top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| July 29, 2021



Dear Maestro,

Bago pa magkaroon ng pandemya ay naghahanap na ako ng trabaho, pero hanggang ngayon ay hindi pa rin ako sinusuwerte na makapagtrabaho. Bagama’t nagtrabaho na ako noon, hindi ako nagtatagal dahil palagi akong nasusuot sa intriga, kaya kaysa mapaaway ay nagre-resign na lang ako.

Kaso mula nang umalis ako sa pinapasukan kong kumpanya, ang tagal na pero hindi pa rin ako sinusuwerte kaya hanggang ngayon ay istambay pa rin ako. Naisipan kong sumulat sa inyo upang malaman kung anong taon ako susuwertehin na makakahanap ng permanente at magandang trabaho na maganda o malaki ang suweldo.

Gayundin, sa edad kong 27, wala pa akong asawa, kailan ba ako makapag-aasawa? May girlfriend ako pero hindi naman seryoso ang relasyon namin at minsan lang kami magkita dahil napakalayo ng probinsiya niya sa probinsiya ko. August 2, 1993 po ang birthday ko.


Umaasa,

Mr. Leo ng Pantal, Dagupan City, Pangasinan

Dear Mr. Leo,

Alam mo kung bakit hindi ka makapasok at nagkakaroon ng pemanenteng trabaho? Dalawang bagay ang dapat mong baguhin sa iyong buhay. Una, ang iyong lagda na bukod sa nababoy ay pangit, hindi mo kasi dapat ibalikwas pakaliwa ang dulong bahagi ng “a” sa iyong pirma na lumilikha ng kinanselang anyo o binurarang lagda. Sa halip, idiretso mo ang pinakapaa ng letrang “a” sa direksiyong kanan. Sa ganyang lagda, kumbaga, wala nang bumabalik pa sa direksiyong kaliwa at malinaw na naisusulat ang mga letra at salita, magkakaroon ka ng panibagong lakas ng loob at sigasig na mag-apply nang mag-apply, hanggang sa matagpuan mo ang kumpanya na may kaugnayan sa computer o communication. Sa nasabing kumpanya ka magkakaroon ng regular at magandang trabaho.


Ang ikalawang bagay na dapat mong baguhin ay ang iyong bigote na nagiging dahilan upang mawala sa pagiging balanse ang iyong mukha. Kailangang tanggalin mo muna ang iyong bigote para mabalanse ang awra at buladas ng iyong mukha. Dagdag pa rito, bukod sa pagtanggal ng bigote, imbes na hawiin sa gitna ang buhok na nakalugay sa iyong noo, hawiin mo ito paitaas upang ganap na malantad ang kabuuang hugis ng iyong mukha.


Kapag nagawa mo ang dalawang pagbabagong nabanggit sa iyong mukha tulad pag-ahit ng bigote at suklayin pataas ang iyong buhok, sigurado na ang magaganap dahil magkakaroon ng positibong pagbabago ang iyong buhay patungo sa mas maunlad at masaganang karanasan.


Habang, ayon sa iyong Career at Love Calendar, sa susunod na taong 2022 sa edad mong 28 pataas, makatatagpo ka ng maganda at permanenteng trabaho at doon mo na rin makikilala ang babaeng nagtataglay ng zodiac sign na Aries, na magiging girlfriend mo at makakasama sa pagbuo ng maligaya at panghabambuhay na pamilya.

 
 

suwerteng panahon.


ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| July 25, 2021



Dear Maestro,

Ako ay Taong Uno dahil isinilang ako noong January 1, 1993 at sa edad kong 28, wala pa rin akong asawa at matatag na trabaho. May girlfriend ako, pero long distance relationship kami dahil nasa probinsiya siya habang ako naman ay nasa Quezon City.

Sa trabaho ay nagtataka rin ako dahil palaging contractual ang napapasukan ko kaya ibig sabihin, pansamantala lang ang pasok ko at noong nakaraang taon ay nagkaroon pa ng pandemic. Balak kong mag-abroad pagkatapos ng pandemya.

Gusto kong malaman kung tama ba ang direksiyong tinatahak ko o nagsasayang lang ako ng panahon? May pag-asa ba akong makapag-abroad o mas mabuting dito na lang ako maghanap ng trabaho? Gayundin, ka-compatible ko ba ang GF ko sa nasa probinsiya na isinilang noong April 23, 1992?


Umaasa,

Crisotte ng Bagbag, Novaliches, Quezon City

Dear Crisotte,

Alam mo, sa edad na 28, dapat ikaw ay sinusuwerte na at maraming pagpapala na dapat ang dumating sa buhay mo. Maaaring hindi nangyayari ngayon ang positibong tadhanang nabanggit, siguro ay hindi ka madalas magsuot ng kulay na dilaw.


Dilaw ang masuwerte mong kulay ayon sa birth date mong 1. Dagdag pa rito, bukod sa dilaw ay suwerte ka rin sa kulay na red o pula, ayon naman sa destiny number mong 6. Nangyaring 6 ang destiny number mo dahil ang January 1, 1993 ay kinokompyut ng ganito: 1+1+1993=1995/ 19+95=114/ 11+4=15/ 1+5=6. Kaya ‘yan muna ang una mong ipatupad upang mabago at gumanda ang takbo ng kapalaran mo — palagi kang magsuot ng dilaw at pula.


