top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| July 22, 2021



Dear Maestro,

Naniniwala ako sa puwersa ng mga numero sa buhay ng tao, sa iyo at sa iyong kaalaman, kaya naisipan kong sumangguni. Maaari n’yo ba akong bigyan ng gabay sa pagpili ng suwetong tao para sa aking personalidad batay sa mga numero? May dalawang foreigner akong manliligaw at ayaw kong magkamali sa susunod kong pakikipagrelasyon dahil nasaktan na ako noon ng kapwa Pinoy, at kung may papait pa sa ampalaya sa pag-describe ng sinapit ko sa kanya, ‘yun na ‘yun!

Ang kaarawan ko ay August 16, 1977, habang ang isa kong manliligaw ay January 3, 1972 na una kong nakilala na pino ang kilos at malambing magsalita. Habang ‘yung isa naman ay February 19, 1975 na maliksi ang kilos at may pagka-bruskong manalita. Pero pareho naman silang mabait at may ipinapangako. Gusto ko ang mga numerong 1, 10 at 19 dahil may mahahalagang pangyayari sa buhay ko ang mga petsang ito – malungkot na masaya.

Sino sa dalawang foreigner na ito ang dapat kong piliin upang magkaroon ako ng matagumpay at maligayang pag-aasawa?


Umaasa,

Lewelyn ng San Pablo, Dinalupihan, Bataan

Dear Lewelyn,

Nangyaring mahalaga sa iyo ang mga numero at petsang 1, 10 at 19, ‘yan kasi ay may sumatotal na one (1), kung saan ‘yan din ang numero ng zodiac sign mong Leo. Kaya walang katanggi-tanggi, umiiral sa iyo ang impluwensiya ng Leo. Kaya imagine, 43 years old ka na, pero confident ka pa rin sa iyong love life at sa mismong buhay mo.


Ganyan kasi ang mga Leo o sabihin na nating ganyan sila kagaling, hindi sila nawawalan ng tiwala sa kanilang sex appeal at assets. Kumbaga, mayabang sila at laging buo ang loob, kaya akala ng mga nakakikilala sa kanila ay talaga namang masayahin sila, pero kwidaw ka sa isang sulok, madalas mo rin silang matatagpuang lumuluha habang nag-iisa.


Samantala, sa tanong na sino ang ka-compatible mo sa dalawang manliligaw mong foreigner, siguradong si February 19, 1975 ang ka-compatible mo. Ito ay dahil ang zodiac sign niyang Aquarius ay ka-opposite attract ng Leo kung saan sa ikalawang teorya ng compatibility, ito ang tinatawag na “complimentary attractions”. Kumbaga, dilim ng gabi at liwanag ng araw, na hindi puwedeng paghiwalayin dahil sa paglubog ng araw o paglatag ng dilim at sa pagsikat ng araw at pagkalat ng liwanag at muling pagsikat ng araw, sinusukat ang usad at galaw ng panahon.


Para ring “ganda at pangit”, hindi maide-describe ang maganda kung walang pagbabatayan ng pangit. Pero sa totoo lang, tulad ng nabanggit na, kahit sila ay opposite, complementary attraction o ang pagiging compatible ay namamayani sa kanila.


Para ring lalaki at babae, ito ang tinatawag na feminine at masculine energy, na siya ring larawan ng yin at yang. Magkabaliktad, pero kapag nagsama, may kakaiba at mabisang lakas na kumukulapol sa kanilang relasyon.


Ang problema lang sa mga taong may birth date na 1, 10, 19 at 28, parang ikaw din, minsan may pagkabulabog ang kanilang personalidad, kaya habang nagaganap ang inyong relasyon, maaari ka niyang lokohin o maaaring sa kasalukuyan ay dalawa kayo sa buhay niya.


Kaya kung sakaling pag-aasawa na tahimik at walang gaanong stress na pamilya, hindi inirerekomenda sa iyo ang taong isinilang sa petsang 19. Subalit, sila ang katugma mo at sa kanila ka magiging maligaya, lahat ng taong may birth date na 1, 10, 19 at 28, gayundin silang may birth date na 4, 13, 22 at 31.


Samantala, kung gusto mo namang yumaman at walang masyadong conflict ang pag-aasawa, okey na okey ang Capricorn, na kapag nagtagal-tagal ay a-underin mo lang dahil ang mga may birth date na 12 ay mahilig magtiis at magsakripisyo alang-alang sa kanilang minamahal.


Kaya kung mabait na asawa — kasi sa totoo lang, hindi mabait siyang isinilang sa February 19, 1975 sa halip nagbabait-baitan lang — ang hanap mo, kahit hindi mo masyadong ka-compatible sa zodiac sign pero katugma mo pa rin sa destiny number mong 3, si January 3, 1972 ang dapat mong piliin. Dahil dito, makatitiyak ka ng tahimik, pero hindi masyadong masaya at maraming pera, gayundin, siya ay isang mabait na asawa.

