top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| August 07, 2021



Dear Maestro,

Sumulat ako sa inyo upang mabigyan ng kasagutan hinggil sa kung ano ang mangyayari sa aking kapalaran. Sa edad kong 37, wala pa rin akong asawa. Pero mayroon akong boyfriend, ipinanganak siya noong November 17, 1985 at binata, habang ako naman ay ipinanganak noong May 27, 1984.

Gusto kong malaman kung may pag-asa pa ba kaming maging mag-asawa at siya na ba ang lalaking nakatakda sa aking kapalaran? Pareho kasi kaming nasa abroad ngayon. May lemon farm ang BF ko, pero kapatid niya ang namamahala, habang ako naman ay may palayan at banana farm, na kapatid ko rin ang nag-aasikaso.

Kung sakaling kami ang magkatuluyan, aasenso ba kami at anong taon kami dapat magpakasal?


Umaasa,

Sherlyn

Dear Sherlyn,

Bagama’t parehong “strong number” ang birth date mong 27 at 17 naman ang boyfriend mo, sa larangan naman ng materyal na bagay, malaki ang pag-asang magtagumpay kayo at sa larangan ng negosyo, malaki rin ang pag-asang yayaman kayo nang todo.


Maraming mag-asawang kapwa may strong number ang yumaman, matapos silang dumaan sa mabibigat na pagsubok at pasakit ng buhay. Ganundin, matapos ang palaging pagtatalo o pag-aaway, sa bandang huli, napahihinuhod din ang isa kaya nang dumating ang punto na may nagpa-under na, tulad ng naipaliwanag na sa itaas, yumayaman ang mag-asawang kapwa may strong number.


Samantala, kung idadaan din natin sa pag-aanalisa ang destiny number ninyo ng boyfriend mo, lumalabas na compatible rin kayo sa birth date at destiny number.


Ang destiny number na 6 ng boyfriend mo (11+17+1985=2013/ 20+13=33/ 3+3=6) ay sadya namang tugma sa destiny number mong 9 (5+27+1984=2016/ 20+16=36/ 3+6=9). Ito ay dahil ang 6 at 9 ay under sa mga numerong pasok sa series of 3-6-9, kung saan silang tatlo ay sadyang tugma at compatible talaga sa isa’t isa.


Sa madaling salita, kapag kayo ang nagkatuluyan, dahil sabi mo nga ay may lemon farm na siya sa kasalukuyan, habang ikaw naman ay may banana farm at palayan, tiyak ang magaganap. Mabubuo ang isang masagana at panghabambuhay na pagsasama hanggang sa kayo ay biyayaan ng isa hanggang dalawang anak, na siyang kukumpleto sa kaligayahan at kasaganaan ng inyong pamilya.


Habang nakatakda at magiging mapalad naman kung kayo ay magpapakasal sa taong 2023 hanggang 2024, sa mga piling buwan ng Mayo, Setyembre, Oktubre o Disyembre. Siguraduhing itapat ang araw ng kasal sa panahong nasa first quarter, new moon o full moon nang sa gayun, tulad ng papabulas at papalaking buwan, ang iyong samahan ay patuloy ding bubulas patungo sa isang masagana at maligayang pamilya habambuhay.

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| August 05, 2021



Dear Maestro,

Isinilang ako noong March 22, 1992 habang ang boyfriend ko naman ay isinilang noong July 7, 1991. Sa pagkakaalam ko, hindi kami compatible pero bakit nagtagal ng almost seven years ang aming relasyon?

Sa ngayon, balak na naming magpakasal. Kung hindi kami compatible, bakit nagtagal kami at hanggang ngayon ay nagmamahalan pa rin kami? Sana ay maipaliwanag ninyo ito upang magkaroon ako ng peace of mind at para mapetsahan na rin ang binabalak naming kasal.


Umaasa,

Ever ng San Julian, Malasiqui, Pangasinan


Dear Ever,

Ang sinasabi mo bang hindi kayo compatible ng boyfriend mo ay dahil ikaw ay under sa zodiac sign na Aries habang siya naman ay Cancer, kung saan ang Aries ay isang fire type sign habang ang Cancer ay water type sign?