Pangalawa, kailangang makipagkaibigan ka sa mga taong may zodiac sign na Taurus, Virgo, Pisces at kapwa mo Capricorn. Hindi lang makipagkaibigan ang dapat, bagkus, kailangan ding palagi kang lumapit at dumikit sa kanila, lalo na kung bukod sa tinurang zodiac sign, sila ay may birth date na 2, 11, 20, 29, 7, 16, 25, 5, 14 at 23.


Kaya mapapansin mong ang isa pang hindi ikinagaganda ng iyong kapalaran ay ang pagiging malayo n’yo ng girlfriend mo sa isa’t isa, gayung lumalabas na dahil Taurus ang zodiac sign niya at siya ay may birth date na 23, mapalad ka kung palagi mo siyang kapiling at kasama at ganundin siya, lalo siyang susuwertehin at pagpapalain kung palagi niyang kasama ang Capricorn na may birth date na 1 tulad mo.


Kaya ang pangatlong hakbang upang umunlad at yumabong ang iyong career ay isama mo sa Quezon City ang iyong nobya o ikaw ang magbalik sa inyong probinsiya.


Sapagkat kung palagi kayong magkasama ng girlfriend mo, siya ay magsisilbing virtud o talisman na magbibigay sa iyo ng maraming suwerte at magagandang kapalaran.


Pang-apat, lakarin mo ang iyong mga papeles sa pangingibang-bansa sa tuwing sasapit ang period of Taurus at period of Virgo na tinatawag, at ito ay mula sa ika-20 ng Abril hanggang sa ika-25 ng Mayo, gayundin mula sa ika-20 ng Agosto hanggang ika-25 ng Setyembre.


Kapag lumalakad sa panahong paborable sa iyo ang kapalaran, suot mo ang mapalad mong kulay at kasama mo ang suwerteng tao sa iyong buhay, sigurado na ang magaganap sa taon ding ito ng 2021 hanggang 2022. Hindi ka mabibigo sa anumang layunin at plano mo sa buhay, sa nasabing panahon at sa edad mong 28 pataas, may mabunga at mabiyayang pangingibang-bansang itatala sa iyong kapalaran.

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| July 24, 2021



Dear Maestro,

Naisipan kong sumangguni sa inyo dahil madalas na sinasabi n’yo na ang mga Taong Singko ay yumayaman. Pero bakit hanggang ngayon, sa edad na 37 ay hindi pa rin ako yumayaman? Masipag naman kaming mag-asawa na nagtatrabaho at nagsisikap sa buhay. April 5, 1984 ang birthday ko at December 17, 1986 naman ang birthday ng asawa ko. Kailan kami yayaman at sa paanong paraan?

Iniisip kasi naming magnegosyo ng tindahan ng bigas, angkop ba sa amin ito? Sabi naman ng misis ko, mag-abroad na lang ako ulit. Maestro, ano ang dapat naming gawin para kami ay yumaman na?


Umaasa,

Arnel ng San Vicente, Calapan Oriental, Mindoro

Dear Arnel,

Kapag ang tao ay napakaraming iniisip o sabihin nating maraming laman ang kanyang isip at kung anu-ano ang gustong gawin sa buhay, malabo silang yumaman. Ganu’n kasi ang mga taong naiimpluwensiyahan ng numerong 4.


Bukod sa numerong 14 o 5, naiimpluwensiyahan ka rin ng numerong 4, na siya namang destiny number mo. Naging kuwatro (4) ang destiny number mo dahil ang April 5, 1984 ay ganito kinokompyut: 4+5+1984=1993/ 19+93=112/ 11+2=13/ 1+3=4.


Kaya ang susi sa pagyaman at pagtatagumpay sa buhay ay konsentrasyon. Sapagkat kung iisang negosyo, pagkakakitaan, layunin o gawain lamang ang pinagtutuunan mo ng pansin, malabo kang mabigo kaya matitiyak ang tagumpay.


Dahil dito, simulan mo nang ibuhos ang buo mong atensiyon at panahon sa iisang bagay na gustong-gusto mong gawin. Halimbawa, ang naisip mo ay mag-abroad, puro pag-a-abroad lang ang gawin mong paraan upang yumaman. Kung ang naiisip mo namang paraan ay negosyo, tulad ng pagnenegosyo ng bigas at palay, kundi palay, kung saan mamimili ka ng palay at ibebenta mo sa mga miller, doon ka yayaman.


Kaya pag-usapan ninyo ni misis ang pinakatamang proyekto na tututukan ninyong dalawa. Dahil nagkataong compatible ang birth date mong 5 sa birth date niyang 17, ganundin ang zodiac sign mong Aries sa zodiac sign niyang Sagittarius, tiyak ang magaganap. Limang taon lang ang hinihingi ng kapalaran na makapag-concentrate kayo sa iisang larangan o tumbok na proyekto, sa taong 2026 sa edad mong 42, mararamdaman ninyo ang unti-unting pagyaman. At habang patuloy na ibinubuhos ang atensiyon, panahon at lakas sa iisang depenidong gawain, tuluy-tuloy kayong yayaman hanggang sa tuluyan nang tanghaling isa sa pinakamayamang pamilya sa inyong lugar.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page