top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| June 25, 2021



Dear Maestro,

May crush ako na isinilang noong August 16, 1995 habang December 20, 1996 naman ang birthday ko. Gusto kong malaman kung compatible ba kami at may pag-asa bang maging kami? Ang balita ko kasi, may iba siyang nililigawan at hindi ko matiyak kung crush niya rin ako, basta kapag nagkikita kami ay nagtatanguan at nagbabatian lang kami.

Sa palagay n’yo, crush din ba ako ng lalaking ito, compatible ba kami at may pag-asa bang siya ang unang magiging boyfriend ko?

Umaasa,

Maricel ng Bagong Pook, Santa Maria, Laguna

Dear Maricel,

Ang birthday mong December 20, 1996 ay nasa pagitan ng zodiac sign na Sagittarius at Capricorn dahil mga ilang araw na lang, lilipat na sa sign na Capcriorn ang dating sign na Sagittarius nang ikaw ay isilang. Ibig sabihin, may pagka-double personality ka dahil may pagka-Sagittarius at Capricorn ang iyong birth date na December 20, habang ang crush mo naman ay walang alinlangan na isang Leo.


Kung mahilig kang magsuot ng kulay na pula, asul o marami kang damit na ganyan ang kulay, higit na umiiral sa iyong kapalaran ang pagiging Sagittarius, na nangangahulugang compatible ng Leo, sa dahilang ang Leo at Sagittarius ay may iisang elementong tinataglay at ito ay ang elementong fire o apoy.


Ngunit kung wala o kakaunti ang damit mong kulay asul at pula, sa halip ay mas marami kang damit na kulay itim, mas matindi ang pagiging Capricorn ng iyong personality, kaya malabong maging crush ka rin ng lalaking Leo na crush mo.


Gayunman, kung purong Numerology ang pagbabatayan, ang birth date mong 20 o 2 (ang 2- ay 2+0=2) ay sadyang tugma sa birth date na 16 o 7 (ang 16 ay 1+6=7) ng crush mo. Sapagkat sa pang-istatistikang pagtaya, maraming isinilang sa petsang 7, 16 at 25, ang nakatuluyan silang mga isinilang sa petsang 2, 11, 20 at 29. Ibig sabihin, kung Numerology ang pag-uusapan, tulad ng naipaliwanag na, tugma at compatible kayong dalawa.


Upang matiyak kung siya ang unang magiging boyfriend mo, kailangang pumasa sa qualification ang nabanggit na lalaki, kung saan ang unang magiging karelasyon mo ay may kayumangging kulay ng balat, medyo malaki ang pangangatawan at higit sa lahat, tahimik at may pagka-mahiyain kung umasta.


Kung ganyan ang porma ng lalaking binabanggit mo, ayon sa iyong Love Calendar, sa taon ding ito ng 2021, sa buwan ng Nobyembre hanggang Disyembre at sa edad mong 24 pataas, kahit may iba siyang nililigawan, tiyak na siya na ang una at kahuli-hulihang magiging boyfriend mo.

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| June 24, 2021



Dear Maestro,

Bakit palagi akong bigo sa pag-ibig at pakikipagrelasyon? Tatlong beses na akong nagmahal, ngunit tatlong beses na rin akong nabigo at lumuha. Sa ngayon, isa akong single mom dahil naghiwalay kami nu’ng huling live-in partner ko at sumama siya sa ibang babae.

Sa ganitong kalagayan ng aking buhay, sa iyong palagay, Maestro, may pag-asa pa ba akong lumigaya at makasumpong ng simple pero masayang pamilya? January 13, 1984 ang birthday ko.

Umaasa,

Annie ng Tabang, Guiguinto, Bulacan


Dear Annie,

Kaya palagi kang bigo sa pag-ibig ay dahil magulo at nababoy ang iyong lagda. Pagsikapan mong makalikha ng simpleng “A” sa unahang bahagi ng iyong lagda, na wala nang malaking bilog pa sa tuktok.


Habang kapag tinapos mo naman ang iyong apilido sa iyong pirma, hindi mo na dapat pang ibalikwas pakaliwa ang dulong letrang “n”. Sa halip, tuluy-tuloy mong tapusin ang pirma sa direksiyong kanan nang hindi na ibinabalik pa sa kaliwa ang pinakapaa ng letrang “a”. Sa ganyang pirma, ‘pag walang bilog ang tuktok ng letrang “A” at hindi na rin burara ang nasabing lagda, tulad ng naipaliwanag na, hindi pa huli ang lahat dahil sa takdang panahong inilaan ng kapalaran, makasusumpong ka na ng isang wagas at panghabambuhay na pakikipagrelasyon.


