- BULGAR
- May 6, 2021
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| May 06, 2021
Dear Maestro,
Naisipan kong sumangguni sa inyo upang alamin kung ano ang aking kapalaran sa aspetong pinansiyal? Isinilang ako noong September 11, 1979, gusto kong malaman kung masuwerte ba ako sa negsoyo at may pag-asa rin ba akong yumaman?
Umaasa,
Devie ng San Agustin, San Simon, Pampanga
Dear Devie,
Para suwertehin ang isang tao sa negosyo, anuman ang zodiac sign at birth date, ang unang tanong dapat ay ganito, “Sino ba ang makakasama niya sa nasabing negosyo?”
Sa katulad mong Virgo, mapalad ka sa mga kasama sa negosyo na may zodiac sign na Taurus, Capricorn, Libra at kapwa mo Virgo, higit lalo silang may mga birth date na 5, 14, 23, 8, 17, 26, 1, 10, 19 at 28.
Ang ikalawang tanong naman ay, “Ano ang nature o uri ng kanyang negosyo?”
Ikatlong tanong, “Matipid ba siyang tao o siya ay isang bulaksak o magastos na nilalang? Mayabang ba siya o low profile sa lipunang kanyang ginagalawan?”
Sa mga inilahad na katanungan sa itaas, nangangahulugan na susuwertehin lang ang isang tao sa negosyong kanyang pinasok kung ka-compatible o suwerte sa kanyang buhay ang mga taong makakasama rito. Halimbawa, suwerteng tindera, ahente, sekretarya o sinuman ang kasa-kasama sa kanyang business office o site.
Pangalawa, suwerte ba sa iyo ang negosyo o kalakal na ibinebenta mo? Halimbawa, kung ikaw may zodiac sign na Virgo, “earth or lupa” ang elemento mong tinataglay. Kaya ang dapat mong maging negosyo ay may kaugnayan din sa earth o lupa. Bukod sa “earth” ang iyong elemento, dapat ding isaalang-alang kung ano naman ang suwerteng negosyo sa ruling planet ng Virgo na Mercury.
Pangatlo, saang lugar ka ba magnenegosyo? Ito ay dahil may mga negosyong minamalas dahil mali ang lugar o puwesto. Habang madali namang pinagpapala ang isang negosyo kapag suweto o angkop na lugar ang napuwestuhan o napuntahan niyang business site.
At ang pang-apat, pinakamahalaga sa lahat ay ang attitude o ugali ng taong nagnenegosyo.
Halimbawa, mayabang ang nasabing tao kung saan pinipilit niyang imintina ang kanyang negosyo kahit “tulak” o “paluwal” na siya dahil sa sobrang laki ng upa sa puwesto, ayaw niyang bitiwan ang nasabing negosyo, masabi lang kasi na may negosyo siya kahit na baon na siya sa utang. Dahil mayabang, imbes na umasenso, hindi lamang ang negosyo kundi pati ang buhay niya, lalo lang nababaon sa mga pagkakautang.
Kung ganu’n ang ugali ng isang tao, na nagnenegosyo lang para magmayabang at masabing may negosyo kahit tadtad na ng utang, ikaw na ang sumagot sa tanong na, “Susuwertehin ba sa negosyo ang ganu’ng klase ng tao na ang tunay na motibo ng kanyang unconscious na isipan ay ang magmayabang lang?”
Tunay ngang marami pang bagay na dapat isaalang-alang upang mabatid kung ang isang tao ay susuwertehin sa negosyo at ang mga bagay na ‘yan ang ipaglilikod natin sa susunod na mga araw.
Samantala, Devie, sundin mo muna ang mga “sure tips” na inilahad sa itaas at makikita mo na sa susunod na taong 2022 at sa edad mong 43 pataas, susuwertehin, uunlad at tuloy-tuloy ka nang sasagana sa kahit anong negosyong maisip mo hanggang sa tuluyan ka na ring yumaman at umangat ang kabuhayan na nakatakdang maganap sa taong 2034 sa edad mnong 55 pataas.
