibility na nagaganap sa inyong dalawa. At dahil bagong kasal pa lang kayo ay unti-unti n’yong matutuklasan ang mas malalim at marami pang hiwaga ng inyong pagkatao at habang tinutuklas n’yo ang malalim na sisidlan ng inyong personalidad, ito ang lalong magpapalalim at magpapatibay ng inyong pagmamahalan.
Ang totoo kasi nito, sa 12 zodiac signs, Aquarius ang pinaka-abnormal na nilalang, at ‘yun ang mister mo. ‘Wag kang matuwa dahil sa siyam naman na numero, mula 1 hanggang 9, ang mga taong isinilang sa petsang 4, 13, 22, at 31, tulad mo ay siya namang hindi rin gaanong normal na nilalang.
Ibig sabihin, pareho kayong may pagka-weird o kapwa kayo espesyal at pambihirang nilalang. At dahil sa pagiging iba ng inyong relasyon at pagmamahalan, tuloy-tuloy na iinog ang mundo at bawat araw, patuloy n’yong tutuklasin nang may tuwa at pagtataka ang hiwaga ng inyong personalidad hanggang sa tumanda na kayo, na hindi pa rin naghihiwalay.
At habang lumalaon, katulad ng biskotsong tinapay, lalong titigas at sasarap ang inyong pagmamahal. Parang harina at asukal na dinarang sa mainit na pugon, hindi na magkakahiwalay ang binuo n’yong relasyon kahit masunog pa ito. Dahil ang totoo nito, tunay ngang natagpuan mo ang iyong anino sa kanya habang siya naman ay gaundin.
Ito ang tinatawag na “shadow” kung ang psychologist na si Carl Jung ang magsasalita. Ang shadow na ito ay palagi mong kasama, pero asar at inis ka sa kanya. Samantalang si “shadow” mo na kumakatawan sa iyong mister ay naguguluhan din sa iyo, pero kahit anong iwas, tanggi at ano pa ang gawin n’yo sa isa’t isa, hindi n’yo magagawang magkahiwalay. Dahil tulad ng nabanggit, ang inyong anino at panloob na pagkatao ay itinakda bago pa kayo isinilang upang magsama habmbuhay.
Dahil dito, ang sumatotal, hindi na mawawala ang mga bagay na iniisip mo sa kanya na negative, pero wish mo lang na baguhin nya, ngunit hindi niya ‘yun babaguhin. Samantalang ikaw naman ay pinag-iisipan din niya ng hindi mo magagandang katangian, pero alam naman niyang ang mga katangian mong ito ang nagustuhan niya sa iyo. Habang ganu’n nang ganu’n ang mga pangyayari, patuloy na gugulong ang inyong relasyon na sadyang mahiwaga ngunit maligaya, dahil noon pa man ay itinakda na kayo ng tadhana upang habambuhay na magsama.
Hanggang sa matuklasan n’yo ang lihim ng inyong masaya at kakaibang relasyon, na minsang ipinaliwanag, libu-libong taon na ang nakararaan ng Greek philosopher na si Aristotle, “Love is composed of a single soul inhabiting two bodies.”