Kung ang datos na ‘yan ang pinagbatayan mong hindi kayo compatible, hindi wasto ang iyong pag-aanalisa sa sarili mong kapalaran. Dahil d’yan, “Bakit?” ang maaari mong maitanong.


Ito ay dahil ang birth date na March 22 ay masasabing under pa rin sa tinatawag na “cusp” o mga birth date na nasa pagitan ng dalawang zodiac sign. Kumbaga sa pagtaya sa sugal o “sakla”, ito ang tinatawag na “primas” o nasa pagitan ng dalawang baraha ang iyong taya. Sa pagtaya sa huweteng, ito naman ang tinatawag na “gitna”. Kung P10 ang taya mo, lumalabas na P5 sa kabilang baraha at P5 naman sa kabilang baraha.


Ganundin ang ibig sabihin ng “cusp” na birth date. Kung akala mo ay Aries ka, nagkakamali ka dahil ang totoo, ang petsang March 22 ay isa o dalawang araw pa lang ang lumilipas mula sa pagiging Pisces ng zodiac sign patungo sa Aries. Ibig sabihin, hindi maikakaila na bagama’t akala mo ay Aries ang zodiac sign mo, mala-Pisces ka pa rin at mala-Aries. Pero napakadaling ihaka na mas nananaig sa pagkatao mo ang pagiging Pisces, dahil kusa mong na-magnet at naging magka-compatible naman kayo ng boyfriend mong Cancer o water type tulad ng Pisces. Kaya naman umabot ng ilang taon ang inyong pagsasama na okey naman at walang problema.


Tunay ngang magka-compatible ang Pisces at Cancer dahil kapwa sila nagtataglay ng water element.


Dagdag pa rito, pansin mo ba ang birth date ng boyfriend mo na July 7, na siya ring secondary number ng zodiac sign na Pisces? Dahil bukod sa 7, numero rin ng Pisces at Cancer ang 2, na kapwa kaya naiimpluwensiyahan ng numerong 2 at 7, bukod pa sa katotohanang ang birth date mong 22 o 4 (ang 22 ay 2+2=4) compatible rin sa birth date na 7 ng boyfriend mo.


Samakatuwid, hindi lang kayo sa zodiac sign magkatugma kundi pati sa Numerology, kaya nga humigit-kumulang, wala namang nakikitang problema sa inyong relasyon. At sa taong ito ng 2021 hanggang 2022, sa edad mong 29 pataas at 30 naman ang boyfriend mo, sigurado na ang magaganap – maikakasal kayo at ang inyong itatayong tahanan ay tiyak na aani ng maligaya at panghabambuhay na pamilya.

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| August 02, 2021



Dear Maestro,

Nasa abroad ang mister ko at halos apat na taon na siyang nagpapabalik-balik doon. Gusto kong malaman kung may ibang babae ba siya roon? Kasi ngayon, bihira na siyang tumawag at mag-text. Gusto ko talagang matiyak kung may babae siya sa abroad. January 16, 1988 ang birthday ng mister ko, habang July 2, 1989 naman ang birthday ko.


Umaasa,

Mrs. Worried ng Santa Cruz, Laguna

Dear Mrs. Worried,

Ayon sa birthday ng mister mo na January 16, 1988, hindi magagawang mambabae ng mister mo na kasalukuyang nasa ibang bansa dahil bihira lang naman sa mga may birth date ng 16 ang nambababae.


Dagdag pa rito, ang zodiac sign niyang Capricorn ay sadyang tugma at compatible rin sa zodiac sign mong Cancer, gayundin ang birth date niyang 16 o 7 (ang 16 ay 1+6=7) ay suwetong-suweto rin sa birth date mong 2, kung saan tulad ng nasabi na, ang numerong 16 o 7 (1+6=7) ay sadyang tugma at compatible rin sa birth date mong 2.


Ibig sabihin, kahit madalang mag-text at tumawag ngayon ang mister mong OFW, wala kang dapat alalahanin dahil baka busy lang siya sa trabaho. Sa halip, tiyak at nakatakda naman ang magaganap, tandaan mong anuman ang mangyari sa kanya sa ibayong-dagat – hindi matitigatig ang inyong tapat at maligayang pagmamahalan at umasa kang mananatiling buo at maligaya ang inyong pamilya habambuhay.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page