top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Anthony E. Servinio - @Sports | April 27, 2022



Tinapos ng bisitang Boston Celtics ang kampanya ng Brooklyn Nets, 116-112, sa 2022 NBA Playoffs, kahapon sa Barclays Center. Winalis ng Celtics ang seryeng best-of-seven, 4-0, ang nag-iisa sa walong serye na natapos nang maaga.


Maliban sa tatlong beses sa first half na tumabla ang Nets, lamang sa buong 48 minuto ang Boston at umabot ng 15 ang kanilang lamang sa huling minuto ng third quarter, 90-75. Nagawang humabol ang Brooklyn sa huling 22 segundo, 109-111, subalit nakahinga nang maluwag ang Celtics, salamat sa shoot ni Al Horford na sinundan ng dalawang free throw ni 2022 Defensive Player of the Year Marcus Smart, 115-109, at pitong segundo sa orasan.

Namuno muli sa Celtics sina Jayson Tatum na may 29 puntos at Jaylen Brown na may 22 puntos. Hihintayin ngayon ng Boston ang magwawagi sa serye ng Milwaukee Bucks at Chicago Bulls kung saan lamang ang Bucks, 3-1.


Binitin ng bisitang Toronto Raptors ang Philadelphia 76ers, 103-88, at nanatiling buhay sa serye. Ito ang ikalawang sunod na panalo ng Raptors matapos dominahin ng 76ers ang unang tatlong laro.


Binuksan ng shoot ni James Harden ang laro subalit mula roon ay malamya ang nilaro ng Philadelphia at lumobo sa 19 ang lamang ng Toronto sa 4th quarter, 103-94. Nanguna sa Raptors si Pascal Siakam na may 23 puntos at 10 rebound at kontrahin si Joel Embiid ng 76ers na may 20 puntos at 11 rebound kahit pilay ang kanang hinlalaki.


Tinambakan ng Dallas Mavericks ang Utah Jazz, 102-77, ang una nilang panalo na nandiyan si Luka Doncic na nagpasikat sa kanyang 33 puntos at 13 rebound para sa 3-2 lamang sa serye. Matapos lumiban sa unang tatlong laro ng serye, naglaro si Doncic sa Game 4 noong isang araw subalit nakalusot ang Jazz, 100-99.


Samantala, nahirang na 2022 Most Improved Player si Ja Morant ng Memphis Grizzlies. Sa pangatlong taon sa liga, tumaas ang pangkalahatang numero sa 27.4 puntos.


 
 

ni Anthony E. Servinio - @Sports | April 26, 2022



Naiwasan ng Denver Nuggets ang maagang bakasyon at nagwagi sa bisitang Golden State Warriors, 126-121, sa Game 4 ng kanilang seryeng best-of-seven sa 2022 NBA Western Conference Playoffs kahapon mula sa Ball Arena. Sa East, isang panalo na rin ang kailangan ng Milwaukee Bucks at numero unong Miami Heat matapos tambakan ang kanilang mga kalaro.


Lamang ang Nuggets sa simula ng 4th quarter, 98-89, subalit humabol ang Warriors at naagaw ang abante sa shoot ni Stephen Curry na may 1:47 sa orasan, 121-119. Hindi na pumuntos ang Golden State mula roon at isinalba ang Denver ng mga puntos nina MVP Nikola Jokic, Monte Morris at Will Barton para sa kanilang unang tagumpay sa serye.


Nagsabog ng 37 puntos si Jokic at sinundan ni Morris na may 24. Nasayang ang trinabahong 33 puntos ni Curry at 32 puntos ni Klay Thompson at sisikapin ng Warriors na tapusin ang serye sa Game 5 sa Chase Center ngayong Huwebes.


Umakyat sa 3-1 ang Bucks laban sa Chicago Bulls sa Game 4, 119-95. Humugot ng lakas ang Bucks kay Giannis Antetokounmpo na may 32 puntos at 17 rebound at reserba ni Grayson Allen na pumukol ng anim na three-points para sa 26 puntos sa 28 minuto.


Nasa parehong katayuan din ang Miami at iniligpit ang Atlanta Hawks, 110-86. Patuloy ang mahusay na laro ni Jimmy Butler na nagbagsak ng 36 puntos at 10 rebound at ang apat na iba pa niyang kasama sa first five ay nag-ambag ng 11 puntos o higit pa.


Pumapalag pa rin ang #8 New Orleans Pelicans at binaon ang numero unong Phoenix Suns, 118-103, at itabla ang kanilang serye sa 2-2. Bayani para sa Pelicans sina Brandon Ingram na gumawa ng 30 puntos at Jonas Valanciunas na may 26 puntos at 15 rebound.

Samantala, titiisin na lang ni NBA scoring champion Joel Embiid ng Philadelphia 76ers ang punit na litid sa kanyang kanang hinlalaki at hindi niya ito ipapaopera hanggang matapos ang kampanya.



 
 

ni Anthony E. Servinio - @Sports | April 24, 2022



Buong tapang na ipinasok ni Trae Young ng Atlanta Hawks ang nagpapanalong buslo na may 5 segundo sa orasan kontra sa numero unong Miami Heat, 111-110, sa pagpapatuloy ng NBA Eastern Conference Playoffs, kahapon sa State Farm Arena. Sa kabilang serye, nagising ang Milwaukee Bucks at dinurog ang Chicago Bulls, 111-81.


Tumawag agad ng timeout ang Miami, subalit hindi naipasok ni Jimmy Butler ang 3-points. Dahil sa panalo, nabuhayan ng pag-asa ang Hawks, subalit lamang pa rin ang Heat sa serye, 2-1. Nanguna si Young na may 10 ng kanyang 24 puntos sa 4th quarter. Sinuportahan siya ni Bogdan Bogdanovich na may 18 puntos buhat sa apat na tres.


Gumamit ng balanseng atake ang Bucks sa pangunguna ng reserbang si Grayson Allen na nagbagsak ng 22 puntos. Parehong may tig-18 puntos sina Giannis Antetokounmpo at Bobby Portis na humakot din ng 16 rebound.


May 8 minuto pa sa laro ay nagpasya na si Coach Mike Budenholzer na paupuin ang mga bituin at ipasok na ang lahat ng reserba at lalong lumobo ang lamang, 101-64. Mahalaga ang tagumpay ng Milwaukee matapos yumuko sa Bulls noong Game 2, 110-114.

Sa Western Conference, pinatunayan muli ni Chris Paul na nararapat na tawagin siyang “Point God” at mag-isang binuhat ang numero unong Phoenix Suns sa 114-111 na pagwagi sa New Orleans Hornets at umabante sa seryeng best-of-seven, 2-1.


Uminit sa 18 ng kabuuang 27 puntos na may kasamang 14 assist si Paul sa 4th quarter na nagsimula na lang ng dalawa ang Phoenix, 81-79. Nag-ambag din ng 28 puntos si Deandre Ayton at malaking bagay na umangat ang iba pa niyang kakampi at wala pang linaw kung kailan makalalaro si Devin Booker matapos masaktan ang hita sa 114-125 pagkabigo sa Game 2.


Samantala, si Coach James Borrego ng Charlotte Hornets ang unang coach na sinisante matapos ang kampanya ngayong taon. Nagtala ng kartadang 43-39 ang Hornets, subalit natalo agad sa Atlanta Hawks sa Play-In Tournament, 103-132.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page