- BULGAR
- Jul 8, 2021
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| July 08, 2021
Dear Maestro,
Ako ay jeepney driver at halos nawalan na ako ng kinikita mula nang magkaroon ng pandemya. Sa edad kong 29, may girlfriend ako at mag-aapat na taon na kami. Gusto niya nang magpakasal, kaso hindi ko pa kayang magpamilya at wala rin akong ipong pampakasal. Ang tanging inaasahan ko lang para magkapera ng malaki-laking halaga ay ang pagtaya sa lotto, pero hindi naman ako tumama. Kaya sana ay mabigyan n’yo ako ng gabay kung ano ang dapat kong gawin upang magkaroon ako ng malaking halaga para mapakasalan ang aking nobya at makapagsimula ng sariling pamilya.
Gusto ko ring malaman kung compatible ba kami ng girlfriend ko na isinilang noong May 3, 1991? September 18, 1992 naman ang birthday ko.
Umaasa,
Virgo Boy ng Bancal, Meycauayan, Bulacan
Dear Virgo Boy,
Ang birth date mong 18 o 9 (ang 18 ay 1+8=9) at 3 naman ang birth date ng girlfriend mo ay nagsasabing compatible kayo dahil kapwa kayo nasasakop ng numerong tinatawag na series of 3-6-9, kung saan habang patuloy kayong nagmamahalan, patuloy ding darating ang suwerte at magandang kapalaran sa inyong buhay.
Ganito ang paggamit ng inyong numero na 9 at 3 na may ruling planetang na Mars at Jupiter upang higit n’yong mapakinabangan nang husto ang kanyang kapangyarihan.
Pagkatapos n’yong mag-date, halimbawa ay maghapon kayong magkasama at masayang-masaya kayong dalawa na halos ayaw n’yo nang matapos ang araw at ayaw n’yo nang maghiwalay, kapag ganu’n ang feeling o pakiramdam, saka kayo makipagsapalaran sa kahit anong number games. Sa ganu’ng paraan, walang mintis na tatama kayo ng malaking halaga.
Isa pang halimbawa, nanood kayo ng sine at buong pagmamahalang nagromansahan kayo at dahil du’n, pakiramdam n’yo ay ang sarap-sarap talaga na tila bitin na bitin pa nga, ang senaryong nabanggit ay napakaganda ring pahiwatig o pahimakas. Kaya bago kayo tuluyang maghiwalay upang umuwi, dumaan muna kayo sa lotto outlet na may pulang dingding o pinto at may teller na mahaba ang buhok. Kapag nagawa n’yo ‘yan, mas madali n’yong masasapol ang jackpot.
Mapalad para sa inyong magkarelasyon ang kulay na red, violet, lavender, purple at maroon, higit lalo sa mga petsang 3, 12, 21, 30, 6, 15, 24, 9, 18 at 27, partikular kung ang mga petsang nabanggit ay natapat sa araw ng Martes, Huwebes at Biyernes.
Maganda namang magpakasal sa susunod na taong 2022 hanggang 2023, sa mga piling buwan ng Abril, Mayo, Setyembre at Oktubre sa katulad ding petsa at araw na binaggit na sa itaas.
Ayon sa Decadens ng Kapalaran, kung susundin n’yo ang mga rekomendasyong inilahad sa itaas, tiyak ang magaganap sa susunod na taong 2022 hanggang 2023, sa edad mong 30 pataas at 31 naman ang girlfriend mo, may malaking halagang maibubulsa, sapat upang matuloy ang simple ngunit masayang kasalan na hahantong sa pagbuo ng maunlad at maligayang pagpapamilya habambuhay.