Habang, ayon naman sa birth date mong 13 o 4 (naging 4 ang 13 dahil ang 13 ay 1+3=4), ito ay nagsasabing kung tatlong beses ka nang nabibigo sa pag-ibig at pakikipagrelasyong iyong napasukan, malaki ang pag-asa na sa ikaapat na pakikipagrelasyon, papalarin at susuwertehin ka. Nangyari dahil ang numerong 4 ang magiging significant o mahalagang pangyayari sa iyong buhay, kaya malaki ang posibilidad na sa ikaapat na pag-ibig, maaaring makasumpong ka na ng isang panghabambuhay at maligayang pamilya.


Mas madaling mangyayari ang pag-aanalisang nabanggit kung sa susunod na pakikipagrelasyon ay hahanap ka ng lalaking isinilang sa zodiac sign na Virgo, Taurus, Cancer o kapwa mo Capricorn, na may birth date na 7, 16, 25, 2, 11, 20 at 29. Sa piling ng nasabing lalaki, may pangako ng isang maligaya at panghabambuhay na pag-aasawa.


Habang, ayon sa iyong Love Calendar, nakatakda mong matagpuan ang nasabing ikaapat at panghabambuhay na pag-ibig sa taong 2022, sa edad mong 38 pataas, na hatid ng lalaking nagtataglay ng zodiac sign na Virgo.

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| June 19, 2021



Dear Maestro,

Isinilang ako noong May 2, 1991, compatible ba kami ng aking boyfriend na isinilang noong January 7, 1992 at kami na ba ang magkakatuluyan? Madalas nang may nangyayari sa amin at gusto niyang magpakasal na kami bago ako mabuntis. Sa ngayon, hindi naman ako nag-aalala o kinakabahan dahil hindi naman nade-delay ang monthly period ko.

Ang iniisip ko kasi, kung talagang compatible kami, kapag pinakasalan ko siya at nagsama kami ay wala akong pagsisisihan. Ayaw ko kasing matulad ako sa nangyari sa mga kapatid ko na pagkatapos ikasal ay naghiwalay din sila. Sana ay masagot n’yo agad ang liham kong ito dahil madalas akong pinipilit ng boyfriend ko na magpakasal, pero ako ang nagdadalawang-isip. Siya na ba talaga ang lalaking katakada sa aking kapalaran?


Umaasa,

Bhea ng Santa Ana, San Mateo, Rizal

Dear Bhea,

Dahil ikaw na ang niyayayang magpakasal ng boyfriend mo, ibig sabihin ay dalisay ang hangarin niya sa iyo, habang ikaw na hindi pa sigurado gayung sabi mo nga ay madalas nang may nangyayari sa inyo at 30 na ang edad mo sa kasalukuyan.


Kunsabagay, may katwiran ka rin naman na kung magpapakasal at mahihiwalay din lang, sayang ang handa, seremonya at papeles sa kasal na hindi basta-basta napawawalang-bisa. Para bang ang lumalabas nito ay naninigurado ka lang na kung sino ang pakakasalan mo ay siya na nga ang lalaking makakasama mo habambuhay.


Salamat na lang, sapagkat halos ganu’n nga ang posibleng maganap dahil ang zodiac sign mong Taurus ay sadya namang compatible sa zodiac sign na Capricorn ng boyfriend mo. Habang sa Numerology ay ganundin, ang birth date mong 2 ay compatible o tugma sa birth date niyang 7.

Samakatuwid, dapat pumayag ka na sa kasal na alok ng boyfriend mo dahil ang mga numero at zodiac sign ang kumumpirma na compatible kayo at kapag kayo ang nagsama, may pangako ng panghabambuhay, maunlad at maligayang pag-aasawa.


Habang, ayon sa iyong Love Calendar, magandang mag-asawa sa taong 2022 hanggang 2023, sa buwan ng Mayo hanggang Hulyo o Oktubre hanggang Disyembre. Kung sa panahong nabanggit kayo magpapakasal, makakasiguro kayo ng isang maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page