top of page
Search

ni Lolet Abania | May 14, 2022



Nasa kabuuang 105 indibidwal ang nahuli sa Metro Manila dahil sa paglabag ng mga ito sa May 8-9, 2022, election day liquor ban, ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO).


“We have arrested 105 persons who violated our liquor ban implemented at the dawn of May 8 up to the midnight of May 9,” saad ni NCRPO spokesperson Police Lieutenant Colonel Jenny Tecson sa Laging Handa briefing ngayong Sabado.


“It was considered a violation of election laws. Complaints were filed against them,” dagdag ng opisyal.


Ini-report din ni Tecson na walang nai-record ang NCRPO na anumang election-related na insidente ng karahasan sa NCR.


“Masasabi po natin na ito po ay naging very peaceful... peaceful national and local polls in NCR dahil wala po tayong naitala na election-related violent incident,” sabi ni Tecson.


Ayon kay Tecson, ang sinasabing Black Friday Protest na isinagawa ng iba’t ibang grupo sa Philippine International Convention Center (PICC) ay aniya, “orderly and peaceful.”


Kinondena ng mga raliyista ang umano’y lapses na ginawa ng Commission on Elections (Comelec) sa panahon ng eleksyon.


 
 

ni Lolet Abania | January 9, 2022



Arestado ang dalawang indibidwal ngayong Linggo sa Commission on Election (Comelec) checkpoints ilang oras matapos ibinaba ang election gun ban na siyang hudyat para sa opisyal na pagsisimula ng election period na epektibo na sa bansa, ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO).


Sa isang interview kay NCRPO spokesperson Police Lieutenant Colonel Jenny Tecson, sinabi nitong ang unang insidente ay naganap sa Navotas bandang alas-2:20 ng madaling-araw, kung saan isang indibidwal ang tinanong at hiningan ng mga law enforcer sa isang checkpoint na magprisinta ng kaukulang dokumento at ID.


“Nu’ng bababa na po sana siya ay nalaglag sa kanyang shorts ‘yung calibre 38 [firearm] na ito naman ay nagresulta sa kanyang agarang pagkaaresto,” ani Tecson.


Sa Caloocan City naman, isang indibidwal ang naharang at sinita sa checkpoint dahil wala itong suot na helmet habang sakay sa motorsiklo.


“On the process po, nakitaan din siya ng baril. ‘Yun din ang nagresulta [sa pag-aresto] at wala kasi siyang maipakitang kaukulang dokumento,” sabi ni Tecson.


Ipinunto ni Tecson na ang parehong insidente ay mayroon ding initial violations dahil sa hindi pagsunod sa minimum public health standards gaya ng hindi pagsusuot ng face masks.


Gayunman, ayon sa opisyal, ang unang araw ng pagpapatupad ng election gun ban ay aniya, “successful” sa ngayon, kasabay ng pagbibigay ng maagang anunsiyo sa tulong ng mga concerned agencies.


“Masasabi natin na naging epektibo ang pag-uumpisa ng pag-establish natin ng Comelec checkpoints dito sa buong Kamaynilaan nitong madaling-araw kanina na nag-umpisa,” saad ni Tecson.


Una nang sinabi nitong Sabado ni NCRPO chief Police Major General Vicente Danao Jr. na lahat ng uri ng firearms na may lisensiya at permit to carry ay hindi papayagan na dalhin ng may-ari nito sa labas ng kanyang bahay sa panahon ng imposisyon ng Comelec gun ban.


Sa inisyu ng Comelec na Resolution No. 10728 ay nakasaad dito, “the prohibition on unauthorized firearms and bodyguards during the election period.”


Ipinagbabawal din sa nasabing resolution, “bearing, carrying or transporting firearms or deadly weapons outside residence or place of business and in all public places from January 9 to June 8, 2022 or for a total of 150 calendar days.”


Gayunman, sa ilalim ng resolusyon, ang Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, at Philippine Coast Guard at miyembro ng iba pang law enforcement agencies lamang ang exempted mula sa gun ban gayundin, hangga’t mayroon silang authorization mula sa Comelec at nakasuot ng itinakdang uniporme ng kanilang ahensiya habang isinasagawa ang kanilang official duty sa panahon ng election period.


Ang national at local elections ay gaganapin sa Mayo 9, 2022.

 
 

ni Lolet Abania | December 20, 2020



Mariing inihayag ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ngayong Linggo na peke ang kumakalat sa social media na diumano’y memo na isasailalim ang Metro Manila sa modified enhanced community quarantine (MECQ).


Ipinunto ni NCRPO acting director Police Brig. Gen. Vicente Danao na tanging ang Inter-Agency Task Force (IATF) ang makapagdedesisyon sa quarantine classification ng isang lugar. “Actually, it is an unsigned memo. So, definitely it is not an official document. It is only the IATF ang nag-a-announce niyan,” ani Danao.


“Kung meron po tayong sasabihin, it is just a recommendation from our part. Definitely po, 'yung lumalabas na memo is a fake news,” dagdag pa niya. Ang memo umano na nakuha ng NCRPO ay tinawag nilang “covert deployment” para sa pagpapatupad ng sinasabing MECQ sa naturang rehiyon.


Kasalukuyang nasa general community quarantine hanggang December 31 ang Metro Manila. Gayunman, ayon kay Danao, ang NCRPO ay nag-deploy ng mas maraming pulis sa mga nasabing lugar upang magpatupad ng health protocols para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.


Bukod dito, aniya, nagdagdag sila ng kapulisan sa iba’t ibang lugar bilang hakbang ng ahensiya sa maaaring mangyaring kriminalidad at terorismo. “Medyo naghigpit tayo ng kaunti sa ating GCQ o sa ating health protocol implementation,” sabi ni Danao.


“Hindi lang po health protocol ang atin pong ini-implement diyan kundi most of the anti-criminality and especially sa anti-terrorism,” aniya pa.


Matatandaang sinabi ni Department of National Defense (DND) Sec. Delfin Lorenzana na hindi totoo ang kumakalat na ulat na isasailalim sa MECQ ang Metro Manila, gayundin sina Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año at Joint Task Force COVID Shield commander Police Lt. Gen. Cesar Hawthorne Binag na nagsasabing walang katotohanan ang mga pahayag na ito.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page