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| July 17, 2021



Dear Maestro,

Nagkaroon na ako ng maraming boyfriend, pero nagtataka ako dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin ako nakapag-aasawa. May boyfriend ako, pero nagdadalawang-isip pa rin ako sa kanya. Isinilang siya noong December 8, 1989 habang ako naman ay isinilang noong September 9, 1988, compatible ba kami?

Sa edad kong ito, kailan ako makapag-asawa at kapag may pamilya na ako, magiging maligaya at successful ba ito?


Umaasa,

Cindy ng Santa Cruz, Alicia, Isabela

Dear Cindy,

Hindi ka na makapag-aasawa sa sandaling nanatili o palagi nang umiiral sa iyong buhay ang tipikal na ugali ng Virgo na perfectionist. Bukod pa rito, masyado rin silang detalyado, kaya imbes na makita nila ang napakagandang kabundukan o kagubatan, ang mas nakikita nila ay ang kaisa-isang nabubulok na puno sa nasabing bundok o kagubatan.


Samantalang ang malungkot nito, ‘yung pagiging perfectionist ng Virgo ay nahaluan pa ng hindi naman perfectionist na birth date mong 9. Bagkus, sobrang mapili sa lahat ng bagay, lalo na sa pag-ibig. Ang gusto kasing mapangasawa ng mga Taong Nueve, kabilang din silang may bitbit na numerong 18 at 27 ay mas magaling at higit sa kanila, lalo na sa kalagayang panlipunan.


Sabagay, hindi natin sila masisisi dahil higit silang nagiging maligaya kung ang iibigin nila ay mas magaling sa kanila o ‘the best’ na tao sa buong mundo.


Ang masakit, kaya natatagalang makapag-asawa ang mga Taong Nueve ay dahil akala nila ay ubod ng galing nila, kaya naman wala sila halos makitang mas magaling pa sa kanila. Gayunman, hindi naman nila nalalaman o unconsciously, sila na ang taong pinakamagaling sa mundo.


Bagama’t hindi nila aaminin ang bagay na ‘yan, mababakas naman ang attitude na ‘yun sa panahong sila ay tumatandang dalaga o binata na. Akala ng iba ay mapili siya, pero ang totoo ay wala lang talaga siyang mapili na babae o lalaking hihigit pa sa kanya.


Kaya kapag professional ang Taong Nueve o masyadong malayo na ang naabot ng kanyang career, malamang na tumanda siyang dalaga o binata, hindi tulad ng mga Taong Nueve na hindi naman nakaabot ng mataas na career, mas madali nilang mahahanap ang tao na mas magaling sa kanila, kaya mas madali silang makapag-aasawa.


Suwerte naman ang mga Taong Nueve dahil ‘wag lang aabutin ng pagtandang binata o dalaga, napapangasawa naman talaga nila ang mga taong mas magaling sa kanila, kaya kahit papaano ay nagiging maligaya sila sa kanilang buhay.


Ang walang kuwenta sa Taong Nueve, kapag siya ang napangasawa mo at nagkataong hindi ka naman Taong Otso o Uno, tiyak na a-under-in ka niya dahil masyado silang ma-pride o mayabang. Kaya kapag naging mag-asawa ang Taong Nueve at Uno (tulad ng 9, 18 at 27 at 1, 10, 19 at 28), mas malamang na gumuho at maghiwalay din sila ng landas, maliban na lang kung may isa sa kanila ang kusang loob na magpapa-under sa kanilang asawa.


Samantala, ang boyfriend mo na may birth date na December 8, 1989 ay ka-compatible mo sa Numerology. Kaya kung siya ay mas magaling sa iyo, halimbawa’y college graduate ka habang ang boyfriend mo ay ganundin at may mas malaking suweldo sa iyo, posibleng kahit medyo ayaw mo sa kanya, siya na ang mapapangasawa mo dahil iiral ang likas na talino ng Virgo. Ito ay dahil sa edad mong 32 pataas, iniisip mong hindi ka dapat tumandang dalaga, kaya bibilisan mo rin ang pagdedesisyong makapag-asawa. At kahit hindi mo masyadong ka-compatible sa Astrology, basta ka-compatible mo sa Numerology, mas mahalaga ay ang unconscious mong pamantayan sa pagpili ng mapapanagsawa.


Kung “oo” ang iyong sagot, siya na ang mapapangasawa at makakasama mo habambuhay. Sa medyo magulo sa simula at maraming problemang relasyon, dahil strong number ang 9 at 8, sa bandang huli, kapag may natutong magpakumbaba o kusang magpa-under, tiyak ang magaganap. Kahit papaano ay magiging maligaya, maunlad at panghabambuhay ang nasabing relasyon, at nakatakdang maganap ang nasabing pag-aasawa sa taong 2023 sa edad mong 35 pataas.

