top of page
Search

ni Mylene Alfonso @News | August 13, 2023



ree

Nasamsam ng mga ahente ng National Bureau of Investigation-Intellectual Property Rights Division, ang nasa P206 milyong halaga ng pekeng Louis Vuitton sa isinagawang pagsalakay nitong Agosto 9 sa Bulacan, Pasay at Parañaque.


Kabilang sa sinalakay ang isang bodega sa Bgy. Tabe, Guiguinto, Bulacan, apat na stalls sa LRT Shopping Mall sa Pasay City at isang stall sa Micar Shopping Center sa Parañaque City.


Ayon sa NBI, nagresulta ang operasyon sa pagkakakumpiska sa 1,588 piraso ng pekeng Louis Vuitton products.


Nabatid na nagreklamo sa NBI ang kinatawan ng LV dahil sa umano'y laganap na bentahan ng mga pekeng sa mga nabanggit na lugar.


Nagsagawa muna ng test buy ang NBI at nang makumpirma ay isinagawa ang pagsalakay.


Sasampahan ng kasong paglabag sa R.A. 8293 (Intellectual Property Code of the Philippines) ang mga may-ari ng establisimyento.



 
 

ni Mylene Alfonso @News | July 12, 2023



ree

Inanunsyo ng Department of Justice (DOJ) prosecutors, ang pagsasampa ng kaso laban sa kontrobersiyal na inmate na si Jad Dera, security officer at limang Job Order (JO) employee ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa mga hindi awtorisadong paglabas sa detention facility.


Ayon sa DOJ, kabilang sa kakasuhan bukod kay Dera, sina JO personnel Arnel Ganzon, Diana Rose Novelozo, Lee Eric Loreto, King Jeroh Martin, at Pepe Piedad, Jr., dahil sa paglabag sa Article 156 ng Revised Penal Code, may kaugnayan sa pagpapalabas ng mga bilanggo sa kulungan.


Nabatid na kinasuhan din si Randy Godoy, NBI Security Officer II, ng paglabag sa Article 223 ng Revised Penal Code.


Nabatid sa DOJ na ang kasong kriminal ay isasampa sa Metropolitan Trial Court ng Manila City.


Base sa isinagawang ebalwasyon ng mga ebidensiya, napatunayan ng prosecutors na may sapat na basehan para kasuhan ang mga respondents.


Naestablisa ng DOJ na inasistehan nina Godoy, Ganzon, Novelozo, Loreto, Martin, at Piedad si Dera sa paglabas-masok sa kulungan.


Matatandaang inaresto si Dera habang kasama nito ang anim na NBI security personnel sa labas ng detention cell habang pabalik na sa NBI detention cell.


 
 

ni Madel Moratillo @News | July 11, 2023



ree

Umaasa si Justice Secretary Jesus Crispin 'Boying' Remulla na mabago na ang kultura ng mga Pinoy na kahit mga bata ay ginagawang bikini contestant at pinagsasayaw kahit sa mga noontime show.


Giit ni Remulla, may problema sa bansa at ang ganitong kultura ay dapat maalis na.


Ang pahayag ng kalihim ay kasunod ng labis na pagkadismaya sa kontrobersiyang kinasangkutan ng National Bureau of Investigation na may sexy performers sa isang event.


“Marahil dapat tingnan natin 'yung kulturang 'yan ng mga Pilipino. Sana mga noontime shows, wala nang sumasayaw-sayaw na mga bata. Pati minsan mga batang musmos pinapasayaw-sayaw nila, ginagawang bikini contestant, pinagsusuot ng mga 'di dapat suotin. 'Yung ating kultura bilang Pilipino, dapat ibahin natin. Hindi lang po ito sa NBI kundi sa ating lahat mismo. May problema po bansa natin,” pahayag ni Remulla.


Samantala, tukoy na ng Department of Justice ang opisyal ng NBI na nag-imbita ng sexy dancers sa command conference ng ahensya.


Una rito, nagviral sa social media ang video kung saan may makikitang mga babae na nagsasayaw sa isang event ng NBI.


Tumanggi naman muna si Remulla na pangalanan ang nasabing opisyal. Bagama't kinumpirma niyang nagtangkang lumapit sa kanya ang nasabing opisyal pero inatasan niya itong magpaliwanag “in paper”.


Ayon sa kalihim, tatlong performers umano ang kinuha para sa nasabing event. Giit ng DOJ secretary, walang pera ng gobyerno na ginamit para ibayad sa nasabing dancers.


Ang pera ay galing sa aniya'y “old men” na akala ay mga “adolescent” pa sila.


Ayon sa kalihim, nakakahiya ang pangyayari at hindi niya ito nagustuhan. Dapat ay magsilbing aral aniya ito sa lahat.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page