top of page
SHOWBIZ SPECIAL - ROMNICK- 54-ANYOS NA AKO, NAGBI-VIDEO GAMES PA RIN, WALA PA AKONG NASAKT
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | May 19, 2026



Cleveland Cavaliers - FB

Photo: Cleveland Cavaliers - FB



Laro ngayong Martes - Paycom

8:30 AM SA vs. OKC


Dinurog ng bisitang Cleveland Cavaliers ang mga pangarap ng numero unong Detroit Pistons, 125-94 at pumasok sa Eastern Conference Finals ng 2026 NBA Playoffs kahapon sa Little Caesars Arena. Kasabay nito ay pinarangalan si Shai Gilgeous-Alexander ng Oklahoma City Thunder bilang MVP ng liga sa pangalawang sunod na taon.


Minsan lang tumikim ng lamang ang Pistons, 3-2, sa tres ni Daniss Jenkins. Mula roon ay pumukpok ng todo ang Cavs para angkinin ang unang 12 minuto sa likod ng kombinasyon nina Jarrett Allen, Evan Mobley, Dean Wade, James Harden at Donovan Mitchell at hindi na sila lumingon, 31-22.


Tila maagang sumuko ang Detroit at lumobo sa 110-75 ang agwat 8 minuto ang nalalabi. Nagwakas ang seryeng best-of-seven, 4-3, at lalakbay na ang Cleveland para harapin ang naghihintay na New York Knicks simula sa Miyerkules.


Namuno sa pagsalakay si Mitchell na may 26 habang tig-23 sina Allen at reserba Sam Merrill. Nanguna sa Pistons si Jenkins na may 17 habang 13 lang si Cade Cunningham.

Sumama si SGA sa natatanging listahan ng 15 iba pang mga may dalawa of higit na MVP. Kasama rito ang mga aktibo pang sina LeBron James, Nikola Jokic, Stephen Curry at Giannis Antetokounmpo.


Nagtala siya ng 31.1 puntos sa 68 laro kung saan lahat ay 20 o higit. Nagwagi rito ang OKC ng 56 beses kumpara sa 8-6 na lumiban siya.


Ang iba pang nominado para sa pinakamataas na karangalan ay sina Jokic at Victor Wembanyama. Taga-Canada si SGA at ito ang ika-8 sunod na taon na hindi Amerikano ang MVP matapos si Harden noong 2018 bilang bahagi ng Houston Rockets.


Napunta rin kay SGA ang Clutch Player ayon sa mga numero sa huling 5 minuto na lima o mas mababa ang naghihiwalay sa mga koponan. Ang iba pang tumanggap ng karangalan sa nakalipas na mga linggo ay sina Wemby na Defensive Player, Rookie of the Year Cooper Flagg, Most Improved Nickeil Alexander-Walker na pinsan ni SGA, Sixth Man Keldon Johnson at Sportsmanship Derrick White.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | May 17, 2026



Spurs-Thunder sa West Finals, Pistons at Cavs may Game 7

Photo: Dumadrayb si San Antonio Spurs forward Keldon Johnson (3) sa depensa ni Minnesota Timberwolves center Rudy Gobert, (gitna) sa NBA basketball second-round playoff series. (AP/Abbie Parr)


Laro sa Lunes - Little Caesars

8 AM Cleveland vs. Detroit


Tiniyak ng bisitang San Antonio Spurs ang kanilang upuan sa Western Conference Finals sa kumbinsidong 139-109 panalo sa Minnesota Timberwolves sa 2026 NBA Playoffs kahapon sa Target Center.  


Kailangan ng ultimong Game Seven sa East at wagi ang Detroit Pistons sa Cleveland Cavaliers, 115-94. Inilatag nina Victor Wembanyama, Stephon Castle at De'Aaron Fox ang pundasyon sa pagtayo ng 74-61 lamang matapos ang unang 24 minuto.  Sumama sa nagbuhos ng puntos sina Julian Champagnie at kabayan Dylan Harper para lalong palakihin ang agwat, 132-95, sa huling 6 na minuto.