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| July 12, 2021



Dear Maestro,

Naisipan kong kumonsulta sa iyo tulad ng inyong mga fan dahil nais ko ring mabatid ang aking kapalaran. Isinilang ako noong January 6, 1999, ano ang kapalaran na naghihintay sa akin? Marami kasi akong mga pangarap na gustong marating, higit lalo sa pag-aaral, subalit pinanghihinaan ako ng loob.

Hindi ko alam kung ano ang nararapat kong gawin upang maabot ko ang aking mga pangarap sa buhay. Marami kasing hadlang sa plano ko, lalo na sa usaping pampinansiyal. Mahirap pala kapag mag-isa mong hinaharap ang buhay dahil kapag may nais kang abutin, wala sa iyong tumutulong. Wala kasing sumusuporta sa akin, itinataguyod kong mag-isa ang aking sarili para makapag-aral at paminsan-minsan ay nagpapadala pa ako ng pera sa nanay ko.

Sa ngayon, iniisip ko na lang na kumuha ng training para maging care giver. Sana isang araw ay dumating din ang suwerte sa akin at sa aming pamilya, pero sa paanong paraan mangyayari ‘yun, Maestro? Sana ay magabayan mo rin ang aking buhay upang ako ay suwertehin at magtagumpay.


Umaasa,

Cherry ng Bagbag, Novaliches, Quezon City

Dear Cherry,

Dahil ikaw ay babae, ayon sa birth date mong January 6, 1999, lalaki ang magiging suwerte mo. Sa mas malinaw na salita, susuwertehin ka sa lalaki, kaya ang kailangan ay magkaroon ka ng boyfriend o asawa na may kaya sa buhay o mayaman dahil ‘yun ang daan upang matupad ang lahat ng iyong mga pangarap at sobra pa sa mga ito ang posibleng mangyari.


Bukod kasi sa mga taong may birth date na 5, 14 at 23, na sinusuwerte at yumayaman sa pag-aasawa, ang mga taong may birth date na six (6) tulad mo ay ganundin. Kaya lang, laging may problema sa puso at damdamin, pero alisin mo ang usapang damdamin, emosyon at pag-ibig, talagang lulutang ang isa sa pinakamapalad na numero sa aspetong propesyon at materyal ay ang mga taong may birth date na 6, 15 at 24, kung pipilitin nilang magka-boyfriend o makapag-asawa ng mayaman.


Kaya kung halimbawang nagka-boyfriend ka na tulad mong “manlulupa” o halos wala ring makain at nagkawindang-windang ang buhay mo at lalo kang naghirap nang ikaw ay magka-pamilya, ‘wag mong sisihin ang kapalaran dahil ngayon pa lang ay ipinapaalam at ipinapaliwanag ko na sa iyo na makakaahon ka sa kahirapan sa pamamagitan ng may kaya, mayaman o nakapag-aral na lalaking magiging boyfriend at mapapangasawa mo.


Samantala, bukod sa nasabing sikreto, upang siguradong makatagpo ka ng nabanggit na tipo ng lalaki, palagi ka ring magsuot ng kulay na pula tuwing sasapit ang mga petsang 3, 12, 21, 30, 6, 15, 24, 9, 18 at 27, higit lalo kung ang nasabing mga petsa ay natapat sa araw ng Martes, Huwebes at Biyernes.


Kapag naman sasapit ang mga petsang 2, 11, 20, 29, 7, 16, 25, 1, 10, 19, 28, 4, 13, 22, 31, 8, 17 at 26, pagsalit-salitin mo ang kulay na berde at dilaw, higit lalo kung ang nasabing petsa ay natapat sa araw ng Sabado, Linggo at Lunes.


At ang panghuling gabay upang makaahon ka sa kahirapan at matupad ang lahat ng mga pangarap mo sa buhay, medyo lakihan at buhayin mo naman ang iyong lagda.


Napakaliit kasi ng iyong lagda, kaya maliit na suwerte at kapiranggot na magagandang kapalaran lang ang dumarating sa iyong buhay. Subalit kung mula ngayon ay lalakihan mo na at bibigyang buhay ang letra sa iyong pirma, magbabago ang iyong kapalaran. Kahit hindi ka makatapos ng pag-aaral, dahil karamihan sa mga Capricorn ay hindi naman sa natapos niyang kurso nagtatagumpay kundi sa pagnenegosyo, tiyak ang magaganap – yayaman ka at matutupad ang lahat ng mga pangarap mo, na magsisimulang maganap sa taong 2034 sa edad mong 35 pataas.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page