top of page
Search

ni Jeff Tumbado / Benjamin Chavez @News | October 6, 2023




Sumuko na sa tanggapan ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang anim na pulis na isinasangkot sa pagpaslang sa 17-anyos na binatilyo na si Jemboy

Baltazar sa Navotas City.


Ang nasabing pagsuko ng mga pulis ay kasunod ng paglabas ng arrest warrant sa kasong murder laban sa kanila ni Presiding Judge Pedro Dabu ng Navotas City Regional Trial Court (RTC) Branch 286.


Araw ng Miyerkules, Oktubre 4, nang sumuko sa tanggapan ng CIDG Provincial Headquarters sa Camp Nakar, Lucena City sina Police Executive Master Sgt. Roberto Balais, Jr.; Police Staff Sgt. Gerry Maliban; PSSgt. Antonio Bugayong, Jr.; PSSSgt. Nikko

Pines Esquilon; Police Cpl. Edmard Jade Blanco at Patrolman Benedict Mangada, dating

mga nakatalaga sa Station Drug Enforcement Group ng Navotas City Police Office.


Agad sumalang sa booking process at documentation ang mga pulis na kapwa napatunayang nagkasala sa pagpatay kay Baltazar noong Agosto 2 sa pumalpak na operasyon dahil napagkamalan lamang ang binatilyo na suspek.



 
 

ni Mai Ancheta @News | October 5, 2023





Inaresto ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) ang kontrobersyal na drag queen na si Pura Luka Vega o Amadeus Fernando Pagente sa kanyang tirahan sa Sta, Cruz, Maynila.


Si Pagente ay inaresto ng mga awtoridad sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Manila Regional Trial Court Branch 36 acting presiding Judge Czarina Encarnacion Samonte-Villanueva.


Nahaharap si Pagente sa kasong Immoral Doctrine, Obscene, Publications and Exhibition and Indecent shows.


Matatandaang naging kontrobersyal ang drag queen matapos gayahin ang Poong Nazareno sa isang drag show na ikinagalit ng maraming debotong Katoliko na naging dahilan para sampahan ito ng kaso sa korte.


Idineklara ring persona non grata si Pura Luka sa Vega sa iba't ibang lugar sa bansa dahil sa ginawa nitong pambabastos umano sa Poong Nazareno.


Kabilang sa mga lugar na idineklarang persona non grata ang drag queen ay ang Lungsod ng Maynila, Palawan, Pampanga, Laguna, General Santos City, Bukidnon, Cebu City, Negros Oriental, Cagayan de Oro, Occidental Mindoro, Dinagat Islands, Lucena, Mandaue, Bohol, Marikina City, Oriental Mindoro at Malolos City, Bulacan.


Aabot sa P72,000 ang inirekomendang piyansa para sa pansamantalang kalayaan ni Pagente.



 
 

ni Mylene Alfonso @News | October 5, 2023



Inanunsyo kahapon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang pagbawi sa price cap sa bigas.

"Well, I think it's the appropriate time since namimigay tayo ng bigas. Yes, as of today we are lifting the price caps on the rice both for the regular-milled rice and for the well-milled rice," pahayag ni Marcos sa panayam sa Taguig City.

"So, tinatanggal na natin 'yung mga control. Pero hindi ibig sabihin basta't ganoon na lang dahil kailangan pa rin natin ayusin ang agricultural sector," wika pa ni Marcos.

Ayon sa Pangulo, sa kabila ng pagbawi ng price cap, patuloy na magbibigay ng tulong ang pamahalaan sa mga magsasaka.

Sa ilalim ng Executive Order 39, ang mandated price cap para sa regular milled rice ay P41.00 kada kilo habang ang mandated price ceiling para sa well-milled rice ay P45.00 kada kilo na epektibo noong Setyembre 5.


Matatandaang nabigyan ng cash assistance na nagkakahalaga ng P15,000 ang mga apektadong retailer ng bigas sa gitna ng epekto ng price ceiling.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page