Anim na Spurs ang may 11 puntos o higit sa pangunguna nina Castle na may 32 at 21 kay Fox. Sumunod si Wemby na may 19 at Harper na may 15 bilang reserba. Nagtala ng 24 si Anthony Edwards para sa nabigong Timberwolves.  Nagwakas ang serye, 4-2 at magtutuos sa West Finals ang Spurs at World Champion Oklahoma City Thunder simula Martes.


Ayaw ng Pistons na masayang ang pagiging numero uno at kumilos para baligtarin ang 23-17 bentahe ng Cavs sa 54-51 pabor sa kanila bago ang pangatlong quarter. Mula roon ay inalagaan nila ito patungo sa 115-93 sa huling minuto. Ipinasok ni Cade Cunningham ang 11 ng kanyang 21 sa kritikal na pangalawang quarter.  Nag-ambag ng 17 si reserbang sentro Paul Reed habang tig-15 sina Daniss Jenkins at Jalen Duren.


Gumawa ng 23 si James Harden at parehong 18 sina Donovan Mitchell at Evan Mobley.  Nagkatalo sa mga reserba at mas malaki ang ambag ng Pistons, 48-19. Naghihintay sa East Finals ang New York Knicks na winalis ang Philadelphia 76ers, 4-0.  May mabuting balita at kasali na muli sa ensayo si OG Anunoby na napilay ang singit sa Game 2 kaya lumiban siya sa huling 2 laro.  

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | May 15, 2026



RUMAGASA tungo sa basket si Cleveland Cavaliers center Evan Mobley (4) sa harap ng depensa ni Detroit Pistons guard Ausar Thompson (9) sa second half ng NBA playoffs basketball series kahapon sa Detroit.         (AP Photo/Duane Burleson)

Photo: Rumagasa tungo sa basket si Cleveland Cavaliers center Evan Mobley (4) sa harap ng depensa ni Detroit Pistons guard Ausar Thompson (9) sa second half ng NBA playoffs basketball series kahapon sa Detroit. (AP Photo/Duane Burleson)


Laro sa Sabado

7:00 AM Detroit vs. Cleveland

9:30 AM SA vs. Minnesota


Ginulat ng bisitang Cleveland Cavaliers ang Detroit Pistons sa overtime, 117-113, sa Eastern Conference Semifinals ng 2026 NBA Playoffs kahapon sa Little Caesars Arena. Ito rin ang unang panalo ng bisita sa serye at maaaring tapusin na ito ng Cavs pag-uwi nila para sa Game Six sa Sabado.


Tumalon agad ang Cleveland sa pitong puntos ni Donovan Mitchell sa dagdag 5 minuto at inabot ng 3 minuto bago naka-shoot ang Detroit. 


Sapat na ang limang puntos na agwat, 112-107 at sumandal ang Cavs sa mga buslo nina James Harden at Evan Mobley para manatili ang resulta.


Bumawi sa malamyang apat na quarter si Mitchell para magtapos na may 21. Nanguna si Harden na may 30 at Max Strus na may 20.


Naipilit ng Cavs ang overtime sa dalawang free throw ni Mobley na may 45 segundong nalalabi, 103-103. Humabol ang Cleveland mula 94-103 sa huling 3 minuto kung saan bumuhos sila ng siyam na hindi nakasagot ang Detroit.


Gumawa ng 8 ng kanyang 39 si Cade Cunningham sa overtime subalit kulang ang tulong ng mga kakampi. Nag-ambag ng 19 si Daniss Jenkins habang 13 kay Tobias Harris.


Maliban sa Cleveland, sisikapin din ng San Antonio Spurs na tapusin ang serye laban sa Minnesota Timberwolves ngayong Sabado. Lamang ang Spurs, 3-2, bunga ng tagumpay

sa Game 5. 


Naghihintay ng makakalaro sa Conference Finals ang World Champion Oklahoma City Thunder sa West at New York Knicks sa East. Kahit anong mangyari, magsisimula ang best-of-seven NBA Finals sa Hunyo 4, petsa sa Pilipinas.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page